Pamilyar ba kayo sa kung ano ang Lewy body dementia? Marahil ang ilan sa inyo ay hindi alam ang sakit na ito at kung paano ito nakakaapekto sa kalusugan ng pag-iisip ng isang tao. Kaya naman basahin ang artikulong ito upang malaman ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa Lewy body dementia at mapangalagaan ang sariling kalusugan.
Ano Ang Lewy Body Dementia?
Kilala rin ang lewy body dementia (LBD) bilang isang uri ng progresibong dementia na nakakaapekto sa kakayahan ng isang indibidwal na mag-isip, mangatwiran, at magproseso ng mga impormasyon. Maaari rin na makaranas ang isang taong may LBD ng mga sumusunod:
- paulit-ulit na visual hallucinations
- pagbaba ng lebel ng kanilang pagiging alerto
- REM sleep behavior disorder
- mabagal na paggalaw
- panginginig (tremors)
- paninigas (rigidity)
Ang LBD ay ang pangalawa na pinakakaraniwang uri ng progresibong dementia pagkatapos ng Alzheimer’s disease. Nagaganap ang LBD kapag ang protein deposits na tinatawag na Lewy bodies ay naipon o nadebelop sa iyong utak o sa nerve cells ng mga rehiyon ng iyong utak na sangkot sa pag-iisip, memorya, at paggalaw (motor control). Sinisira ng mga naipon na lewy bodies ang bahagi ng ating utak na nakakaapekto sa iyong cognition, pag-uugali, paggalaw, at pagtulog.
Dagdag pa rito, nauugnay rin sa Parkinson’s disease ang pagkakaroon ng lewy bodies, at ang mga taong nagtataglay nito sa kanilang utak ay mayroon ding mga plaque at tangle na nauugnay naman sa Alzheimer’s disease.
Isang progresibong sakit ang LBD na lalong lumalala sa paglipas ng panahon, dahilan para bumaba ang mental abilities ng isang tao. Wala itong lunas, pero malaki ang maitutulong ng mga gamot at therapy upang pamahalaan ang mga sintomas ng LBD.
Ano Ang Lewy Body Dementia Symptoms?
Ang mga taong nagtataglay ng Lewy body dementia ay posibleng makaranas ng mga sumusunod:
- Hallucinations — nagkakaroon ka ng mga bagay na ikaw lang ang nakakakita, nakakarinig, at naaamoy
- Pagkakaroon ng problema sa pag-unawa, pag-iisip, pagmememorya, at pagbibigay ng hatol — nagiging mabagal at magulo ang kanilang paraan ng pag-iisip, at pag-unawa sa mga bagay-bagay, datos, at sitwasyon
- Pagkalito
- Hindi makontrol na panginginig
- Mabagal na pagkilos
- Pagkakaroon ng hindi maayos na pagtulog
- Pagsasagawa ng bayolenteng pagkilos at pagsigaw
- Kahirapan sa pagtulog
- Pagkawala ng motibasyon (apathy)
- Hindi organisadong pagsasalita
- Tulala sa loob ng mahabang oras
- Pagkakaroon ng mga episode ng pagkaantok
- Biglaang pagbagsak
- Hindi magandang regulasyon ng mga paggana ng katawan (autonomic nervous system)
- Depresyon
Masasabi na ang pagkakaroon ng mga sintomas ng LBD ay pwedeng maging sanhi upang mahirapan ang isang tao na gumawa ng mga pang-araw-araw na gawain.
Ano Ang Lewy Body Dementia Risk Factors?
Ang ilang mga kadahilanan ay posibleng magpataas ng panganib ng isang tao na magkaroon ng Lewy body dementia. Narito ang mga sumusunod:
- Edad — mga taong nasa edad na 60
- Kasarian — ang madalas na mas magkaroon ng LBD ay ang mga lalaki kaysa sa mga babae
Anu-Ano Ang Mga Komplikasyon?
Kagaya ng nabanggit sa artikulong ito, ang LBD ay isang progresibong sakit na pwedeng maging sanhi ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Malubhang dementia
- Pagkakaroon ng problema sa paglunok
- Pneumonia
- Pagiging agresibo ng pag-uugali
- Pagkakaroon ng komplikasyon sa puso
- Medication side effects
- Depresyon na pwedeng humantong sa pagpapakamatay
- Pagtaas ng panganib sa pagkahulog at pagkakaroon ng injury
- Paglala ng mga sintomas ng Parkinson’s disease, gaya ng panginginig
- Pagkamatay (7-8 taon pagkatapos magsimula ng mga sintomas)
Ang average ng life expectancy ng LBD ay nasa 5-8 taon matapos ang pagsasagawa ng initial diagnosis. Gayunpaman may mga ilang kaso na nabuhay ang isang taong may LBD sa loob ng 20 na taon pagkatapos ng kanilang diagnosis.
Ayon sa mga artikulo at pag-aaral, ang pagkakaroon ng short average life expectancy ay maaaring dahil sa kakulangan ng kaalaman tungkol sa LBD. Kaya mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na kamalayan ng mga healthcare provider at tagapag-alaga tungkol sa kondisyon na ito. Ang kawalan kasi ng kaalaman tungkol sa LBD ay pwedeng maging dahilan ng pagkakaroon ng delay sa pagsasagawa ng mga paggamot sa pasyente.
Paano Maaaring Iwasan Ang Lewy Body Dementia?
Sa ngayon wala pa ring mga naitatalang paraan kung paano maiiwasan ng LBD.
Paano Dina-Diagnose Ang LBD?
Narito ang ilan sa mga paraan na maaaring isagawa ng doktor upang makita at makumpirma kung may LBD ba ang isang tao:
- Pagsasagawa ng assessment ng mga sintomas na nararamdaman ng pasyente
- Pagsasagawa ng assessment para sa mental abilities ng isang tao
- Pagkuha ng blood test
- Pagsasagawa ng brain scans gaya ng MRI, CT scan, SPECT scan upang makita ang mga palatandaan ng dementia at iba pang problema sa utak
Paano Ginagamot Ang LBD?
Bagamat walang gamot para sa LBD, maaari pa rin ito pamahalaan sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:
- Mga gamot para mabawasan ang pagkakaroon ng hallucinations, pagkalito, problema sa pagkilos, at pagtulog
- Physiotherapy
- Occupational therapy
- Psychological therapies
- Cognitive stimulation
- Dementia activities
Ang mga paggamot na nabanggit ay dapat na naaprubahan at may consent ng doktor, kaya naman dapat ipakonsulta muna ang isang tao kung pinaghihinalaan mo na mayroon itong LBD. Mahalaga ang pagpapakonsulta upang maiwasan ang maling diagnosis at paggamot sa pasyente na pwedeng humantong sa pagpapalubha ng kondisyon.
Dagdag pa rito, hindi lahat ng taong may LBD at kayang i-tolerate ang paggamit ng mga gamot na ginagamit sa treatment ng Parkinson’s disease.
Key Takeaways
Ang pagkakaroon ng kamalayan sa kung ano ang Lewy body dementia (LBD) ay nagbibigay-daan sa’yo at sa iyong pamilya upang makapagplano ng makabuluhang hakbang sa pangangalaga ng mahal sa buhay na may LBD. Maaari kang humingi ng tulong at payo sa mga healthcare provider at doktor sa kung paano matutulungan ang isang taong may ganitong uri ng kondisyon. Huwag mo ring kakalimutan na magpakonsulta para sa early detection sa anumang sakit. Mahalaga ito upang makakuha ka rin ng angkop at tamang medikal na diagnosis at paggamot.
Matuto pa tungkol sa Dementia dito.