Paano gumaling mula sa stroke? Hindi madali ang proseso. Maraming bagay ang dapat isaalang-alang, kabilang ang kalusugan ng pasyente, dati nang umiiral na kondisyon, at maging ang kalubhaan ng stroke.
May ilang mga bagay na maaaring gawin ang mga pasyenteng nakaranas ng stroke upang mapataas ang tyansa ng kanilang paggaling. Bagama’t ang mga ito ay hindi nagbibigay ng 100% na garantiya ng ganap na paggaling, mapabubuti pa rin ng mga ito ang tyansa na manumbalik ang lakas, kadaliang kumilos, at kalusugan ng pasyente.
Paano Gumaling Mula Sa Stroke
Isa sa mahalagang bagay kung paano gumaling mula sa stroke ay ang kahandaan na magsagawa ng malaking pagbabago sa pamamaraan ng pamumuhay. Ito ay napakahalaga sa mga pasyenteng nakaranas ng stroke na sanhi ng mga hindi magagandang gawain tulad ng hindi pag-eehersisyo, pagkain ng hindi masustansyang pagkain, etc.
Marahil ito ang pinakamalaking problemang kailangan harapin ng isang tao. Gayunpaman, sa pamamagitan ng suporta ng mahal sa buhay, at pagpokus sa pagagaling, ang lahat ng ito ay magagawa.
Alamin sa artikulong ito kung paano gumaling mula sa stroke.
1. Pagkain Ng Masustansya
Ang iyong kinakain ay may direktang epekto sa iyong kabuoang kalusugan. Nangangahulugan itong kung ikaw ay nagpapagaling mula sa stroke, kailangan mong baguhin ang iyong diet.
Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pag-alis sa iyong diet ng mga matataba, processsed, at matatamis na pagkain. Sa halip, kumain ng maraming sariwang prutas at gulay.
Para sa karne, subukang iwasan ang pagkain ng mga matatabang karne tulad ng baka o baboy. Mainam na piliin ang lean cuts ng manok o ang pagkain ng isda tulad ng tuna, mackerel, at salmon. Sa paghahanda ng pagkain, piliin ang pag-steam, pagpapakulo, pag-bake, o pag-ihaw upang mabawasan ang saturated fat na kinakain.
Sa pamamagitan ng pagbabago ng diet, hindi lamang nito napatatas ang iyong tyansa na gumaling, ngunit napabababa rin nito ang tyansa ng isa pang stroke.
2. Pagsailalim Sa Stroke Rehabilitation
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga unang buwan matapos makaranas ng stroke ay mahalaga sa pagpapagaling. Napakahalaga para sa mga pasyente ang pagsailalim sa rehabilitation sa mga panahong ito.
Karaniwang nakatuon ang rehabilitation sa pagpapabuti ng motor skills, kadaliang gumalaw, at iba’t ibang mga ng paggalaw. Kadalasang sumasailalim sa mga pisikal na gawain o ehersisyo ang mga pasyente na makatutulong na mapabuti ang kanilang kakayahang igalaw ang kanilang mga braso at hita.
Sa ilang mga kaso, ginagamit ang electrical stimulation sa mga mahihinang muscle. Nagiging sanhi ito ng pag-contract na nakatutulong sa pagpapalakas ng mga muscle.
3. Ehersisyo
Isa sa mga paraan kung paano gumaling mula sa stroke ay ang pag-eehersisyo.
Ang ehersisyo ay nakatutulong sa pagpapabuti ng lakas, kadaliang gumalaw, at pagdaloy ng dugo sa buong katawan ng pasyente. Ang araw-araw na pag-eehersisyo ay nakatutulong upang mapababa ang tyansa ng stroke sa hinaharap. Gayundin, nakatutulong ito sa mga dati nang umiiral na kondisyon tulad ng high blood pressure at cholesterol.
Gayunpaman, mahalaga para sa pasyente na hindi lumabis sa pag-eehersisyo. Mahalaga ang pagdadahan-dahan, dahil ang labis na pag-eehersisyo ay maaaring maging sanhi ng injury na maaaring makahadlang sa pagpapagaling.
Mainam na ideya ang kumonsulta sa doktor upang malaman ang mga aktibidad na maaaring gawin. Sa paraang ito, malalaman mo kung gaano karaming ehersisyo ang maaaring gawin.
4. Pag-Inom Ng Gamot
Matapos makaranas ng stroke, kadalasang nireresetahan ang mga pasyente ng iba’t ibang mga uri ng gamot. Ang mga ito ay nakatutulong sa paggaling, gayundin sa pagpapababa ng tyansa ng stroke sa hinaharap.
Mahalaga ang laging pag-inom ng mga gamot na ito at huwag kaligtaan ang bawat dose. Tinatayang nasa 23% ng mga pasyenteng dating nakaranasa ng stroke ang nagkaroon ng ikalawang stroke. Ang mga gamot ay nakaiiwas at nakapagpapababa ng tyansa ng stroke.
5. Huwag Kalimutan Ang Mga Dati Nang Umiiral Na Mga Kondisyon
Huli, kung ikaw may dati nang mga umiiral kondisyon tulad ng diabetes, altapresyon, o mataas na lebel ng cholesterol, pinakamainam na gumawa ng mga aksyon upang makontrol din ang mga kondisyong ito.
Ang mga kondisyong ito ay maaaring maging sanhi upang tumaas ang tyansa ng pagkakaroon ng stroke. Kung hindi makokontrol, may malaking tyansang maaaaring ma makaranas ng isa pang stroke sa hinaharap.
Key Takeaways
Wala talagang madali o direktang paraan kung paano gumaling mula sa stroke ang mga pasyente. Ito ay dahil nangangailangan ng tiyaga at pasensya upang ganap na gumaling.
Ang pinakamahalagang bagay na dapat tandaan ay ang magpokus sa pagkakaroon ng positibong paraan ng pamumuhay at siguruhing mapananatili ang mga pagbabagong iyon.
Matuto pa tungkol sa Stroke at Aneurysm dito.