Madalas ka bang nakararanas ng pagkahilo habang nakaupo, nakatayo o kahit sa paghiga? Nahihilo at pakiramdam na parang umiikot ang paligid ay ilan lamang sa pinakakaraniwang sintomas ng problema sa balanse. Basahin pa upang malaman ang mga sanhi ng nawawala sa balanse habang naglalakad, nakatayo, at nakahiga.
Ano ang Balance Disorder?
Ang balance disorder ay kondisyon o kapansanan na nagreresulta sa pakiramdam ng pagkahilo. Kung ikaw ay nagdurusa sa balance disorder, maaaring nararamdaman mo ang pagtumba ng sandali at ang pakiramdam na parang lumulutang o umiikot na paningin habang nakahiga.
Ito ay karaniwang kondisyon sa matatanda at kadalasang nagdudulot ng malimit na pagkahulog. Ito ay nangyayari kasunod kung ang balance organs sa katawan ay hindi maayos na gumagana. Ang balance disorder ay maaaring negatibong makaapekto sa normal na buhay dahil sa ang “dizzy spell” ay maaaring mangyari anumang oras, kahit saan.
Ano ang mga sintomas ng nawawala sa balanse?
Maliban sa pakiramdam na hindi matatag at pagewang-gewang na paglakad, narito ang iba pang sintomas ng nawawala sa balanse:
- Pakiramdam na umiikot o vertigo
- Pawang mahuhulog o matutumba
- Pamumutla, pagkahilo, at maging ang pakiramdam na lumulutang
- Malabong paningin o sensitibong paningin at pandinig
- Pagkalito
- Hirap maglakad sa madilim na silid
Ang mga sintomas tulad ng pagduwal, pagtatae, pagbabago sa presyon ng dugo at heart rate, takot, pagkabalisa, at pagiging tarantahin ay maaari ding maranasan ng taong may balance disorder.
Ang mga sintomas na ito ay tumatagal ng maikli o mahabang panahon.
Ano ang mga sanhi ng balance disorder?
Maraming kadahilanan na nagsasanhi ng nawawala sa balanse habang naglalakad, nakatayo, o sa paghiga. Ang balance disorder ay maaaring resulta ng tiyak na kondisyong medikal.
Upang maging mas madali para sa iyo, hinati namin ang mga kondisyong medikal sa apat na grupo, ang peripheral vestibular disorders, central vestibular disorders, systemic disorders, at vascular disorders.
Peripheral vestibular disorders
- Benign paroxysmal positional vertigo (BPPV). Ang BPPV ay resulta ng kawalan ng calcium carbonate crystals (otoconia) na responsable sa pagkontrol ng balanse, sa loob ng tenga kung saan dapat ito makita. Isa sa pinakakaraniwang dahilan ng kawalan ng balanse ay ang BPPV, ito ay pakiramdam na umiikot (vertigo), nakatayo o nakahiga.
- Meniere’s disease ay isang bihirang kondisyon sa loob ng tenga na nagdudulot ng malalang vertigo at ingay sa tainga (tinnitus), pagkawala ng pandinig, at ang pakiramdam ng kapunuan ng tenga. Sa ngayon, hindi pa rin nalalaman ang sanhi ng Meniere’s disease.
- Nangyayari ang vestibular neuritis kung ang vestibulocochlear nerve, isang nerve na maghahatid ng impulse sa utak na may kaugnayan sa balanse, ay namamaga. Kung ito ay mangyari, ang nerve ay hindi nakapag papadala ng tamang impormasyon sa utak na magsasanhi ng pagkalito. Ang sintomas ng vestibular neuritis tulad ng pagkahilo at hirap sa paglalakad ay kadalasang madalas at nananatili.
- Persistent postural-perceptual dizziness (PPPD) o chronic subjective na pagkahilo ay nagdudulot sa tao ng umiikot na pakiramdam sa ulo, at lumalala kung nanonood ng gumagalaw na bagay o kung nagbabasa. Ang mga mental na kondisyon tulad ng pagkataranta, pagiging balisa, stress, depresyon, at OCD ay maaaring mag-trigger sa PPPD.
Central vestibular disorder
- Ang migraine ay nagdudulot ng labis at nakapanghihina na sakit sa bahagi ng ulo. Ito ay karaniwang nagsasanhi ng pagkahilo at pagiging sensitibo sa galaw.
- Acoustic neuroma o vestibular schwannoma ay bihirang benign na tumor na nabubuo sa mga nerve na responsable sa balanse at pandinig. Maaaring makaranas ang isang tao ng kawalan ng balanse at problema sa pandinig kung ang tumor ay sisiksik sa nerve.
- Ramsay hunt syndrome (RHS) ito rin ay isang bihirang neurological na sakit na kilala sa komplikasyon ng shingles. Bukod sa nakararanas ng paralisado sa nerve sa mukha at pananakit sa tainga ang taong may RHS ay nagdurusa rin sa vertigo at kawalan ng pandinig.
- Head injury o trauma ay isa sa mga karaniwang dahilan sa vertigo o nawawala sa balanse habang naglalakad.
- Motion sickness o kinetosis ay isang pangkaraniwang kondisyon na nararanasan ng tao habang naglalakbay sa pamamagitan ng bangka, eroplano, kotse, at iba pang sasakyan. Ito ay nagsasanhi ng pagkahilo at pagsusuka.
Ang mga neurological na sakit tulad ng Parkinson’s at cervical spondylosis ay maaaring magresulta ng balance disorder dahil sa apektadong nerve sa utak. Ito ay negatibong nakaaapekto sa balanse ng tao.
Systemic disorders
- Hemodynamic orthostatic hypotension (postural hypotension) ay uri ng mababang presyon ng dugo na nangyayari kung ang tao ay biglang umuupo o tumatayo. Ito ay nagdudulot ng pagkahilo, at kung minsan ay kawalan ng malay.
- Peripheral neuropathy ay nagsasanhi ng nawawalan ng balanse dahil naaapektuhan nito ang pandama, motor at autonomic nerve ng tao.
- Abnormal na bilis sa paghinga (hyperventilation) ay maaari humantong sa kawalan ng balanse dahil sa mabigat na paghinga at pagkahilo.
- Sakit sa isip tulad ng depresyon, pagkabalisa, panic attacks, at iba pang sakit sa isip na maaaring magresulta sa vertigo o nawawala sa balanse.
Vascular disorders
- Sakit sa cardiovascular tulad ng arrhythmia sa puso ay hypertrophic cardiomyopathy. Ito ay maaaring humantong sa pagkahilo at kawalan ng balanse dahil sa hindi normal na daloy ng dugo.
- Mga gamot na mayroong ibang epekto tulad ng vertigo at pagkahilo na nagreresulta sa balance disorder.
Paano gamutin ang Balance disorder?
Matapos malaman ang mga rason sa kawalan ng balanse kung naglalakad, alamin naman natin ang maaaring gawin upang magamot ang balance disorder.
Isaisip na ang iba’t ibang dulot ng sakit ay nangangailangan ng iba’t ibang gamot. Siguruhing nakausap ang doktor bago subukan ang mga gamot sa ibaba.
Ang paggamot para sa balance disorder ay kinabibilangan ng:
- Vestibular rehabilitation at programa para sa espesyal na ehersisyo o therapy upang mapaigi at mabawasan ang problemang may kaugnayan sa balanse at pagkahilo. Ang therapy na ito ay isinasagawa ng propesyonal na vestibular therapist.
- Epley maneuver ay hanay ng ulo at dibdib na uri ng ehersisyo. Ito ay naglalayong maayos ang semicircular canals na tubong puno ng fluid na responsable sa pagpapanatili ng balanse. Ang pagsasagawa ng ehersisyong ito ay makatutulong na mapabuti ay mabawasan ang mga sintomas ng BPPV.
- Pagbabago sa pamumuhay tulad ng pagbawas sa pag-inom ng alak, pagtigil sa paninigarilyo, at pagpili ng malusog na dieta. Ito ay makatutulong na mapaginhawa ang mga sintomas na sinasamahan ng balance disorder.
- Operasyon para sa Meniere’s na sakit o acoustic neuroma ay nakatutulong sa problema sa balanse. Ang mga hindi nangangailangan ng operasyon ay tinatawag na stereotactical radiosurgery. Ito ay makatutulong na magamot ang acoustic neuroma sa pamamagitan ng pagsira sa DNA sa tumor upang pigilan na dumami.
- Pag-inom ng gamot, ang pinaka karaniwan na ginagawa sa vertigo. Ang iyong doktor ay magrereseta ng gamot na makatutulong upang mabawasan ang dalas at pawiin ang pagkahilo. Isaisip na huwag magbigay ng gamot para sa sarili at magtanong sa doktor para sa payo.
Mahalagang Tandaan
Ang nawawala sa balanse ay negatibong nakaaapekto sa buhay ng tao. Dahil ang mga sintomas nito ay maaaring mangyari anumang oras at kahit saan. Ang pagiging maalam sa sanhi nito ay malaking tulong, upang iyong malaman ang angkop na gamot upang mapabuti ang iyong kondisyon.
Kung ikaw ay kasalukuyang nakararanas ng balance disorder, mainaman kung ikaw ay maaalalayan sa lahat ng oras upang maiwasan ang anumang aksidente.
Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.