backup og meta

Ano ang mga Dahilan para Mahimatay ang Isang Tao?

Ano ang mga Dahilan para Mahimatay ang Isang Tao?

Tiyak na nakakita na o nakaranas na ang sinumang tao ng nahihimatay. Iniisip din ng iba na dramatic ang pagkahimatay lalo na’t madalas tayong makakita nito sa telebisyon matapos ang isang nakaka-traumang tagpo. Gayunpaman, sa telebisyon man o sa tunay na buhay, ang mga sanhi ng pagkahimatay ay totoo at hindi dapat ipagsawalang bahala. Mahalagang alam natin kung bakit nahihimatay para alam natin ang dapat na gagawin.

Ano ang syncope o pagkahimatay?

Ang syncope, pagkawala ng malay o pagkahimatay ay nangyayari dulot ng kakulangan ng dugong dumadaloy sa utak. Maaaring dulot ng biglang pagbagsak ng blood pressure at puso, at pagbabago sa dami ng dugo sa iba pang bahagi ng katawan ang sanhi ng kakulangan ng dugo sa utak. 

Sa iba, bihira itong mangyari sa kanila at hindi nagdudulot ng anumang seryosong bagay. Gayunpaman, may mga pagkakataong ang pagkahimatay ay sintomas ng nakatagong sakit tulad ng atake sa puso.

Ano ang mga sintomas ng pagkahimatay?

Bago tayo magtungo sa mga sanhi ng pagkahimatay, tingnan muna natin ang mga sintomas na maaari mong maramdaman bago ka himatayin:

  • Pagkahilo
  • Pagsakit ng ulo
  • Pagduduwal
  • Vertigo
  • Disorientation
  • Paglabo ng paningin
  • Pamumutla ng mukha at katawan
  • Pakiramdam na parang may init sa loob ng katawan
  • Pagbilis ng tibok ng puso
  • Pagpapawis ng malamig
  • Pagkawala ng balanse
  • Pag-black out
  • Biglaang pagbagsak sa sahig habang naglalakad o nakatayo

Maiiwasan mong mahimatay sa pamamagitan ng pagharap sa mga sintomas agad. Kung nararamdaman mong mawawalan ka ng malay, puwede kang umupo, o humiga nang lapat ang likod sa sahig habang bahagyang nakataas ang mga paa upang dumaloy nang maayos ang dugo sa iyong utak.

Kadalasan, kapag mahihimatay, maibabalik ang iyong malay paglipas ng ilang segundo o minuto. Ngunit upang matiyak na okay ka, pinakamabuti pa ring makipagkita sa doktor agad.

Ano ang sanhi ng pagkahimatay?

May iba’t ibang salik na nagiging dahilan kung bakit nahihimatay ang tao, depende sa klase ng syncope.

Vasovagal Syncope

Ang vasovagal syncope, o reflex syncope, ay isa sa karaniwang sanhi kung bakit nahihimatay ang tao. Ito ay nagdudulot ng biglaang pagbagsak ng blood pressure at bilis ng tibok ng puso. Kabilang sa mga nagiging dahilan ng vasovagal syncope ang:

  • Sobrang init o pagkakabilad sa sobrang init sa mahabang panahon
  • Matinding emosyon tulad ng matinding galit o takot
  • Hemophobia (takot na makakita ng dugo) at trypanophobia (takot sa karayom, injection, at iba pang medical procedure)
  • Pagpuwersa sa katawan matapos mag-ehersisyo o anumang matinding pisikal na aktibidad
  • Dehydration at pagpapalipas ng gutom
  • Micturition syncope (nahihimatay matapos umihi)
  • Matinding sakit
  • Swallow syncope (nahihimatay dahil sa paglunok)
  • Defecation syncope (sobrang pag-iri habang dumudumi)
  • Cough syncope (nahihimatay dahil sa sunod-sunod na matinding pag-ubo)
  • Carotid sinus hypersensitivity o CSH (nahihimatay bilang resulta ng sobrang pressure  sa carotid artery sa leeg.

Sympathetic Nervous System Failure

Isa itong disorder sa autonomic nervous system, o ang system na namamahala sa blood pressure at bilis ng tibok ng puso. Ang mga sanhi kung bakit nahihimatay ay ang mga sumusunod:

  • Orthostatic Hypotension (nangyayari kapag biglang tumayo mula sa pagkakahiga o pagkakaupo. Maaari din itong magdulot ng vasovagal syncope)
  • Postural Orthostatic Tachycardia Syndrome (nangyayari kapag nahihirapan kang manatiling nakatayo. Makararanas ka rin ng pagbilis ng tibok ng puso)
  • Primary Autonomic Insufficiency (tinatawag din itong Idiopathic Orthostatic Hypotension. Wala nang ibang sanhi para sa autonomic dysfunction)

Cardiac Syncope

Isa itong uri ng syncope na sanhi ng isang tiyak na mga problema o sakit sa puso at maaaring mauwi sa biglaang pagkamatay. Bakit nahihimatay? Ang mga kondisyon ng puso na posibleng sanhi kung bakit nahihimatay ay:

  • Heart arrhythmia (iregular na pagtibok ng puso)
  • Congenital heart disease (mga problema sa istruktura ng puso dulot ng birth defect)
  • Sakit sa heart valve (abnormalidad sa pagbukas at pagsara ng mga heart valve)
  • Aortic stenosis (pagkipot ng aortic valve)
  • Ventricular tachycardia (isang disorder sa ritmo ng puso)
  • Heart failure o congestive heart failure (nahihirapan ang puso sa pag-pump ng sapat na dugo na kailangan ng katawan

Neurologic Syncope

Nauugnay ito sa ilang neurological condition. Bakit nahihimatay? Kabilang sa sanhi nito ang:

  • Seizure (ang biglaang electrical disturbance sa utak)
  • Stroke o transient ischemic attack (pagkabara sa isang blood vessels sa ibaba ng utak)

bakit nahihimatay

Paano gamutin at kontrolin ang pagkahimatay?

