backup og meta

Anu-ano Ang Sintomas Na Mataas Na Pala Ang Iyong Uric Acid?

Anu-ano Ang Sintomas Na Mataas Na Pala Ang Iyong Uric Acid?

Ang pagkakaroon ng uric acid sa katawan ay isang normal na produkto ng dumi natin. Ito ay nabubuo kapag bine-break down ang mga kemikal na tinatawag na “purines”. Kung saan ang purines ay isang likas na sangkap na matatagpuan sa katawan — at sa maraming pagkain, tulad ng atay at laman loob, at alkohol, ayon na rin sa article na matatagpuan sa University of Rochester Medical Center.

Kapag ang purines ay na-break down sa uric acid sa dugo, inaalis ito ng ating katawan sa pamamagitan ng pag-ihi at pagdumi. Ngunit kapag ang ating katawan ay gumagawa ng masyadong maraming uric acid, o kung ang ating mga kidney ay hindi gumagana nang maayos, ang uric acid ay maaaring maipon o mag-build up sa dugo.

Bukod pa rito, ang antas ng uric acid ay maaari ring tumaas kapag kumain ang isang tao ng masyadong maraming pagkain na may mataas na purine. Kung saan ang mga kristal ng uric acid ay maaaring mabuo at maipon sa mga kasukasuan, na maaaring magdulot ng pamamaga at pananakit ng mga kasukasuan.

Sa kabila ng mga negatibong epekto ng mataas na uric acid, maraming indibidwal ang hindi namamalayan na mataas na pala ang kanilang uric acid — at nagiging sanhi ito ng paglala ng kanilang kondisyon at pagkakaroon ng iba’t ibang medikal na problema. 

Para maiwasan ito, patuloy na basahin ang article na ito upang malaman ang mga sintomas ng mataas na uric acid.

Sintomas ng mataas na uric acid

Madalas nalalaman ng isang tao na mataas na pala ang kanyang uric acid sa pamamagitan ng blood test. Bukod rito, may ilang palatandaan ka na pwedeng maranasan kung mataas na ang iyong uric acid. Narito ang ilan sa mga sintomas na dapat mong malaman: 

  1. Pananakit ng kasukasuan: Ito ang pinakakaraniwang sintomas ng mataas na uric acid. Kung saan ang sakit ay kadalasang nararamdaman sa mga kasukasuan ng hinlalaki sa paa, pero maaari rin itong makaapekto sa iba pang mga kasukasuan gaya ng mga bukung-bukong, tuhod, siko, pulso, at mga daliri.
  2. Pamamaga: Ang pamamaga sa apektadong kasukasuan ay maaari ring mangyari kasama ng pananakit ng kasukasuan.
  3. Pamumula: Ang apektadong kasukasuan ay maaari ring mamula at mainit kapag hinawakan mo ito.
  4. Limitadong paggalaw: Maaaring mahirapan ka sa paggalaw dahil matigas ang iyong kasukasuan at masakit igalaw.
  5. Malambot na kasukasuan: Ang kasukasuan ay maaaring malambot kapag hinawakan o pinidot.
  6. Kidney stones: Ang mataas na antas ng uric acid ay maaari ring humantong sa pagbuo ng mga bato sa kidney.

Tandaan na sa oras na makaranas ka ng alinman sa mga sintomas na ito, mahalagang kumunsulta sa doktor para sa tamang pagsusuri at paggamot.

Paggamot na maaaring gawin

Narito ang ilang paraan na pwede mong subukan para mapababa ang mataas na antas ng uric acid sa katawan:

  1. Mga gamot: Maaaring magreseta ang mga doktor ng mga gamot upang mapababa ang antas ng uric acid sa dugo.
  2. Mga Pagbabago sa Pamumuhay: Ang mga pagbabago sa diyeta ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng antas ng uric acid. Dapat mong iwasan ang mga pagkaing mataas sa purines, tulad ng seafood, red meat, organ meat, at alkohol. Maaari ka ring kumonsumo ng mga pagkaing mababa sa purine, tulad ng gulay, prutas, at dairy products na mababa ang fats.
  3. Pagpababa ng timbang: Kung ikaw ay sobra sa timbang o napakataba, ang pagpapababa ng timbang ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng antas ng uric acid.
  4. Hydration: Ang pag-inom ng maraming tubig ay makakatulong sa pag-alis ng sobrang uric acid sa katawan. Maaaring mailabas ang sobrang uric acid sa pamamagitan ng pagdumi at pag-ihi.
  5. Ehersisyo: Ang regular na ehersisyo ay makakatulong din sa pagpapababa ng antas ng uric acid sa katawan.

Gayunpaman, mahalaga pa rin na kumunsulta sa doktor bago gumawa ng anumang makabuluhang pagbabago sa iyong diyeta o ehersisyo. Dapat rin na maging sigurado ka na ligtas ka sa mga gamot na iyong iinumin, mas mainam kung makakahingi ka muna ng medikal na payo sa mga gamot na ikokonsumo para maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon at problema.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

High Uric Acid Level, https://my.clevelandclinic.org/health/symptoms/17808-high-uric-acid-level Accessed May 18, 2023

Uric Acid (Blood), https://www.urmc.rochester.edu/encyclopedia/content.aspx?contenttypeid=167&contentid=uric_acid_blood Accessed May 18, 2023

High Uric Acid Level, https://www.mayoclinic.org/symptoms/high-uric-acid-level/basics/causes/sym-20050607 Accessed May 18, 2023

High & Low Uric Acid Symptoms: How to Stay in a Safe Range, https://www.arthritis.org/diseases/more-about/high-low-uric-acid-symptoms-how-stay-in-safe-range Accessed May 18, 2023

Hyperuricemia (High Uric Acid), https://chemocare.com/chemotherapy/side-effects/hyperuricemia-high-uric-acid.aspx Accessed May 18, 2023

Kasalukuyang Version

06/11/2023

Isinulat ni Lornalyn Austria

Sinuri ang mga impormasyon ni Jan Alwyn Batara

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Dapat Gawin Kapag Nilalagnat Ang Buntis?

Paano Malalaman Kung Sira Na Ang Breastmilk? Narito Ang Kasagutan!


Sinuri ang mga impormasyon ni

Jan Alwyn Batara


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement