Maaaring narinig mo na kahit minsan ang G-spot. Isa itong mailap at sensitibong bahagi ng ari ng babae na may kinalaman sa pambihirang sekswal na kasiyahan. Kaya lang, nabalot ito ng kontrobersiya dahil sa mga ulat na hindi raw ito isang tunay na bahagi ng katawan. Gayunpaman, kahit hindi mahanap ng mga eksperto ang G-spot, natagpuan naman nila ang C-spot. Ano ang C-spot at paano ito nakadaragdag sa kasiyahan sa pakikipagtalik?
Ano Ang C-Spot?
Sa kabila ng pagkakaugnay nito sa pagkakaroon ng matinding kasiyahan at orgasm, hindi pa rin matagpuan ng mga siyentipiko kung nasaan ang G-spot. Ngunit sa puntong ito, alam na nila kung nasaan ang C-spot at ito ang klitoris.
Matatagpuan ang klitoris, o kung tawagin ng marami ay “clit”, sa ilalim kung saan nagtatagpo ang inner labia (labi) na tinatawag na clitoral hood. Depende sa anggulo kung paano mo tingnan ang ari, puwedeng nasa itaas ang clit o nasa harap ng butas kung saan lumalabas ang ihi.
Maaaring isipin ng iba na ang C-spot ay isa lamang maliit na bahagi ng ari. Gayunpaman, nasa loob ang mas malaking bahagi ng klitoris at umaabot ang haba ng 5 pulgada.
Habang mailap at maraming katanungan tungkol sa G-spot, matagal nang kinikilala ng mga eksperto sa sekswal na kalusugan ang C-spot bilang “pleasure center of the vulva”. Wala itong anumang papel sa paggawa ng bata at nakalaan lang upang makaramdam ka ng ligaya kapag nakikipagtalik.
Kaya naman hindi na nakakagulat para sa mga eksperto na sabihing imbis na tutukan ang G-spot, maglaan na lang ng pansin sa C-spot.
Maaaring C-Spot Ang Dahilan Kung Bakit Nagkakaproblema Sa Orgasm
Walang dudang masarap sa pakiramdam kapag na-stimulate ang klitoris. Ito kasi ang nasa gitna ng pleasure spot ng kababaihan.
Gayundin, may dahilan na tayo upang maniwalang ito ang maaaring sagot sa ilan sa mga problema ng mga babae pagdating sa orgasm.
Sa isang pag-aaral na kabilang ang 30 kababaihan, 10 sa mga nahihirapang mag-orgasm ay nakapagtala ng ilang pagkakaiba sa katangian ng kanilang klitoris. Ang mga nagkaroon ng problema sa orgasm ay lumalabas na may klitoris na:
- Malayo sa ari
- Mas maliit na sukat kaysa sa karaniwan
At bagaman kailangan pa natin ng dagdag na pag-aaral upang makumpirma ang kaugnayan ng katangian ng klitoris at sekswal na kaligayahan, may ilang nagsasabing:
- Mas madaling maabot at ma-stimulate ang klitoris na malapit sa ari habang nakikipagtalik
- Maaaring mas maraming nerve endings ang mas malaking klitoris, na dahilan upang magkaroon ng mas matinding kasiyahan.
Bukod pa rito, ipinakita ng pag-aaral na nagiging aktibo ang isang bahagi ng utak (somatosensory cortex) na may kaugnayan sa pandamdam, sakit, kaligayahan, at init kapag na-stimulate ang C-spot. Nalaman din ng mga mananaliksik sa isang pag-aaral na naaapektuhan ang laki ng somatosensory cortex ng dalas ng pakikipagtalik ng mga babae sa nagdaang taon.
Samantalahin Ang C-Spot
Maaaring marami pang tanong hinggil sa klitoris, ngunit isang bagay ang sigurado: nakakapagbigay ng sekswal na kasiyahan ang pag-stimulate dito. Kaya’t paano mo ito mai-i–stimulate nang mabuti?
Ayon sa mga eksperto, pinakamainam na alamin muna ang gusto ng iyong katawan. Ibig sabihin, gawin mo muna sa iyong sarili at alamin kung ano ang maganda at hindi maganda sa iyong pakiramdam. Huwag mag-alala, hindi masama sa katawan ang pagmamanipula ng ari. Ito ang ilan sa mga bagay na maaari mong subukan upang ma-stimulate ang C-spot:
- Maglagay ng unan sa pagitan ng iyong mga hita at igalaw ang iyong balakang (nakasuot ang panty o nakamaong).
- Hawak-hawakan ang iyong klitoris
- Ikuskos ang laruan sa klitoris
- Salat-salatin ito gamit ang mga daliri
Kung mayroon kang partner, makatutulong kung alam mo kung ano ang gusto mo upang masabi mo sa kanya kung anong makakapag-stimulate ng iyong klitoris.
Pero syempre, huwag ding kalimutang isang aspekto lamang ng sekswal na kaligayahan ang klitoris. Makatutulong din ang iba pang bagay, gaya ng foreplay at pagiging mapaglaro. Bakit hindi mo subukan ang sex games upang lalong maging kapanapanabik ang pakikipagtalik? Maaari ka ring magpunta sa tindahan ng sex toys upang magkaroon ng dagdag na pagpipilian.
Matuto pa tungkol sa Sex Tips dito.