Sa patuloy na pagtagal ng pandemya sa buong mundo – apektado ang mental health ng kabataan. Ang makaramdam ng takot at pagkabalisa ay normal, kaya’t ang kadalasang tanong, paano naapektuhan ng pandemya ang mental health ng kabataan?
Para malaman ang sagot sa katanungang ito, patuloy na basahin ang artikulong ito.
Ano ang Mental Health?
Ayon sa WHO constitution, ang kalusugan ay estado ng kumpletong mental, pisikal at panlipunang kagalingan. Hindi lamang ito tungkol sa pagkakasakit o pagkakaroon ng kapansanan ng isang tao, dahil ang mental health ay tungkol din sa pagtataglay ng mental disorder o disabilities.
Laging tandaan na kasama sa mental health ang ating emosyon, sikolohikal at panlipunang kagalingan at nakaaapekto ito sa’ting pag-iisip, pagkilos, maging sa ating pakiramdam. Ang mental health ay mahalaga sa bawat yugto ng buhay sapagkat malaki ang gampanin nito sa mga aksyon at desisyon sa bawat sitwasyon na ating ginagawa.
Paano naaapektuhan ng pandemya ang mental health ng kabataan?
Bukod sa pag-iingat ng mga kabataan sa kanilang sarili sa COVID-19, kailangan din nila alaagan ang kanilang mental health. Ayon sa Council for the Welfare of Children (CWC) batay sa isang sarbey, nasa 54% ng mga kabataan ang nagpahayag ng takot at pangamba dahil sa pandemya.
Ang datos na nabanggit ay nagpapakita ng kahalagahan na dapat nating malaman kung paano naapektuhan ng pandemya ang mental health ng kabataan, nang sagayon ay makapagbigay tayo ng suporta sa mga kabataan na nangangailangan.
Narito ang mga sumusunod na sanhi kung bakit naaapektuhan ng pandemya ang mental health ng kabataan:
Sikolohikal na dahilan
Kalungkutan
Ayon sa napakaraming pag-aaral ang kalungkutan ay may malaking ugnayan sa mental health ng isang tao. Kung saan, ang pagkawalay ng kabataan sa kanilang mga kaklase, kaibigan, at magulang ay maaaring magdulot ng matinding kalungkutan sa kanila at pagbigat ng kanilang pakiramdam, dahil sa pag-aakalang nag-iisa sila.
Pwede rin na maging sanhi ng kanilang kalungkutan ang pagkakaroon nila ng isyung pampamilya dahil sa mga epekto ng pandemic sa kanilang pamumuhay.
Pag-aalala
Sa panahon ng pandemya hangga’t maaari kailangan nasa bahay lamang ang mga kabataan, at ang ganitong konsepto ay nagreresulta sa pagkainip ng kabataan at ang kawalan ng kontak sa ibang tao na pwedeng makaapekto sa mental health ng kabataan. Dagdag pa rito, madalas na nagkakaroon din ng alalahanin ang kabataan sa hindi pagpasok sa paaralan na nagdudulot sa kanila ng pag-iisip tungkol sa walang katiyakang hinaharap.
Mga Pangkapaligiran na Dahilan
Social Media
Isa sa mga epekto ng pandemya ay ang mahirap na paghiwalay sa digital na mundo at dahil dito mas lalong na-expose ang mga kabataan sa social media. Ang social media ay isa sa naging libangan at ginamit na paraan para sa pakikipag-usap ng kabataan, at ayon kay Keith N. Hampton, PhD mananaliksik sa Michigan State University’s Department of Media & Information, lumalabas na ang paggamit ng social media ay humahantong sa pagbaba ng mental health ng kabataan. Dahil nalaman ni Hampton na ang mga active user ng social media ay 63% na mas nakararanas ng depresyon sanhi ng mga nababasang impormasyon online.
Online Class
Para maituloy ang pag-aaral sa gitna ng pandemya. Ang Pilipinas ay sumailalim sa online class, kaya’t ‘di na nakapagtataka kung ang mga kabataan ay madalas na nakaharap sa gadgets at matagal silang nakakababad sa screen. Ang matagal na exposure sa gadgets ay maaaring iugnay sa pagtulog ng isang tao dahil nawawalan sila ng sapat na tulog sa paggamit nito.
Marami ring kondisyon sa kalusugan ang maaaring palalain ng kawalan ng sapat na tulog tulad ng pagkakaroon ng mababa at hindi malusog na mental health.
Genetikong Dahilan
Ang mababang mental health ng kabataan ay kung minsan ay dahil sa genitiko ng pamilya. Kung may family history ng depresyon ang isang tao maaaring maging dahilan ito ng lalong pagbaba ng mental health.
Paano haharapin ang mental health problems sa panahon ng pandemya?
Kontrolin ang Stress
Maganda na magpokus sa iyong mga kalakasan bilang tao at mainam din na maglaan ng oras para magrelaks upang mapalakas ang mental health.
Pagkakaroon ng Kaalaman
Maging pamilyar sa mga lokal na mapagkukunan ng tulong at magkaroon ng kamalayan sa larangan ng medisina at mental na kalusugan. Malaki ang maitutulong nito para mapangalangaan ang iyong sarili at mental health.
Pakikipag-usap
Ang pakikipagkuwentuhan sa pamilya at kaibigan kahit sa video chat ay malaking tulong sa mental health dahil napapagaan nito ang mga bagay na maaaring nagpapabigat sa kanilang damdamin.
Paglilibang
Importante na gawin ang mga bagay na maaaring magpasaya sa sarili kung saan ang pag-eehersisyo at physical activities ay nakatutulong sa mental health.
Paano makatutulong ang magulang sa mental health ng kabataan?
Maaaring makatulong ang mga magulang sa mental health ng kabataan lalo na sa pag-acknowledge na mayroon at totoo ang stress at anxiety. Sabihin sa mga anak na nakikita ang mga ito at iparamdam na hindi sila nag-iisa.
Key Takeaways
Mahirap ang panahon ngayon, masasabi na totoong walang katiyakan ang bukas at ang pangangalaga sa mental health ay bagay na dapat gawin hindi lang para sa sarili – pati na rin sa mga mahal sa buhay. Ang pag-alam kung paano nakaapekto sa mental health ang pandemya ay isang mabuting hakbang para madamayan ang bawat isang indibidwal na nahihirapan at mabigyan sila ng kaukulang atensyon. Tandaan din na maganda rin na kumontak ng doktor sa pag-iisip at medikal para sa tritment at payo na angkop para sa’yong sitwasyon at pinagdadaanan.
[embed-health-tool-vaccination-tool]