backup og meta

Basahin: Ano ang sickle cell anemia?

Basahin: Ano ang sickle cell anemia?

Ang katawan ng tao ay binubuo ng masalimuot na mga sistema. Lahat ay may ilang partikular na layunin kaya ang katawan ay gumagana ayon sa nararapat. Bukod sa organs, ang dugo ay may mahalagang papel din. Ito ay pangunahing responsable para sa pagdadala ng mga sustansya at oxygen sa iba’t ibang organs. Kinokolekta din nito ang mga dumi na itatapon ng katawan. Ang sickle cell anemia ay pangunahing nakakaapekto sa natural na paggana ng dugo. Alamin dito kung ano ang sickle cell anemia.

Sa paglipas ng panahon, ang sickle cell anemia ay maaaring magdulot ng pinsala sa iba’t ibang organ gaya ng baga o puso. Basahin dito ang sanhi, palatandaan at sintomas, at paggamot ng kondisyong ito. 

Sickle Cell Anemia: ang Mga Pangunahing Kaalaman

Ang sickle anemia, na kilala bilang sickle cell disease, sickling disorder na dulot ng hemoglobin S, o hemoglobin S o SS disease, ay isang red blood cell disorder na pangunahing nakakaapekto sa hemoglobin ng dugo. Hemoglobin ang responsable sa pagdadala ng oxygen at pagkolekta ng carbon dioxide.

Ang isang malusog na tao ay nagtataglay ng red blood cells na may hemoglobin na makinis at bilog. Nagbibigay-daan ito sa red blood cells na madaling dumaloy sa mga daluyan ng dugo. Gayunpaman, ang isang taong may sickle cell anemia ay magkakaroon ng red blood cells na naglalaman ng hemoglobin na rod-shaped. Ito ay nagiging sanhi na ang red blood cells ay hugis tulad ng mga crescent o sickle.

Ang hugis sickle na red blood cells ay hindi flexible at malagkit, na nagiging sanhi na ang mga ito ay maipit o pumutok kapag sila ay naglalakbay sa small blood vessels. Mayroon ding mas maikling lifespan ang sickle cell na 10 hanggang 20 araw lang. Ibig sabihin, maaaring hindi mapalitan ng katawan ang mga red blood cell na nawala.

Anemia ang tawag sa kakulangan ng red blood cells. Kaya naman ang sakit na ito ay tinatawag na kung ano ang “sickle cell anemia”.

Anemia kumpara sa Sickle Cell Anemia: Ano ang Pagkakaiba?

Maaaring magkaroon ng kalituhan sa pagitan ng anemia at kung ano ang sickle cell anemia. Sa kabuuan, ang anemia ay tumutukoy sa mga karamdaman na nakakaapekto sa red blood cells. Nangyayari ang anemia kapag may kakulangan o malfunction ng mga pulang selula ng dugo.

Ang sickle cell anemia ay ikinategorya bilang isang uri ng anemia. Gayunpaman, may ilang uri ng anemia na maaaring magkaroon ng iba’t ibang dahilan.

Mga Uri ng Anemia

Ang iba pang mga uri ng anemia ay kinabibilangan ng:

  • Iron-deficiency anemia: Ang kawalan ng kakayahan ng katawan na maayos na sumipsip ng iron ay nagiging sanhi ng ganitong uri ng anemia, na nagpapababa sa dami ng red blood cells.
  • Vitamin-deficiency anemia: Ito ay isang uri ng anemia na maaaring magresulta mula sa hindi magandang diet na lubhang kulang sa bitamina B12 o folic acid.
  • Aplastic anemia: Nangyayari ito kapag hindi nagawa ng bone marrow na maka-produce ng anumang mga selula, kabilang ang red blood cells.
  • Hemolytic anemia: Ang pagkasira ng mga pulang selula ng dugo sa spleen o mga daluyan ng dugo ay nagpapakilala sa ganitong uri ng anemia.
  • Anemia na nauugnay sa sakit: Maaaring magkaroon ng anemia mula sa mga kondisyong nakakaapekto sa bato. Ang chemotherapy ay maaari ring makaapekto sa kakayahan ng katawan na lumikha ng mas maraming red blood cells.

Naiiba ang sickle anemia dahil ang uri ng anemia na ito ay namamana. Ibig sabihin, maaari itong maipasa sa pamamagitan ng genes.

Sino ang nasa panganib?

Kahit sino ay pwedeng magkaroon ng sickle cell anemia. Ang disorder na ito ay naipapasa mula sa mga henerasyon. Gayunpaman, ayon sa data na ang mga taong may ninuno na mga sumusunod na bahagi ng mundo ay mas nasa panganib:

  • Africa
  • Ang Arabian Peninsula
  • Ang Mediterranean (sa partikular, Greece, Turkey, at Italy)
  • Timog Amerika at Gitnang Amerika
  • Ang ilang mga rehiyon ng Caribbean

Ngunit, mahalagang tandaan na ang kondisyong ito ay pwedeng mangyari kaninuman anuman ang nationality.

