backup og meta

Alamin: Ano Ang Maaaring Gawin Para Maiwasan Ang UTI?

Alamin: Ano Ang Maaaring Gawin Para Maiwasan Ang UTI?

Ang urinary tract infection o UTI ay ang pinakakaraniwang impeksyon sa urinary system. Ang pinaka may mataas na tyansa na magkaroon nito ay ang mga matatanda, lalo na ang mga kababaihan. Kadalasang ginagamot ang UTI sa pamamagitan ng antibiotics at iba pang mga gamot. Sa kabilang banda, may mga iba’t ibang paraan kung paano maiwasan ang UTI sa natural na paraan upang hindi na lumala ang iyong kondisyon. Gayundin, sa ganitong paraan ay hindi mo na kailangang uminom ng maraming antibiotics upang gumaling.

Paano Maiwasan Ang UTI Sa Natural Na Paraan

Ang urinary tract infection ay maaaring maging nakaiirita at minsan ay napakasakit, lalo kung ang kondisyong ito ay paulit-ulit na bumabalik makalipas ang ilang buwan. May iba’t ibang mga paraan at payo na makatutulong upang makaiwas dito. Bukod sa pag-diagnose nito at pag-inom sa mga gamot na inireseta ng doktor, may mga hakbang ding maaaring sundin kung paano maiwasan ang UTI.

Paano Maiwasan Ang UTI Sa Pamamagitan Ng Diet

Uminom ng maraming fluids

Isang mainam na paraan upang maiwasan ang UTI sa natural na paraan ay ang pagpapanatiling hydrated. Ang pag-inom ng maraming fluids, lalo na ang tubig, ay nakatutulong upang mailabas ang bakteryang nasa iyong pantog at urinary tract.

Ayon sa National Academies of Sciences, Engineering, and Medicine, ang inirerekomendang dami ng tubig na dapat inumin ay 2.7 litro sa mga kababaihan at 3.7 litro naman sa mga kalalakihan. Ang fluids na nakatutulong upang manatiling hydrated ay hindi lamang ang mula sa tubig, kundi maging ang mula sa lahat ng mga pagkain at inuming iyong iniinom sa loob ng isang araw.

Kung hindi ka mahilig uminom ng tubig, maaari mong subukan at samahan ang iyong tubig ng mga hiniwang prutas at gulay tulad ng berries at pipino. Maaari ding subukan ang cranberry juice dahil ito ay mainam na paraan upang natural na maiwasan ang UTI.

Iginiit ng mga urologists na ang cranberries ay naglalaman ng aktibong sangkap na nakatutulong upang maiwasan ang pamumuo ng bakterya sa bladder wall at urinary tract. Bagama’t marami pang pananaliksik ang kinakailangan upang mapatunayan ito, may ilang ebidensyang nagapakitang ito ay epektibo.

Probiotics

Ang mga produktong probiotics ay naglalaman ng “mabuting bakterya” o buhay na microorganisms na nakatutulong upang mapanatiili ang kabuoang kalusugan ng bituka. Sa isang pag-aaral, natuklasang ang probiotics (Lactobacillus) ay maaaring maging mainam na alternatibo kaysa sa pag-inom ng antibiotics. Natuklasan ding ang probiotics na kinakain o iniinom, maging ang mga ibinibigay vaginally, ay ligtas at epektibo para sa mga matatandang kababaihan upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng UTIs.

Paano Maiwasan Ang UTI Sa Pamamagitan Ng Malulusog Na Gawi

Umihi Kung Kinakailangan

Ang ihi ay liquid na dumi na pinoprodyus ng ating bato kapag nagsasala ng toxins, at iba pang hindi mabubuting substanaces sa dugo. Ito ay naiipon sa pantog upang maiwasan ang madalas at hindi makontrol na pag-ihi.

Kung madalas mong hindi lubos na mailabas ang lahat ng laman ng iyong pantog, maaari kang magkaroon ng UTI. Ang pagpapanatili ng ihi sa pantog ay maaaring maging sanhi upang dumami ang bakterya, na maaaring humantong sa impeksyon sa iyong pantog at urinary tract.

Mainam na agad na baguhin ang iyong gawi sa pag-ihi at laging tandaan na umihi kung kinakailangan. Ang madalas na pag-ihi kung kinakailangan ay makatutulong upang makaiwas sa pagkakaroon ng UTI at nakapagpapababa rin ng tyansa ng muling pagkakaroon ng kondisyong ito. Dagdag pa, pag-ihi matapos ang bawat pakikipagtalik ay isa ring paraan upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng UTI.

Pagsasagawa Ng Kalinisan Sa Katawan

Ang pagsasagawa ng kalinisan sa katawan, partikular na sa mga pribadong bahagi, ay mahalaga lalo na sa mga kababaihan. Ang puki ng mga kababaihan ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng bakterya dahil ang kanilang urethra ay mas maikli kaysa sa mga kalalakihan. Para sa mga kababaihan, laging tandaan na ang paghuhugas o pagpupunas ng puki matapos umihi o dumumi ay dapat simulan sa harap papunta sa likod. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang paglipat ng mga bakterya na sanhi ng UTI mula sa rectum papunta sa urethra.

Ang paggamit ng feminine products at madalas na pagpapalit ng sanitary pads at tampons sa tuwing may regla ay maaari ding makatulong upang mapababa ang tyansa ng mga kababaihan na magkaroon ng UTI.

Gumamit Ng Underwear Na Komportableng Suotin At Sakto Ang Sukat

Ang paggamit ng hindi gaanong masikip o maluwag na underwear ay mainam para sa mga kalalakihan at kababaihan upang mabawasan ang tyansa ng pagkaroon ng UTI. Ang masisikip na underwears ay dahilan upang makulong ang kahalumigmigan, na madalas pamahayan ng bakterya. Pinakamainam para sa kalalakihan at kababaihan ang cotton na underwear dahil nakapagbibigay ito ng mas mabuting bentilasyon sa ari, sanhi upang hindi mamuo ang bakterya.

paano maiwasan ang uti

Paano Maiwasan Ang UTI Sa Pamamagitan Ng Pagpapalit Ng Birth Control

Ang UTI sa mga kababaihan ay maaaring sanhi ng tiyak na uri ng birth control, tulad ng diaphragms at cervical caps. Ang birth control na ito ay madalas na nakaiirita sa puki na maaaring humantong sa UTI o iba pang problema sa puki. Kung sa iyong palagay na ang iyong UTI ay sanhi ng birth control, kumonsulta sa iyong doktor. Magtanong ng mas mainam na opsyon at agad itong palitan.

Paano Maiwasan Ang UTI: Mga Sintomas

Ano-Ano Ang Mga Sintomas Ng UTI?

Bukod sa pag-alam kung paano maiwasan ang UTI sa natural na paraan, mahalaga ring malaman ang mga sintomas nito.

Ang urinary tract infection ay sanhi ng pamamaga at pamumula ng lining ng urinary tract. Ito’y maaaring maging dahilan ng mga sumusunod na sintomas:

  • Biglaan o madalas na pag-ihi, gayundin ang hindi mapigilang pag-ihi
  • Masakit na pag-ihi (dysuria) o burning sensation sa tuwing umiihi
  • Pressure at/o sakit sa bahagi at gilid ng balakang, at sa tiyan
  • May hindi normal na kulay (malabo, pula, rosas) at mabaho ang amoy ng ihi
  • Madalas na pag-ihi sa gabi kahit wala nang laman ang pantog

Kabilang ang mga sumusunod sa iba pang mga sintomas ng UTI:

  • Nakararamdam ng sakit sa tuwing nakikipagtalik (dyspareunia)
  • Pananakit ng babang bahagi ng likod
  • Pananakit ng tite
  • Pagkapagod
  • Lagnat
  • Sa ilang mga kaso, ang UTI ay maaari ding maging sanhi ng pagkalito, pagkabalisa, at withdrawal. Ito’y lalo na sa mga matatandang dumaranas ng dementia.

Ano-Ano Ang Mga Sanhi Ng UTI?

Ang UTI ay kadalasang sanhi ng bakterya na pumasok sa urethra at pantog. Ito ay nagiging dahilan ng pamamaga, impeksyon, at iritasyon. Mas karaniwan ang UTI sa mga kababaihan dahil mas maikli ang kanilang urethra kaysa sa mga kalalakihan. Narito ang ilan pa sa mga salik na maaaring maging sanhi ng UTIs:

  • Pagkakaroon na noon ng UTI
  • Panganganak
  • Edad (ang mga matatanda at bata ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng UTI)
  • Sekswal na gawain (lalo na ang kalinisan matapos makipagtalik)
  • Hindi magandang gawi kalinisan
  • Pagkakaroon ng iba pang medikal na kondisyon tulad ng pagtatae, malaking prostate, diabetes, at bato sa bato
  • Pagbabago sa hormones tulad ng mababang lebel ng estrogen sa mga kababaihang nakararanas ng menopausal

Key Takeaways

Ang pagpapakonsulta sa doktor ay makatutulong upang matukoy kung ikaw ay may UTI o wala. Kung ang lumabas sa iyong diagnosis ay UTI, tiyak na reresetahan ka ng doktor ng ilang mga gamot. Ang mga gamot na ito ay kadalasang antibiotics na kailangan mong inumin upang mawala ang impeksyon. Kung gusto mong gumaling nang mas mabilis, maaari mong subukan ang mga payo na binanggit sa itaas. Ang mga payong ito kung paano maiwasan ang UTI sa natural na paraan ay makatutulong upang maging mas mabuti ang iyong kondisyon at upang maiwasan itong lumubha. Maaari mo itong laging gawin sa iyong bahay. Laging tandaan na huwag gamutin nang mag-isa ang iyong sarili. At huwag uminom ng ibang gamot maliban sa inireseta ng doktor.

Matuto pa tungkol sa Urological Health dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Dietary Reference Intakes for Water, Potassium, Sodium, Chloride, and Sulfate, https://www.nap.edu/webcast/webcast_detail.php?webcast_id=261, Accessed August 6, 2020

The Role of Prebiotics in Women with Recurrent Urinary Tract Infections, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC6134985/, Accessed August 6, 2020

Stay a Step Ahead of Urinary Tract Infections, https://www.health.harvard.edu/aging/stay-a-step-ahead-of-urinary-tract-infections, Accessed August 6, 2020

Urinary Tract Infections: Prevention, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/9135-urinary-tract-infections/prevention, Accessed August 6, 2020

Urinary Tract Infections (UTIs), https://www.nhs.uk/conditions/urinary-tract-infections-utis/, Accessed August 6, 2020

Urinary Tract Infection, https://www.cdc.gov/antibiotic-use/community/for-patients/common-illnesses/uti.html, Accessed August 6, 2020

Urinary Tract Infection, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/urinary-tract-infection/symptoms-causes/syc-20353447, Accessed August 6, 2020

Kasalukuyang Version

10/11/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Elfred Landas, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Saging para sa UTI, mabisa nga ba itong gamot? Alamin dito!

5 Pagkain Na Bawal Sa May UTI


Narebyung medikal ni

Elfred Landas, MD

General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement