Alam mo ba na tinatayang 30-50% ng mga kababaihan ay makararanas ng mga sexual problems sa isang punto ng kanilang buhay? Kagaya ng sa mga lalaki, mahalaga para sa mga babae na malaman ang mga karaniwang sexual problems na maaari nilang maranasan sa hinaharap.
Ang pagiging malay sa mga problemang ito ay makapanghihikayat sa mas maraming mga babae na maghanap ng tulong at tugunan ang mga problemang ito. Ito ay magdudulot ng mas malusog at masayang sex life, at mas maaayos na ugnayan sa kanilang mga kapareha.
Mga Karaniwang Sexual Problems ng mga Babae
Ang mga sexual problems ng mga babae ay tinatawag din kung minsan na sexual dysfunction. Narito ang ilan sa mga karaniwang sexual problems ng mga babae, ang mga dahilan, at ano ang pwedeng gawin ng mga babae tungkol dito:
1. Mababang Sex Drive
Normal para sa isang babae ang magkaroon ng mababang sex drive paminsan-minsan. Gayunpaman, kung ang isang babae ay palaging may mababa o walang sex drive, nagiging problema na ito. Ito ay maaaring nasa anyo ng simpleng pag-ayaw sa pakikipagtalik o hindi pagiging interesado sa anumang bagay na sekswal.
Ang ang Dahilan nito?
Kabilang sa mga karaniwang sexual problems ng babae ay ang mababang sex drive, at maaaring bunga ito ng ilang mga bagay. Ito ay maaaring resulta ng mga sikolohikal na salik, gaya ng stress, pagkabahala, depresyon, at iba pang problema sa mental na kalusugan.
Maaari ding dahil ito sa karamdaman, gaya ng kanser, diabetes, o mga cardiovascular problems. At ito ay maaaring bunga rin ng hormonal changes.
2. Sexual Arousal Disorder
Ang sexual arousal disorder ay isang kondisyon kung saan ang isang tao ay nagnanais na makipagtalik ngunit nahihirapan o hindi talaga sila naa-arouse.
Ito ay nangangahulugan na hinahanap ng isang tao ang sex ngunit kapag nasa sitwasyon na ng aktuwal na pagtatalik, hindi sila naa-arouse, o hindi sila nakararamdam ng matinding pagnanasa mula sa pakikipagtalik.
Ano ang Dahilan nito?
Gaya ng sa mababang sex drive, ang sexual arousal disorder ay mayroong parehong pisikal at sikolohikal na dahilan.
Kabilang sa mga karaniwang sikolohikal na dahilan ay ang sumusunod:
- Mababang kumpyansa sa sarili
- Pagkabahala
- Stress
- Trauma
- Pagsisisi
- Problema sa relasyon
Kabilang naman sa mga pisikal na dahilan ay ang sumusunod:
- Hormonal changes
- Kakulangan ng dumadaloy na dulog sa pagkababae
- Pagkasira ng nerve
- Impeksyon sa pagkababae
Karagdagan pa, ang mga mas nakatatandang mga babae ay may mas mataas na tyansang makaranas ng sexual arousal disorder kaysa sa mga nakababatang babae. Ito ay maaaring dulot ng pagme-menopausa na nagiging sanhi ng mga hormonal changes.
3. Orgasmic Disorder
Ang orgasmic disorder ay isa rin sa mga karaniwang sexual problems ng mga babae. Kabaligtaran ng sa mababang sexual desire at sexual arousal disorder, ang mga babaeng may orgasmic disorder ay nagnanasa ng pakikipagtalik, at naa-arouse din. Karagdagan pa, kaya rin nilang makadama ng matinding pagnanasa mula sa pakikipagtalik.
Ang problema ay kahit napakatagal na ng sekswal na aktibidad, pakiramdam nila ay imposible ang pag-abot ng orgasmo. Ito ay iba pa sa mga sitwasyon kung saan hindi nilalabasan ang mga babae sa pakikipagtalik, ngunit nilalabasan naman kung sila ay magma-masturbate. Ang mga babaeng may orgasmic disorder ay walang kakayahang magkaroon ng orgasmo, kahit pa sila ay makipagtalik o mag-masturbate.
Ano ang Dahilan nito?
Narito ang ilan sa mga posibleng dahilan ng orgasmic disorder:
- Masyadong mabilis na natapos ang pakikipagtalik
- Mga problema sa relasyon
- Nababahala sa pakikipagtalik
- Dating traumatic na karanasan sa pakikipagtalik
- Mga problemang sikolohikal
- Hindi pagsasagawa ng foreplay
- Mga magkapareha na hindi alam kung paano paliligayahin ang isa’t isa
4. Sexual Pain Disorder
Ang sexual pain disorder, gaya ng sinasabi sa pangalan nito, ay nangangahulugan na ang babae ay nakararanas ng sobrang pananakit habang nakikipagtalik. Ang medikal na terminolohiya para dito ay dyspareunia.
Kabilang sa mga sintomas ng sexual pain disorder ay ang sumusunod:
- Pananakit habang ipinapasok ang ari ng lalaki sa pagkababae
- Pananakit habang idinidiin ang ari ng lalaki sa pagkababae
- Nagbabagang pakiramdam habang nakikipagtalik
- Pananakit kapag gumagamit ng tampons o menstrual cups
- Pagdanas ng pangmatagalang pananakit maging pagkatapos ng pagtatalik
Ang sexual pain disorder ay maaring magdulot ng negatibong pananaw sa pakikipagtalik at maaari itong maging sanhi ng mga problema sa relasyon.
Ano ang Dahilan nito?
Ang sexual pain disorder ay maaaring bunga ng ilang mga bagay gaya ng sumusunod:
- Hindi sapat na lubrication
- Vaginismus o muscle spasms sa mga kalamnan sa pelvic floor
- Impeksyon o pamamaga sa pagkababae
- Injury sa pagkababae
- Isang congenital na problema na nagpapasakit sa pakikipagtalik
Paano Matutugunan ang mga Karaniwang Sex Problems ng mga Babae?
Kung nakararanas ka ng anuman sa mga nabanggit na karaniwang sexual problems ng mga babae, humanap ng propesyonal na tutulong sa iyo. Maaaring makaramdam ng hiya kung pag-usapan ang ganitong bagay kasama ang isang propesyunal sa medisina ngunit tandaan na nandyan sila para tulungan ka.
Sa ibang mga pagkakataon, maaaring kailangan ng isang babae ang counseling, at maaaring matanong kasama ang kanyang kapareha para mapag-usapan ang kanilang mga damdamin tungkol sa pagtatalik. Nakatutulong ito para matugunan ang mga natatagong sikolohikal na sanhi ng mga problemang ito.
Para sa may kinalaman naman sa mga pisikal na sanhi, isang gynecologist ang makatutulong sa iyo para malaman mo kung ano ang dapat gawin ukol dito. Sila ang tutukoy ng iyong problema at magmumungkahi ng tamang paraan ng panggagamot upang bumuti ang iyong kondisyon.
Ang mahalaga ay humanap ng makatutulong sa iyo at huwag balewalain ang iyong kondisyon.
Matuto ng higit pa ukol sa mga Tips sa Pakikipagtalik dito.