Mga Palatandaan at Sintomas

Dahil namamana ang sickle cell anemia, ang mga sintomas ay maaaring magsimulang magpakita sa edad na limang buwan. Ang mga palatandaan at sintomas ay kinabibilangan ng:

Anemia

Anemia ang kakulangan ng red blood cells sa katawan. 

Ang isang taong may sickle cell anemia ay may red blood cell na hindi nabubuhay ng matagal kumpara sa mga malulusog na red blood cells. Kaya ito ang magiging sanhi ng kakulangan ng oxygen sa katawan.  Maaaring humantong ito sa pagkapagod.

Pain crises

Ang acute pain crisis ay maaaring mangyari nang walang babala kapag hinarangan ng sickle cells ang daloy ng dugo at binabawasan ang paghahatid ng oxygen. Ang pagbaba ng bilang ng red blood cells, kasama ang immobility ng sickle cell, ay magiging sanhi na hindi makatanggagp ng sapat na dugo ang ilang bahagi ng katawan. Pwede itong magdulot ng episodes ng pananakit na kadalasang tinatawag na “pain crises”. Ang mga episode na ito ay maaaring makaapekto sa anumang bahagi ng katawan, tulad ng dibdib, kasukasuan, binti, braso, o likod.

Ang tagal ng mga pananakit na ito ay maaaring mula sa ilang oras hanggang linggo. Minsan, maaari itong magdulot ng matinding pananakit na nangangailangan ng ospital. Maaaring mangyari ang acute pain crisis nang walang babala kapag hinaharangan ng mga sickle cell ang daloy ng dugo at binabawasan ang paghahatid ng oxygen.

Mga problema sa paningin

Maaaring harangan ng mga sickle cell ang tamang daloy ng dugo sa small blood vessels sa mga mata, na nakakasira o nakakapinsala sa retina. Ito ay maaaring humantong sa mga problema sa paningin.

Pamamaga sa kamay at paa

Ang mga sickle cell, dahil sa kanilang hindi regular na hugis, ay maaaring bawasan ang daloy ng dugo sa mga kamay at paa, na maaaring magdulot ng pamamaga.

Growth irregularities

Ang shortage ng red blood cells ay maaaring mangahulugan na hindi makakatanggap ang katawan ng sapat na oxygen at nourishment para sa tamang paglaki. Dahil dito, ang mga batang may sickle cell anemia ay maaaring lumaki nang mas mabagal kumpara sa ibang mga bata.

Mga impeksyon

Ang sakit sa sickle cell ay maaaring magdulot ng pinsala sa spleen, na maaaring magresulta sa pagkakaroon ng mas kaunting proteksyon ng katawan laban sa ilang partikular na impeksyon tulad ng salmonella o chlamydia.

Pag-iwas at Paggamot

Sa kasamaang palad, dahil ang sickle cell anemia ay isang minanang sakit, walang gaanong dapat gawin upang maiwasan ito. Kung ang isang tao ay may sickle cell anemia, maaaring ito ay mula sa noong sila ay ipinanganak. Sa kasalukuyan, ang treatment para sa kung ano ang sickle cell disease ay isang blood at bone marrow transplant. Gayunpaman, ang paggamot na ito ay epektibo lamang para sa mas batang mga pasyente dahil ang pamamaraan ay masyadong mapanganib para sa mga mas matatanda.

Konklusyon

Ang sickle cell anemia ay resulta mula sa abnormalidad sa hugis ng hemoglobin sa dugo. Sanhi ito ng crescent o hugis-sickle na pulang selula ng dugo. Maaari itong magresulta sa kakulangan ng mga pulang selula ng dugo sa katawan, o anemia. Ang sakit na ito ay namamana, ibig sabihin, ito ay ipinasa mula sa genes ng mga magulang sa kanilang anak.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Sickle Cell Disease, https://www.nhlbi.nih.gov/health-topics/sickle-cell-disease, Accessed Aug. 4, 2020

Sickle Cell Disease, https://medlineplus.gov/sicklecelldisease.html, Accessed Aug. 4, 2020

Anemia, https://www.hematology.org/education/patients/anemia, Accessed Aug. 4, 2020

Sickle Cell Crisis (Pain Crisis), https://kidshealth.org/en/teens/sickle-crisis.html, Accessed Aug. 4, 2020

Sickle Cell Anemia, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sickle-cell-anemia/symptoms-causes/syc-20355876, Accessed Aug. 4, 2020

 

Kasalukuyang Version

09/14/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Kaugnay na Post

Alamin: Ano ang vitamin deficiency anemia?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement