Migraines ang pinakamalalang uri ng mga sakit ng ulo na pwede mong maranasan. Maaring maging mahirap magtrabaho o gumawa ng daily tasks kapag may migraine. Kaya mahalagang alam mo ang pwedeng gawin kung paano makaiwas sa migraine.
Pero bakit ba nangyayari ang migraines? At ano ang kaibahan ng migraine sa iba pang uri ng pananakit ng ulo?
Ano ang migraine?
Ang migraine ay isang malubha at masakit na uri ng sakit ng ulo. Kadalasan, ang pakiramdam ay pumipintig na sakit na nasa isang bahagi ng ulo. Ang mga taong nakakaranas ng migraine ay maaari ding makaramdam ng pagduduwal, o magsimulang magsuka. Maaaring kasama sa mga sintomas ng migraine ang pagiging sensitibo sa liwanag at tunog.
Pwede itong tumagal ng ilang oras o araw, at malubhang nakakaapekto sa kakayahan ng isang tao na gawin ang kaniyang pang-araw-araw na gawain. Ang ilang mga tao ay nakakaranas din ng “aura” bago ang sakit ng ulo. Ang aura ay mga maliliwanag na spot, kumikislap na ilaw, zigzag na linya, o pamamanhid at pangingilig sa labi, dila, daliri, kamay, at ibabang mukha. Ito ay tumatagal ng 5 hanggang 20 minuto at pagkatapos ay nagsisimula ang pananakit ng ulo.
Ang mga migraine ay maaaring ma-trigger ng ilang mga bagay. Karaniwan, ang pag-iwas sa mga trigger nito ay maaaring makatulong na mapigilan ito.
Ano ang nagti-trigger ng migraines?
Narito ang ilang mga bagay na posibleng mag-trigger ng migraines.
Stress
Karamihan sa mga taong nagdurusa sa migraine ay dumaranas din ng stress. Sa katunayan, ang stress ang numero unong sanhi ng migraine. Ang mga bagay na maaaring mag-ambag sa stress ay mga problema sa trabaho, mga problema sa personal o relasyon, pananalapi, pagkabalisa, pati na rin ang depresyon.
Kulang sa Tulog
Ang kakulangan sa tulog ay isa pang karaniwang trigger para sa migraines, lalo na para sa mga nagtatrabaho sa graveyard shift, o para sa mga may insomnia. Mahalaga ang pagtulog pagdating sa pagpapahintulot sa iyo na magpahinga at mag-recharge. Maaaring masyado mong pinapagod ang iyong sarili kapag kulang ka sa tulog.
Kung patuloy kang nahihirapan na makatulog, malamang, dumaranas ka rin ng migraine.
Hormonal changes
Alam mo ba na ang mga babae ay tatlong beses na mas malamang na magkaroon ng migraine kumpara sa mga lalaki? Humigit-kumulang 75% ng mga kababaihan ay may posibilidad na makaranas ng migraine sa simula ng kanilang regla. Ito ay dahil sa pabagu-bagong level ng progesterone at estrogen hormones sa kanilang mga katawan.
Sobrang pag-inom ng gamot
Ang mga taong patuloy na dumaranas ng migraine ay maaaring umiinom ng gamot upang makatulong sa sa sakit. Ngunit may mga pagkakataon kung saan ang sobrang pag-inom ng gamot sa migraine ay maaaring mag-trigger ng migraine ng isang tao. Ang phenomenon na ito ay tinatawag na Medication Overuse Headache o MOH.
Ang ilang mga amoy ay maaaring mag-trigger ng migraine
Kung minsan, ang migraines ay maaari ding ma-trigger ng malalakas na amoy. Karaniwang nauugnay sa osmophobia ang migraine, o matinding pag-ayaw sa ilang mga amoy. Ang mga taong may ganitong kondisyon ay maaaring magsimulang magkaroon ng migraine kung may naaamoy silang masama, o napakalakas na amoy.
Liwanag
Kung nakaranas ka ng migraine, pansinin na ang maliwanag na ilaw, o maging ang sikat ng araw ay maaaring maging sanhi ng paglala ng pananakit ng iyong ulo. Ito ay isa pang karaniwang trigger sa mga taong dumaranas ng migraine. Ito rin ang dahilan kung bakit ang pagpikit ng mga mata o pag-dim ng mga ilaw kapag may migraine ay maaaring makatulong sa iyo na mabawasan ang sakit.
Diet
May katotohanan sa kasabihang “you are what you eat.” Kung hindi healthy ang diet mo, at hindi ka kumakain ng sapat na sariwang pagkain tulad ng mga prutas at gulay, maaaring mas malamang na magkaroon ka ng migraine kumpara sa ibang tao.
Bukod pa rito, ang pagkain ng masyadong maraming matatamis, dairy products, at ilang partikular na pagkain na may malalakas na amoy ay maaaring mag-trigger ng migraine sa ilang tao.Kabilang din ang ilang mga inumin o pagkain. Ito ay tulad ng mga hot dog, aged cheese, at redwine na partikular na pinag-aralan na nagti-trigger ng mga pag-atake ng migraine.
Mga pagbabago sa panahon
Para sa ilang tao, ang mga pagbabago sa panahon gaya ng biglaang pagtaas ng humidity o sobrang init ay maaaring mag-trigger ng migraine. Bukod pa rito, maaari rin itong maging sanhi ng pagka-dehydrate ng mga tao, na maaari ring maging sanhi ng migraine.
Caffeine at alkohol
Ang mga taong umiinom ng maraming caffeine o alkohol ay mas madaling makaranas ng mas matinding migraine. Ang alkohol at kape ay maaari ding maging sanhi ng migraine.