Bagama’t ang mga siyentista ay maraming tinutukoy na salik na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng Parkinson’s Disease (PD), hindi pa rin malinaw kung ano ang tiyak na sanhi nito. Ito ang dahilan kung kaya’t mas mahirap mapigil ang PD bago pa man ito magkaroon nito ang isang tao. Sa artikulong ito, alamin ang mga maiinam na paraan na posibleng makatulong kung paano maiiwasan ang Parkinsons.
Mga Katangian Ng Parkinson’s Disease (PD)
Bago malaman ang mga maiinam na paraan kung paano maiiwasan ang Parkinsons, alamin muna ang pathological features ng sakit na ito. Ang pathological features ay ang mga katangian at pagbabagong karaniwan sa mga pasyenteng may tiyak na sakit.
Sa usapin ng PD, natuklasan ng mga siyentista na ang mga pasyente ay may mababang lebel ng dopamine. Ito ay isang neurotransmitter na nagpapadala ng mensahe sa nerve cells. Dagdag pa, sila ay may mataas na lebel ng protina na tinatawag na alpha-Synuclein o alpha-Syn.
Itinuring ng mga mananaliksik ang mga pagbabagong ito bilang bahagi ng mga posibleng sanhi ng PD. Gayunpaman, sinusubukan pa rin nilang malaman kung bakit ito nangyayari. Ang tiyak na sanhi ng PD ay nananatili pa ring misteryo.
Mabuti na lamang, tayo ay maaaring gumawa ng mga simpleng hakbang upang mapabuti ang mga lebel ng ating dopamine and alpha-Syn. Ayon sa pananaliksik, ang mga sumusunod na paraan ay posibleng makatulong upang maiwasan ang Parkinson’s Disease.
3 Paraan Kung Paano Maiiwasan Ang Parkinsons
1. Regular Na Ehersisyo
Isang praktikal na paraan upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng Parkinson’s Disease ay ang pagiging pisikal na aktibo.
Ang ehersisyo ay isa sa inirerekomendang treatment practices para sa PD. Binigyang-diin ng mga doktor na ang mga pasyente ay dapat magkaroon ng lakas, balanse, at endurance dahil kakailanganin nila ang mga ito upang labanan ang mga epekto ng mga komplikasyon ng huling yugto ng sakit na ito.
Ngayon, may mabuting dahilan upang paniwalaan na ang ehersisyo ay maaari ring makatulong upang maiwasan ang Parkinson’s Disease. Ayon sa iba’t ibang mga pag-aaral, ang mga taong may pinakamataas na lebel ng katamtaman hanggang matinding pisikal na mga gawain ay ang may pinakamababang tyansa na magkaroon ng PD. Binigyang-tuon ng isang partikular na pag-aaral na may mahigit 213, 000 na mga kalahok na ang pisikal na gawain ay nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng PD nang halos 40%.
Paano nakatutulong ang ehersisyo:
Bagama’t hindi pa malinaw kung paano tiyak na nakatutulong ang ehersisyo upang maiwasan ang Parkinson’s Disease, naniniwala ang mga mananaliksik na ito ay dahil ang ehersisyo ay nagbibigay ng maraming benepisyong nagbibigay-proteksyon sa utak. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Pag-activate sa neurons na responsable sa motor control
- Pagpapabilis ng daloy ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng utak
- Pagpapabuti sa neural plasticity, na nakapagpapabuti ng balanse at motor control; ang plasticity ay ang kakayahan ng utak na magkaroon ng koneksyon sa brain cells
- Pag-iwas sa pagkawala ng dopamine
- Pag-iwas sa pamumuo ng alpha-Syn protein
Ano ang maaari mong gawin:
Isaalang-alang ang pagpapataas ng lebel ng mga katamtaman hanggang matinding pisikal na gawain. Ang mga halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
- Mabilis na paglalakad
- Pagbibisikleta
- Paglalaro ng badminton
- Tennis
- Pag-akyat sa bundok
- Jogging
- Paglalaro ng basketball
Paalala lamang: Huwag kalimutang komunsulta sa doktor tungkol sa anomang plano na baguhin ang routine sa pag-eehersisyo.