Napakahalagang malaman kung paano palakasin ang ating immune system. Ito ay dahil ang immune system ay ang paraan ng ating katawan upang protektahan ito laban sa mga sakit at impeksiyon, kaya makatwiran na panatilihing malakas at malusog ang iyong immune system sa lahat ng pagkakataon. At ang mahusay na paraan sa paggawa nito ay ang pagsamantala sa mga bitamina at mineral.
Ang magandang bagay tungkol sa mga bitamina at mineral na ito ay ang mga ito ay madaling makuha sa mga prutas, gulay, at karne. Ang importanteng bagay ay ang pagtuon ng pansin sa pagkonsumo ng mga pagkaing mayroong essential nutrients, upang ang immune system ay palaging nasa maayos na kalagayan.
Mga Bitamina at Mineral: Paano mabilis na palakasin ang immune system?
Palakasin ang mga panlaban sa iyong katawan sa pamamagitan ng pagtiyak na ikaw ay kumakain ng balanseng diyeta at umiinom ng supplements kung kinakailangan. Palaging magpakonsulta sa doktor o sa isang registered nutritionist/dietician.
Narito ang 10 iba’t ibang bitamina at mineral na nakatutulong sa pagpapalakas ng resistensya.
Vitamin C
Ang bitamina C (vitamin C) ay marahil ang isa sa mga pinaka-kilalang bitamina, at sa magandang dahilan. Kung nais mong malaman kung paano palakasin ang iyong immune system, siguraduhing kumain ng mga pagkaing mayaman sa bitamina C.
Tinutulungan nitong mapanatiling malakas ang iyong immune system, at ito rin ay napakahalaga sa pagpapanatili na malusog ang cell processes. Ang bitamina C ay maaaring matagpuan sa mga citrus fruits, ngunit ang mga gulay, tulad ng spinach, kale at bell peppers ay naglalaman din ng mataas na halaga ng bitamina C.
Pagdating sa supplements ng bitamina C, hindi mo na kinakailangang uminom nito kung mayroon kang sapat na prutas at gulay sa iyong diyeta.
Vitamin E
Ang bitamina E (vitamin E) ay isang antioxidant na tumutulong sa paglaban sa impeksiyon. Bukod sa pagpapabuti ng iyong immune system, ang bitamina E rin ay tumutulong sa pag-aayos ng mga nasirang cells (selula) at iniiwasan ang pinsala ng UV sa balat. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa bitamina E, pinapabuti mo rin ang kalusugan ng iyong balat!
Ito ay madalas na matagpuan sa mga mani tulad ng almonds, sunflower seeds, at hazelnuts, gayundin sa mga gulay na tulad ng spinach at broccoli.
Ang mga langis ng marisol (sunflower), mais, at soybean ay naglalaman din ng bitamina E, kaya’t maaari mong subukang gamitin ang mga langis na ito sa pagluluto upang mapalakas ang iyong paggamit ng bitamina E.
Vitamin A
Ang bitamina A ay kadalasang naiuugnay sa paningin ng isang tao. At habang totoo na ang bitamina A ay nakatutulong sa paningin, ito ay malayo sa tanging benepisyo nito.
Ang bitamina A, tulad ng bitamina E, ay gumaganap bilang isang antioxidant at nakatutulong maiwasan ang pamamaga at impeksiyon. Ito ay madalas na matagpuan sa mga makulay na prutas at gulay tulad ng kalabasa, karot, kamote, pumpkin, at melon.
Vitamin D
Isa pa sa mga bitamina at mineral na tumutulong upang mabilis na palakasin ang immune system ay sa pamamagitan ng pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa bitamina D. Ang bitamina D ay may importanteng tungkulin sa absorption ng calcium para sa matibay at malakas na mga buto.
Gayunpaman, mahalaga rin ito sa pag-modulate ng innate at adaptive immune system response. Nangangahulugan ito na ang hindi pagkakaroon ng sapat na bitamina D sa iyong sistema ay maaaring humantong sa mabilis mong pagkakaroon ng sakit.
Ang bitamina D ay madalas matagpuan sa mga produktong gawa sa gatas (dairy products), ngunit matatagpuan din ito sa isda tulad ng tuna, mackerel, at sardinas.
Kung ikaw ay kumakain nito at sa tingin mo ay mayroon kang kakulangan sa bitamina D, huwag mag-atubiling kausapin ang iyong doktor. May ilang tao na nahihirapan sa pag-proseso ng bitamina D, kaya’t maaari nilang kailanganing uminom ng supplements upang mapalakas ang paggamit ng kanilang katawan.
Vitamin B6
Ang mga berdeng gulay at chickpeas ay naglalaman din ng bitamina B6, kaya’t magandang ideya na isama ang mga pagkaing ito sa iyong diyeta.
Protein
Ang protina ay responsable sa pagbuo at pag-ayos ng ating muscle tissue. Gayunpaman, ito ay mahalagang papel din pagdating sa ating immune system. Kung nais mong malaman kung paano mapabilis na palakasin ang immune system, kumain ka ng kaunti pang protina.
Ang mga tao na kulang sa protina ay may mas mahinang immune system, at madaling tamaan ng sakit. Sa pamamagitan ng pagtiyak na ikaw ay kumakain ng sapat na protina, maaari mong mapatibay ang iyong immune system, at maiwasan ang mga sakit.
Ang mga pagkaing mayaman sa protina ay kinabibilangan ng lean meat, tulad ng manok, baka, baboy, at isda. Mayaman din sa protina ang gulay, kabilang na rito ang mga mani at beans.
Folic Acid
Pagdating sa kung paano mabilis na palakasin ang immune system, ang folate ay isang importanteng nutrient. Ang pangunahing tungkulin nito ay buuin at ayusin ang DNA, kung kaya’t ang kakulangan sa folate ay maaaring magpataas ng iyong panganib na magka-impeksiyon.
Ang folate ay matatagpuan sa mga pagkain tulad ng mustard greens, atay ng manok, asparagus, okra, at broccoli. At ang sintetikong anyo ng folate, na tinatawag na folic acid, ay maaaring bilhin bilang isang supplement. Karamihan sa mga buntis na babae ay umiinom ng folic acid dahil nakatutulong ito sa pagsulong at paglaki ng sanggol.
Iron
Ang iron ay isa pang nutrient na makatutulong sa mabilis na paglakas ng immune system. Ang pangunahing tungkulin nito ay ang pagdala ng oxygen sa cells ng katawan.
Matatagpuan ang iron sa mga pagkaing tulad ng atay, lean meat tulad ng manok, isda, baboy at baka. Maaari rin itong matagpuan sa mga beans at gulay tulad ng broccoli.
Selenium
Ang selenium ay may mahalagang papel sa immune system ng ating katawan. Sa katunayan, ito ay nakitang nagtataglay ng kakayahang pabagalin ang pagtugon ng katawan sa mas agresibong anyo ng kanser. Ito ang dahilan kung bakit ito ay isang mahalaga na sustansiya pagdating sa iyong immune system.
Ang selenium ay matatagpuan sa bawang, sardinas, brazil nuts, broccoli at barley.
Zinc
Panghuli, ang zinc ay isang mineral na karaniwang matatagpuan sa mga alimango, lean meat (walang taba na karne), at manok. Nakatutulong ito upang mapabagal ang immune response at pamahalaan ang pamamaga sa katawan.
Ang pagkakaroon ng kakulangan sa zinc ay maaaring magdala ng negatibong epekto sa kalusugan ng isang indibidwal, at maaaring maging mas madaling kapitan ng mga sakit.
Pahuling Mensahe
Paano mabilis na palakasin ang immune system? Kailangan mo ng mga bitamina at mineral upang matiyak ang tamang paggana ng iyong katawan. Habang karamihan sa mga nutrients na ito ay makukuha mo sa balanseng diyeta, maaari mo rin itong makuha sa pamamagitan ng mga supplements. Palaging kumonsulta sa iyong doktor ukol sa paggamit ng mga ito.
Isinalin mula sa Ingles ni Fiel Tugade.
[embed-health-tool-bmi]