Ang stiff neck headache ay hindi isang aktwal na diagnosis; ito ay isang terminolohiyang ginagamit upang ang ilarawan na ang sakit ng ulong nararanasan ay dulot ng stiff neck. Upang malinaw na maunawaan ang kanilang kaugnayan, alamin muna natin kung ano ang sakit ng ulo at stiff neck.
Stiff Neck
Ang stiff neck ay nararanasan bilang pananakit sa leeg na dahilan upang maging mahirap ang paglingon ng ulo sa ibang direksyon. Ang pananakit na ito ay kadalasang nangyayari dahil sa isang muscle na nabanat o naipit.
Maraming mga bagay ang maaaring magresulta sa stiff neck; kabilang sa mga karaniwang dahilan ay ang mga sumusunod:
- Pananatili ng ulo sa isang hindi komportableng posisyon habang natutulog
- Naipit na ugat
- Matagal na pananatili sa isang hindi magandang postura
- Injury, tulad ng whiplash mula sa aksidente sa sasakyan o pagkapilay o pagkaipit mula sa pagkakahulog
- Medikal na kondisyon, tulad ng arthritis
Sakit Ng Ulo
Ang sakit ng ulo ay isang karaniwang sakit. At taliwas sa mga sikat na paniniwala, ito ay hindi nangangahulugang sumasakit ang utak sa tuwing nakararanas nito. Sa karamihan ng mga kaso, ang pagsakit ng ulo ay nangyayari dahil sa mga problema sa nerves, ugat na daluyan ng dugo, o muscles sa ulo, mukha, o leeg.
Mahalagang tandaang hindi madalas mahirap alamin kung ano ang sanhi ng pagsakit ng ulo. Ang ilan ay nakararanas nito nang mas madalas kaysa sa iba.
Ang isang uri ng sakit ng ulo, na tinatawag na tension headache, ay maaaring maranasan kung ang muscles sa leeg ay mabanat o mag-contract — tulad ng kapag nakararanas ng stiff neck.
Tips Upang Maibsan Ang Sakit Ng Ulo At Stiff Neck
Ngayong alam na natin kung paano nagiging trigger ng sakit ng ulo ang stiff neck, narito naman ang mga hakbang na maaaring makatulong upang maging mas mabuti ang pakiramdam.
1. Maglagay ng cold at warm compress
Ang unang hakbang upang kontrolin ang sakit ng ulo at stiff neck ay ang paggamot muna sa stiff neck.
Sa unang 48 hanggang 72 oras matapos magsimulang sumakit ang leeg, maaaring maglagay ng cold compress sa apektadong bahagi. Matapos nito, magtuon naman sa paggamit ng init. Maaaring magsagawa ng warm shower o gumamit ng heating pad.
Kung gagamit man ng cold o hot compress, siguraduhing protektahan ang balat. Magpahinga sa pagitan ng pagsasagawa nito at huwag matulog nang may nakalagay na compress sa leeg.
2. Banatin at igalaw ang muscles
Ang paggalaw at pagbanat ng muscles ay makatutulong upang mawala ang tensyon at maibsan ang sakit ng ulo at stiff neck. Gayunpaman, iwasan ang pag-alog o biglang pagkilos na maaaring maging sanhi ng pananakit.
Dahan-dahang ilingon ang ulo sa magkabilang bahagi, taas at baba. Kabilang sa ibang uri ng stretches ay maaaring makatulong upang gumaling ang nabanat na muscles ng leeg ay ang mga sumusunod:
- Pag-ikot sa balikat nang patalikod at pababa
- Pagpisil sa shoulder blades
- Pagdikit ng tainga at balikat
Syempre, ang dahan-dahang pagmasahe sa apektadong bahagi ay makatutulong din, subalit huwag itong pwersahin.
3. Pag-inom ng mga gamot para sa pananakit
Maaari ding komunsulta sa doktor tungkol sa pag-inom ng gamot para sa pananakit. Ngunit tandaan, huwag uminom ng magkaibang pain reliever.
Dagdag pa, ang pag-inom ng tiyak na pain killers sa loob ng tatlong araw sa isang linggo ay maaaring magresulta sa rebound headaches. Kung kailangan ang madalas na pag-inom ng gamot para sa pananakit, mahalagang isaalang-alang ang pagkonsulta sa doktor.
4. Umiwas sa stress at pagkapagod
Ang stress at pagkapagod ay maaaring makapagpalubha ng sakit ng ulo at stiff neck; gayundin, maaari itong maging dahilan upang mas madaling magkaroon ng iba pang mga problema sa kalusugan.
Dahil dito, mahalagang huwag magpalipas ng pagkain, magkaroon ng sapat na pahinga, at mahimbing na tulog.
5. Maging maingat sa posisyon sa pagtulog
Totoong maaaring hindi mo mabantayan ang iyong posisyon habang natutulog, ngunit maaaring magsagawa ng pag-iingat bago matulog. Halimbawa, iwasan ang pagtulog nang nakadapa dahil ang ganitong posisyon ay nagiging dahilan upang mabaling ang ulo sa hindi magandang posisyon.
Ngayon, kung paulit-ulit ang kondisyon, isaalang-alang ang pagbili ng matigas na higaan at komunsulta sa doktor tungkol sa paggamit ng espesyal na neck pillow.
Key Takeaways
Ang stiff neck headache ay hindi isang uri ng sakit ng ulo. Ito ay isang terminong ginagamit upang sabihing ang sakit ng ulo ay dulot ng pananakit sa leeg. Sa karamihan ng mga kaso, ang
home remedies ay sapat na upang maibsan ang parehong sakit ng ulo at stiff neck. Gayunpaman, kung paulit-ulit na nararanasan ang parehong sakit na ito, mahalagang bigyang-prayoridad ang pagkonsulta sa doktor para sa wastong diagnosis at interbensyon. Tandaang kung minsan, ang sakit ng ulo ay nangyayari dulot ng iba pang konsiyon.
Matuto pa tungkol sa Sakit ng Ulo at Migraines dito.