Mahirap mawalan ng boses dahil bahagi ng ating everyday life ang pakikipag-usap sa tao, kaya naman mahalaga na masagot ang tanong ng mga tao tungkol sa ano ang gamot sa pamamaos? At paano maaaring masolusyunan ang pagkawala ng boses ng isang indibidwal?
Para malaman ang mga sagot sa katungan, patuloy na basahin ang article na ito para sa mga mahahalagang impormasyon tungkol sa papamaos.
Ano ang pamamaos?
Ang pamamaos ay kilala rin sa tawag na “pamamalat” at sa Ingles tinatawag itong “hoarseness” habang sa terminong medikal naman ginagamit ang salitang “dysphonia” para dito.
Sinasabi rin na kapag ang kondisyong ito ay naging chronic ang vocal cords ay maaaring permanenteng masira at nagreresulta ito sa pagbabago ng boses (raspy at hoarse voice).
Paano nangyayari ang pamamaos?
Masasabi na ang pamamalat ay isang karaniwang karanasan na kahit sino ay maaaring magkaroon. Ayon pa sa mga eksperto, ang laryngitis ay isang kondisyon na nakakaapekto sa larynx kung saan naka-locate ang vocal cords ng tao.
Madalas ang pamamaos ay resulta ng pamamaga ng larynx o ang tinatawag na “voice box” na siyang pinagmumulan ng boses mo sa tuwing nagsasalita, kumakanta o sumisigaw. Ang pag-response sa injury na ito ay madalas nagreresulta ng mga ganitong karamdaman sa lalamunan:
- pamamaga
- pananakit
- pamumula
Pamamaga ng larynx
Ang local inflammation ng voice box (larynx) ay laganap bilang tugon sa chronic o acute irritation at sanhi ito ng mekanikal, kemikal, allergic o infectious agents. Kadalasan ang resulta ng pamumula (erythema) at pamamaga (edema) ng anumang bahagi ng larynx ay dahil sa iritasyon at karaniwang nalulutas ito kapag ang irritants ay natanggal sa contact sa larynx.
Uri ng Laryngitis
May 2 uri ng pamamaos kung saan tumutukoy ito sa gaano katagal ang pamamaga. Narito ang mga sumusunod:
Acute laryngitis— Panandaliang pamamaga ng larynx.
- Kung ang pagkakaroon ng kontak sa irritant ay biglaan at panandalian ang pamamaos ay magaganap nang biglaan at bubuti kapag naalis ang irritant.
- Karaniwang sanhi ng acute laryngitis ay kinabibilangan ng:
- Impeksyon sa upper respiratory tract mula sa bakterya, virus, at ilang fungi o molds
- Kasama rin ang iba pang less common causes ng acute laryngitis na kinabibilangan ng:
- Exposure sa mataas na concentrated air pollutants (tulad ng spray paints, oven cleaners, o iba pang solvents)
- Paglanghap ng usok sa isang closed-space fire
- Sinasadyang paglanghap ng pinainit na usok (tulad ng paninigarilyo ng crack cocaine)
- Blunt o penetrating trauma sa larynx
Maaari rin maging sanhi ng acute laryngitis ang viral infections (hal. sanhi ng sipon) maging ang pagkakaroon ng vocal strain dahil sa maling paggamit ng boses at bacterial infection, subalit bihira lamang ito mangyari.
Chronic laryngitis— Matagal na pamamaga ng larynx.
Kapag ang pagkaka-expose sa irritant ay matagal ang laryngitis ay mananatili hangga’t ang irritant ay naroroon.
Ang mga karaniwang sanhi ng chronic laryngitis ay kinabibilangan ng:
- Laryngopharyngeal reflux
- Mga allergy
- Paninigarilyo ng tabako (sigarilyo o tabako)
- Paggamit ng marijuana
- Paggamit ng mga inhaled steroid o iba pang oral inhaler
- Ilang impeksyon sa fungal at bacterial
- Maling paggamit o pang-aabuso ng boses
- Talamak na ubo
- Acid reflux o gastroesophageal reflux disease— kilala rin sa tawag na GERD
Makikita na ang laryngitis ay nangyayari, kapag ang larynx ay na-expose sa isang irritant at ang ilang irritants ay maaaring maging sanhi ng parehong acute at chronic laryngitis. Subalit, ang ibang irritants ay nagdudulot lamang ng isang uri ng laryngitis.
Iba pang dahilan ng pamamaos
- Vocal fold hemorrhage. Kung biglaang nawala ang boses mo, nakapagsasalita pero hindi makakanta, maaaring nagkaroon ka ng vocal fold hemorrhage at nangyayari ito kapag ang blood vessel sa vocal fold ay pumutok at pinupuno ng dugo ang muscle tissues.
- Neurological diseases and disorders. Kapag nagkaroon ka ng stroke o Parkinson’s disease ang iyong kondisyon ay maaaring maapektuhan ang bahagi ng iyong utak na kumokontrol sa muscles sa iyong larynx.
- Vocal nodules, cysts at polyps. Ito’y noncancerous growths na maaaring mabuo sa vocal folds at nadedebelop sila dahil sa sobrang friction at pressure.
- Vocal fold paralysis. Nangangahulugang ito na ang isa o ang parehong vocal cords ay hindi gumagana ng maayos at ang isa o parehong vocal chords ay hindi nagbubukas o nagsasara. Sinasabi na ang dahilan nito ay karaniwang hindi nalalaman, ngunit nangyayari ito minsan dahil sa injury, lung o thyroid cancer, impeksyon, multiple sclerosis, stroke, Parkinson’s disease at tumors.
- Laryngeal cancer. Kapag napansin na ang pamamaos ay hindi nawaala ng ilang linggo, o mas lumalala kasabay ng iba pang mga sintomas tulad ng pangangayayat, pagkaroon ng bukol sa may leeg o dibdib.
- Muscle tension dysphonia. Isa itong pattern ng muscle na nadebelop habang ang laryngitis ay nanatili kahit tapos na ang pamamaga ng vocal cords. Ito ang pagbabago sa tunog o pakiramdam ng boses dahil sa sobrang muscle tension sa paligid ng iyong voice box at ang tensyong ito ang pumipigil sa boses mo na gumana ng maayos.
Gamot sa pamamaos at tritment
Narito ang mga sumusunod na maaaring gawin at tritment na pwedeng gawin para maibsan ang pamamalat:
Ginger o luya
Ginagamit ng mga tao ang ginger o luya sa loob ng mahabang panahon dahil sa medicinal properties nito. Isa itong natural remedy na ginagamit para sa respiratory ailments at nakatutulong ito para maibsan ang iritasyon at dry cough nauugnay sa laryngitis.
Dagdag pa rito, nakakatulong ang luya sa pagre-relieve ng congestion at throat infections.
Gamot sa pamamaos: Garlic o bawang
Ang bawang ay isa mga madalas na gamitin na sangkap sa pagluluto at ayon din sa mga pag-aaral, ang bawang ay mayroong antibacterial at antiviral properties. Kung saan, ang pag-take o pag-consume ng bawang ay nakatutulong para maiwasan ang upper respiratory infections.
Gamot sa pamamaos: Honey o pulot
Ginagamit ng mga tao ang honey dahil maaari itong makatulong sa ubo ng isang tao, at ayon pa sa mga ilang pag-aaral ang honey ay may antioxidant at antibacterial properties na magandang gamitin bilang “cough suppressant medication”.
Pag-inhale ng steam
Lumalabas na ang pag-inhale ng steam ay makakatulong sa airways at ma-loosen up ang mucus at secretions. Maaring gamitin ito na may kasamang hot shower.
Tandaan din na nakakatulong sa pagpapaginhawa ng lalamunan ang paggamit ng essential oils, tulad ng ginger at lemon.
Gamot sa pamamaos: Pag-gargle ng salt water
Maraming tao ang nagiginhawaan mula sa pamamaos dahil sa pag-gargle ng salt water at batay sa mga eksperto, ang asin ay nakakatulong para mapagaling ang irritated tissues.
Iba pang maaaring gawin para sa pagpapagaling ng pamamaos
- Ipahinga ang boses. Mas magiging mabilis ang paggaling mo kung ipapahinga ang voice box.
- Iwasan ang irritants. Tandaan na ang smoke o usok ay isa sa mga irritant ng ating vocal cords at pwedeng maging dahilan ng pagbagal ng healing time ng pamamaos.
- Pag-inom ng maraming tubig o fluids. Mainam ang tubig para maiwasan ang dehydration at ang pag-inom ng warm liquids, tulad ng tsaa ay makakatulong para maginhawaan sa pamamaos.
- Over-the-counter medications. Pwedeng makatulong ito para maginhawaan sa discomfort symptoms na nauugnay sa pamamaos. Sinasabi na ang acetaminophen o anti-inflammatory medication, tulad ng ibuprofen ay makakatulong na mapagibhawa ang mga sintomas ng sakit ulo, katawan at lagnat. Pwede din makatulong ang mga throat spray.
Paano maiiwasan ang pamamalat
Narito ang mga sumusunod na maaaring gawin para maiwasan ang pamamaos:
- Pag-iwas sa usok at paninigarilyo.
- Huwag masyadong makape o uminom ng alak lalo’t kung hindi naman kailangan.
- Iwasan ang dehydration at palagiang uminom ng tubig.
- Kumain lamang na sapat at hindi sosobra ng mga pagkaing maaanghang (spicy foods).
- Paggamit sa boses ng angkop at wasto
Kailan dapat magpakonsulta sa doktor?
Kapag 3 linggo na ang lumipas at paos ka pa rin, ito ang mga sumusunod na bagay na dapat isaalang-alang para sa pagpapakonsulta sa doktor para sa’yong pamamaos:
- Hirap sa paghinga
- Kapag nagsasalita sumasakit ang lalamunan
- Masakit ang nararamdaman sa lalamunan kapag lumulunok
- Umuubo na may kasamang dugo
- Nahihirapan sa paglunok
- May lump o bukol sa leeg
- Nananatiling walang boses sa mahabang panahon
[embed-health-tool-bmi]
Key Takeaways
Tandaan na ang maling paggamit ng boses, irritants at iba’t ibang klase ng impeksyon ay maaaring maging sanhi ng laryngitis.
Sa oras na ang isang tao ay nakaranas ng mas malalalang sintomas sa loob ng maraming linggo, magpakonsulta agad sa doktor!