Ano ba ang ibig sabihin ng kabag sa baby, pero hindi siya nadudumi? Dapat nga ba itong ipag-alala ng mga magulang? Alamin dito ang kasagutan.
Normal Lang Ang Kabag Sa Baby
Bago ang lahat, dapat ay malaman ng mga magulang na normal lang ang kabag sa baby.
Ito ay dahil nakakalunok sila ng hangin habang dumedede, mapa-breastfeeding man o bottle feeding. Ang mga baby naman na kumakain ng solid food ay maaaring kabagin dahil sa cabbage, onions, beans, broccoli, and legumes.
Kapag mayroong kabag sa baby, kailangan ay mailabas ang gas na ito sa pamamagitan ng pagdighay o kaya pag-utot. Kung hindi, magkakaroon sila ng bloating, pananakit ng tiyan, at ito pa ang nagiging dahilan kung bakit madalas umiiyak ang mga baby.
Paiba-Iba Ang Dalas Ng Pagdumi Ng Baby
Ang isang karaniwang alalahanin ng mga bagong magulang ay baka sunod-sunod ang mangyayari nilang pagpapalit ng lampin. Ngunit hindi naman ito palaging nangyayari. Mayroon ngang mga sanggol na isang beses lamang sa isang araw kung dumumi!
Ayon sa mga doktor, sa unang buwan ng iyong sanggol ay araw-araw silang dumudumi. Ang mga formula-fed newborn babies ay nadudumi ng hanggang 5 to 8 beses sa isang araw, pero habang lumalaki ay nababawasan ang dalas nito. Kung ikaw ay nagbe-breastfeed, mas madalas ang pagdumi ng baby. Matapos ang 6 weeks, minsan ay umaabot pa ng 7 hanggang 10 araw bago dumumi ang baby.
Sa madaling salita, nakadepende ito sa kanilang kinakain pati na rin sa kanilang edad.
Kabag Sa Baby, Pero Hindi Siya Dumudumi, Ano Ang Ibig Sabihin Nito?
Ngayon alam na nating normal ang kabag sa baby, at paiba-iba ang pagdumi nila, paano malalaman kung constipated ang isang sanggol? Ayon sa mga eksperto, hindi agad dapat paghinalaan ng mga magulang na mayroong constipation ang kanilang sanggol, kahit na nag-strain sila sa pagdumi.
Ito ay dahil nagde-develop pa rin ang kanilang digestive system, at dahil palagi silang nakahiga, hindi madali sa kanila ang pagdumi.
Tandaan, basta malambot ang dumi ni baby, kahit na parang nahihirapan siya dumumi, ay ibig sabihin na hindi siya constipated.
Constipation Sa Baby: Sintomas At Mga Lunas
Bukod sa madalang at matigas na pagdumi, heto ang ilang posibleng sintomas ng constipation sa baby:
- Pagdumi na hindi lalagpas ng 3 beses sa isang linggo
- History ng constipation
- Matigas at parang pebbles na dumi
- Dugo sa dumi
- Paggalaw sa iba’t-ibang direksyon
- Umiiyak kapag dumudumi
- Masakit na tiyan na mayroong kasamang kabag
- Pag-iyak na hindi matahan
Kung tingin mo ay constipated si baby, heto ang mga puwedeng gawin:
- Padighayin ng 30 minutes hanggang isang oras.
- Painumin ng tubig paunti-unti.
- Sa babies na kumakain ng solid foods, magdagdag ng high-fiber fruits at veggies sa kanilang diet.
- Ayon sa ibang reports1, nakakatulong ang 2 to 4 ounces ng prune juice; ngunit ayon sa ibang experts2, mayroon itong mga irritants at hindi dapat ibigay sa mga sanggol na 9 na buwan pababa.
Huwag bigyan ng laxative o suppository ang iyong sanggol. Kung hindi pa rin sila gumagaling, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa doktor.
Key Takeaways
Hindi dapat mag-alala sa kabag sa baby, at sa hindi regular na pagdumi ng iyong sanggol. Kadalasan ay hindi ito problema, at normal na nangyayari ito sa mga sanggol.
Ngunit kung sa tingin mo ay mayroon silang constipation, mahalagang gumawa ng mag hakbang upang maibsan ito. Kabilang na rito ang pagpapainom ng tubig, at pagpapadighay sa baby. Kung hindi pa rin ito nakakatulong, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa doktor upang masolusyonan ito.
Alamin ang tungkol sa Baby Care dito.