Ang pagkain ng adidas ng manok o paa ng manok ay hindi kaaya-aya sa ibang mga bansa para kainin. Marahil ito ay ginagamit ng mga manok sa paghuhukay, pantapak at iba pa. Kaiba naman sa mga bansang tulad ng Pilipinas, Korea, China, South Africa na isinasama pa sa mga lutuin ang adidas ng manok at may iba’t ibang pamamaraan ng pagluluto nito. Mayroong mga lutong adobo, inihaw at iba pa.
Hindi man itinuturing ng lahat na putahe ang adidas ng manok, hindi natin maikakaila na mayroon itong mga benepisyong naibibigay. Sa katunayan, isang pirasong paa ng manok (35 g) ay mayroong 2% ng calcium (31mg), 14% ng protein (6.8g), at 2% ng iron (0.3mg).
Sustansya at/o Benepisyong Dulot ng Adidas ng Manok
Mayaman sa Collagen
Isa sa benepisyo sa kalusugan ng adidas ng manok ay dahil sa collagen na naibibigay nito. Batay sa pag-aaral na isinagawa sa Taiwan, nakitaan ng mataas na lebel ng collagen ang paa ng manok. Sa katunayan, ang ilan sa mga mahal na collagen supplement na mabibili sa drugstore ay mula sa adidas ng manok.
Nakatutulong ang collagen upang mapanatili ang pagkaelastiko ng balat. Napapanatili nitong malusog ang ating balat na sumusuporta sa mabilis na pagpapalit ng patay na balat tungo sa panibagong balat. Napalalakas din nito ang hydration ng ating balat. Nababawasan ang wrinkle o pangungulubot ng balat sanhi ng ultraviolet B (UVB); isang uri ng ultraviolet ray na nagdudulot din ng sunburn.
Pagtulong sa Pag-a-absorb ng mga bitamina at mineral
Dagdag pa rito, natutulungan nito ang ating katawan na ma-absorb ang protina at calcium na nagpapalusog din ng ating pangangatawan.
Habang ang tao ay tumatanda, nababawasan ang calcium at phosphate mula sa buto dahilan upang maging mas marupok ito. Bagamat kumakain ng pagkain na nakapagbibigay ng kailangang mineral at bitamina, nagkakaroon pa rin ng problema. Nagpapatuloy ang pagrupok ng mga buto dahil hindi na-a-absorb nang mabuti ang mga ito. Kaya naman malaki ang naitutulong ng collagen upang ma-absorb ang calcium at iba pang kailangan ng buto.
Pagkakaroon ng Malusog na Gilagid
Mahalagang pangalagaan ang gilagid sapagkat ito ang sumusuporta sa ating mga ngipin. Ang kakulangan sa anumang bitamina at iba pang sustansya ay lilikha rin ng problema sa gilagid. Maaaring magkaroon ng mga sakit sa gilagid sanhi na rin ng impeksyon.
Ang pagkain ng adidas ng manok na naglalaman ng maraming sustansya ay makatutulong. Nakatutulong ito sapagkat mayroon itong tissue na magkakonekta at cartilage, na maaaring maging gel dahil naglalaman ito ng collagen, amino acids, at ilang gelatin agent. Ang mga ito ay nagpapabuti ng kalusugan ng ating gilagid.
Mabawasan ang Pananakit ng Kasukasuan
Sa pagtanda ng isang tao, madalas na nararanasan ang pananakit ng mga kasukasuan. Sanhi ito ng mga kakulangan sa nutrisyon o pagkabawas ng mga ito.
Batay sa mga pananaliksik, ang collagen ay nakatutulong sa pagpapanumbalik ng tissue upang mabawasan ang mga sintomas ng osteoarthritis. Ang pagkakaroon ng 5 g ng collagen araw-araw ay nakararanas ng pagbaba ng sakit na nararamdaman sanhi ng osteoarthritis.
Nakakapagpabuti ng Immune System
Katulad ng nabanggit, mayaman ang adidas ng manok sa collagen. Bukod rito, naglalaman din ito ng iba’t ibang mineral tulad ng zinc, copper, magnesium, calcium, at phosphorus. Lahat ng ito ay nakatutulong upang maging malusog ang ating katawan at maiwasang magkasakit.
Batay sa mga nabanggit na ilan sa mga benepisyong naibibigay ng adidas ng manok, napatunayan lamang na may sustansyang dulot ito.
Tandaan lamang na hindi rin makabubuti ang sobrang pagkain nito.
Key Takeaways
[embed-health-tool-bmr]