Nakadepende sa mga sanhi at resulta ng screening ang gamutan sa problemang ito. Kung alam mo na kung bakit ka nahihimatay, magiging madali na sa iyong doktor na alamin ang tamang gamutan na akma sa iyong pangangailangan at kondisyon. Narito ang ilang gamutan at paraan ng pagkontrol:

Ang catheter ablation ay isang paraan na pwedeng makapanggamot ng sintomas kung bakit nahihimatay sa pamamagitan ng paggamit ng radiofrequency energy upang sirain ang mga cell na nagdudulot ng abnormalidad sa ritmo ng puso. 

Ang pacemaker ay isang device na kadalasang ipinapasok sa dibdib na nakatutulong sa pagkontrol sa abnormal na bilis at ritmo ng puso. Bukod sa paggamot ng pagkahimatay, nakatutulong din ito sa paggamot sa mga uri ng kondisyon sa puso tulad ng congestive heart failure at hypertrophic cardiomyopathy.

Ang implantable cadioverter-defibrillator ay isang implantable battery-operated device na kadalasang inilalagay sa dibdib. Naghahatid ng electrical pulses ang ICD upang itama ang ritmo ng puso. Binabantayan din nito at kinokontrol ang ritmo ng puso at iregularidad sa tibok nito.

Iba pang tip sa pagkontrol

  • Tanungin ang doktor mo para sa pagbabago ng gamot dahil may ilang mga gamot na sanhi kung bakit ka nahihimatay
  • Maging maingat sa paggalaw
  • Kumonsulta sa doktor para sa mas balanse at masustansyang pagkain
  • Tiyaking hindi mo malilimutang kumain at palaging uminom ng mas maraming tubig
  • Itaas ang iyong ulo kung nakahiga sa pamamagitan ng paglalagay ng isa pang unan sa likod ng ulo.
  • Iwasan ang mga sitwasyong nagdudulot ng pagkahimatay
  • Pinakamainam kung may palagi kang kasama, lalo na sa paglabas.
  • Kung nararamdaman mong mahihimatay ka, agad na humiga, at itaas ang iyong mga binti upang gumanda ang sirkulasyon ng dugo sa katawan.
  • Kumonsulta sa doktor para sa iba pang gamutan na magpapagaan sa mga sanhi ng pagkahimatay.

Palaging tandaan, sa paggamit ng mga kondisyong pangkalusugan, ang pagkonsulta sa doktor ang pinakamabuting gawin. Tanungin ang doktor para sa gamot na tama sa iyo at huwag kailanman gagamutin ang sarili.

Key Takeaways

Ngayong alam mo na ang mga sanhi kung bakit nahihimatay, madali mo nang mahaharap ang kondisyong ito nang tama. Kung hindi senyales ng anumang seryosong kondisyon kung bakit ka nahihimatay, ang kailangan mo lang gawin ay iwasan ang mga nagti-trigger nito. Ngunit kung nahimatay ka dahil sa kondisyong pangkalusugan, kailangan mo ng agarang tulong medikal upang maiwasan ang lalong pinsala sa iyong katawan.

Upang mapanatili ang kaligtasan mo at ng mga tao sa iyong paligid, ipinapayong tratuhin ang pagkahimatay bilang medical emergency na nangangailangan ng agarang medikal na tugon.

Matuto pa tungkol sa iba pang problema sa utak at nervous system dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Syncope (Fainting) https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/syncope-fainting Accessed August 30, 2020

Syncope (Fainting) https://www.heart.org/en/health-topics/arrhythmia/symptoms-diagnosis–monitoring-of-arrhythmia/syncope-fainting Accessed August 30, 2020

What is Syncope? https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/17536-syncope Accessed August 30, 2020

Vasovagal Syncope https://www.cedars-sinai.org/health-library/diseases-and-conditions/v/vasovagal-syncope.html Accessed August 30, 2020

Syncope (Fainting) https://www.rwjbh.org/treatment-care/heart-and-vascular-care/diseases-conditions/syncope-fainting-/ Accessed August 30, 2020

Cardiac Syncope https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK526027/ Accessed August 30, 2020

What Happens When You Faint? https://www.health.harvard.edu/blog/whats-happening-when-you-faint-2-201601118969 Accessed August 30, 2020

Ropper AH, Samuels MA, Klein JP, Prasad S (eds) (2019). Adam’s and Victors Principles of Neurology, 11th ed. McGraw-Hill Education.

Kasalukuyang Version

08/23/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Nicole Aliling, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Alamin: Ano ang Meige Syndrome?

Mga Sintomas ng Polio: Ano-ano ang Dapat Mong Bantayan?


Narebyung medikal ni

Nicole Aliling, MD

Neurology · Centre Médicale Internationale


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement