backup og meta

Basahin: Brain Aneurysm Survivor Sa Edad Na 37, Pia Lizares

Basahin: Brain Aneurysm Survivor Sa Edad Na 37, Pia Lizares

Kamaikailan lamang ay nakapanayam ng Hello Doctor Philippines ang fashion entrepreneur na si Pia Lizares. Ibinahagi niya ang kanyang mga karanasan bilang isang survivor ng brain aneurysm, at kung paano ito nakaapekto sa kanyang buhay.

Sa edad lamang na 35, si Pia ay isang napakabatang survivor ng ruptured brain aneurysm. Siya ay 32 taong gulang lamang nang pumutok ang kanyang unang aneurysm. Hindi ito karaniwan dahil karamihan sa aneurysm ay lumalabas sa edad 40 o higit pa. Makalipas ang isang taon, natuklasan sa pamamagitan ng scanning ang recurrence at dalawang bagong aneurysms.

“Isang taong matapos pumutok ang aking unang aneurysm, nakaramdam ako ng galit at sakit nang malaman ko ang tungkol sa recurrence. Nagkaroon ako hindi lang isa, kundi tatlong aneurysms! Pakiramdam ko parang iniwan na ako ng Diyos.”

Pia Lizares

Sa kabuoan, napagtagumpayan ni Pia ang dalawang major na operasyon at apat na brain aneurysms. Bagama’t nakararamdam pa rin siya ng ilang side effects, muli na siyang nakabalik sa kanyang normal na buhay. Nakatuon siya sa pagpapabuti ng kanyang buhay sa abot ng lahat ng kanyang makakaya. Dito ay nagbahagi siya ng life-saving advice at ng iba pang mahalagang bagay na makatutulong sa iba.

survivor ng brain aneurysm

Panayam kay Pia Lizares, survivor ng brain aneurysm

Maaari mo bang ipakilala ang iyong sarili?

Isa akong isang propesyonal na fashion entrepreneur. Ako ay 35 taong gulang, walang asawa, walang anak. Nagmamay-ari ako ng isang clothing brand. Ang aking buhay ay hindi ganoong ka-stressful.

Paano mo nalaman ang tungkol sa iyong aneurysm, at ilang taon ka nang ikaw ay ma-diagnose?

Unang akong na-diagnose noong Pebrero 2018. 32 taong gulang ako noon. Iyon ay ruptured aneurysm o subarachnoid hemorrhage, na nangailangan ng emergency surgery.

Noong magkaroon ka ng apat na aneurysms, lahat ba ng ito ay sabay-sabay na nangyari o isa matapos ang isa?

Ang una ay noong 2018, rupture iyon. Sumailalim ako sa endovascular coiling upang ayusin ang pumutok na aneurysm. Pagkatapos nito, habang isinasagawa ang aking routine angiogram noong Pebrero 2018, may napansin noon ang aking neurosurgeon. Napansin niya ang isang major recurrence at dalawang bagong aneurysms.

Ang dating ruptured coiled aneurysm ay mas lumaki at may dalawang bagong aneurysms katabi nito. Noong panahong iyon, sinabi sa akin ng aking neurosurgeon na hindi na niya ito magagamot. Kailangan kong maghanap ng ibang neurosurgeon na maaaring magsagawa ng craniotomy.

Mayroon ba noong anomang mga senyales na indikasyong may mali o problema?

Bago pumutok ang una kong aneurysm, laging masakit ang aking ulo. Pero hindi ko inisip na iyon ay malubha. Wala akong risk factors. Hindi ako naninigarilyo, hindi ako umiinom, hindi ako nagdodroga, at hindi ako overweight.

Ano ang iyong naramdaman nang malaman mo ang tungkol sa iyong aneurysms?

Umaga iyon ng Pebrero 2018. Babangon na ako noon mula sa kama ko nang bigla akong nakaramdam na parang may naputol sa loob ng utak ko. Bigla akong nakaramdam ng “thunderclap” headache na hindi tulad ng ibang sakit. Alam kong hindi iyon tulad ng karaniwan kong nararanasang migraine.

Matapos nito, nagsimula na akong sumuka nang walang tigil. Sinubukan kong tumayo pero hindi ko kaya. Buti na lamang at katabi ko noon ang cellphone ko. Na-text ko ang kasambahay namin na puntahan ako. Tumawag ang mga magulang ko sa isang kaibigang doktor. Sinabi niyang dalhin ako sa ospital sa lalong madaling panahon.

Hindi ako nawalan ng malay. Mabuti na lamang, mabilis ang doktor na nasa ER. Naisip niyang baka sa pamamagitan ng brain scan ay malalaman kung aneurysm ba ang nangyari sa akin.

Agad siyang nag-utos na isailalim ako sa CT-Scan. Nakita agad na may pagdurugo. Matapos ito ay sumailalim naman ako sa CT-Angiogram with contrast upang malaman ang tiyak na lokasyon ng pagdurugo. Kinumpirma na iyon ay ruptured brain aneurysm, o Subarachnoid Hemorrhage.

Ano ang iyong naramdaman nang malaman mo ang tungkol sa recurrence?

Isang taong matapos pumutok ang aking unang aneurysm, nakaramdam ako ng galit at sakit nang malaman ko ang tungkol sa recurrence. Nagkaroon ako hindi lang isa, kundi tatlong aneurysms! Pakiramdam ko parang iniwan na ako ng Diyos. Pero narito ako ngayon na lubos na nagpapasalamat dahil naka-survive ako. Mabuti na lamang, ang pinakamahusay na neurosurgeon ng bansa ang aking naging doktor. Naging mabilis ang craniotomy surgery at naging maayos ang aking paggaling.

survivor ng brain aneurysm
Si Pia noong 2008, pagkatapos ng endovascular coiling procedure

Ano-anong uri ng treatment ang iyong ginawa?

Noong 2018, noong nakita sa CT-Angiogram ang pagdurugo sa utak ko, inilipat ako sa mas malaking ospital, kung saan ang neurosurgeon ay dalubhasa sa endovascular coiling.

Nagpasya ang mga magulang ko na gawin ang coiling. Kung tutuusin, less invasive iyon at mas mabilis ang panahon ng paggaling. Emergency case iyon na kailangang gawin sa pinakalalong madaling panahon.

Noong panahong iyon, ang aking neurosurgeon ay dalubhasa sa endovascular treatment. Sinabi niya sa mga magulang ko na kailangan niya akong i-refer sa ibang surgeon kung hindi magiging matagumpay ang endovascular coiling.

Makalipas ang isang taon, natuklasan sa isang routine four-vessel angiogram ang major recurrence, gayundin ang dalawang bagong aneurysms. Kaya kinailangan kong sumailalim sa craniotomy. Sa operasyong iyon, isinagawa ang clipping ng tatlong aneurysms, coil extraction (pagtatanggal ng coils na inilagay isang taon ang nakalipas), at muslin wrapping ng namatay na artery.

Sumailalim ka ba sa therapy matapos ang operasyon? Ano-ano ang iyong mga ginagawa upang manatiling malusog?

Napakaswerte ko. Parehas na matagumpay ang aking dalawang operasyon. Para sa akin, pansamantala lamang ang coiling pero nailigtas pa rin nito ang buhay ko.

Ang clipping ay mas invasive dahil kinailangang buksan ang buo ko. Parehong mahusay ang aking neurosurgeons sa kani-kanilang mga ginagawa. Hindi ko kinailangan ng therapy dahil wala akong anomang neurological deficits, gayundin hindi ako nahirapang gumalaw.

Sa totoo lang, ang aking surgeons ay walang ibinigay na mga tiyak na guidelines upang maiwasan ang future aneurysms. Kung tutuusin, wala naman akong risk factors at hindi lubhang nakaka-stress ang buhay ko. Kailangan ko lamang iwasan ang triggers at mga sitwasyong maaaring maging dahilan ng biglang pagtaas ng blood pressure. Kabilang dito ang lubhang pagkapagod (tulad ng matitinding exercises, pagbubuhat, at iba pa, mga bagay na hindi ko naman talaga ginawa).

Hindi ito inirekomenda ng aking mga doktor pero ginagamit ko ngayon ang block at unfollow buttons sa social media at messaging apps. Sinusubukan kong huwag isipin ang mga bagay-bagay at iwasan ang mga taong nagbibigay ng stress sa akin.

survivor ng brain aneurysm
Apat na araw pagkatapos ng craniotomy ni Pia Lizares

Kumusta ka matapos sumailalim sa dalawang brain surgeries? Naapektuhan ba nito ang iyong mental health? Paano nito nabago ang iyong pananaw sa buhay?

Sabi ng iba, mas iritable ako ngayon. Hindi ako sigurado kung dahil ba ito sa brain surgery o maaaring dahil sa ibang kadahilanan. Halimbawa na lang ay ang mga taong nakaka-stress o pagbabasa ng balita. Mas madali rin akong mapagod.

Muli, hindi ako sigurado kung dahil ba ito sa surgeries o normal na senyales lamang ito ng pagtanda. Nabago nito ang pananaw ko sa buhay sa usaping hindi ko na maisip nang mabuti ang malayong hinaharap,

Ngayon, ako ay 18 buwang makalipas ang craniotomy. Maganda ang resulta ng aking huling scan. Ako ngayon ay aneurysm-free, subalit kailangan pa rin ang routine brain scan kada anim hanggang labindalawang buwan. Sabi ng aking neurosurgeon, dahil bata pa ako, maaaring subaybayan niya ako sa aking buong buhay. Maraming maaaring mangyari kung paplanuhin kong mabuhay nang 40 hanggang 50 pang taon. Tinitingnan ko ang brain scans na ito na parang “renewal of contract” ng buhay.

Hindi madaling ma-survive ang dalawang ruptured aneurysms. Bilang isang survivor ng brain aneurysm, anong mensahe ang maibibigay mo sa mga taong marahil ay nasa parehas na sitwasyon?

Na-survive ko ang apat na aneurysms at dalawang operasyon. Mahirap magbigay ng mga tiyak na payo. Marami ang hindi nakaaalam na mayroon silang aneurysms hanggang sa ito ay pumutok. Ang CT-Angiogram with contrast, MR-Angiogram o Four-Vessel Angiogram ay scans na makatutulong upang malaman kung ang isang tao ay may nakatagong unruptured aneurysm.

Hindi mo agad na mahihiling ang pagsasagawa ng ganitong tests, hindi tulad ng mammogram o pap smear. Hindi ito bahagi ng routine annual physical exam.

Sumailalim din sa tests ang mga kapatid ko dahil kapamilya ko sila at mayroon silang mataas na tyansang magkaroon ng aneurysm. Mabuti na lamang, negatibo ang resulta.

Kung nalaman mong mayroon kang aneurysm bago pa ito pumutok, mabuti para sa iyo. Gawin ang mga mahahalagang pag-iingat upang maiwasan ang pagputok ng aneurysm, tulad na lamang ng sobrang stress o laging pag-alam sa presyon ng iyong dugo. Maaari ding itong imonitor ng iyong doktor upang malaman kung kinakailangan ng treatment.

Mas mapalad ka pa rin kaysa sa mga taong hindi nakaaalam na mayroon silang aneurysm. Para silang nabubuhay nang may time bomb sa kanilang mga utak.

Kung na-survive mo ang ruptured aneurysm, sobrang mapalad ka! May mga taong may ruptured aneurysm na namatay bago pa man makapagpakonsulta. Kung ikaw ay may aneurysm, normal lamang ang mag-alala.

Subalit ang pag-aalala ay hindi nakatutulong na masolusyunan ang problema. Nanakawin lamang nito ang masasayang sandali ng kasalukuyan. Walang kasiguraduhan. Gawin ang lahat ng makakaya sa bawat araw. Mabuhay araw-araw na parang ito ay huli mo na, dahil isang araw, darating din iyon.

Tandaan: Ang karanasan ng bawat pasyente ay nagbabago. Pinakamainam pa rin ang magpakonsulta sa doktor upang malaman ang pinakamainam na gamutan at ang mga hakbang upang makaiwas.

Matuto pa tungkol sa Iba Pang Kondisyon ng Nervous System dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Kasalukuyang Version

09/01/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Nicole Aliling, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Gamot Sa Aneurysm: Anu-Ano Ang Nirerekomenda Ng Mga Doktor?

Senyales ng Aneurysm na Dapat Mong Alalahanin


Narebyung medikal ni

Nicole Aliling, MD

Neurology · Centre Médicale Internationale


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement