Ang kulugo sa ari o genital warts ay mga pagdami na parang cauliflower. Sa mga lalaki, lumilitaw ang mga ito sa penis, scrotum, singit, hita, at sa loob o paligid ng anus. Sa mga kababaihan, tumutubo ang mga ito sa loob at labas ng vagina, anus, at sa cervix. Maaari ring lumitaw ang mga ito bilang mga flat lesion o maliit, parang stem na bukol. Dahil sa kanilang hitsura, ang mga meron nito ay maaaring labis na nag-aalala tungkol sa kung paano alisin ang mga kulugo sa ari.
Ang genital warts ay mula sa ilang uri ng HPV (human papillomavirus) na nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik (oral, vaginal, at anal). Sa mahigit 120 strain ng HPV, tanging ang types 6 at 11 lang ang nagiging sanhi ng genital warts. Lumilitaw ang mga ito maraming linggo o buwan pagkatapos ng impeksyon.
Hindi lahat ng genital warts ay nakikita ng mata. Ang ilan ay maaaring maliit at kakulay ng balat, o medyo mas maitim. Ang ibabaw ay maaaring makinis o bahagyang bukol sa pag pindot. Lumalabas ang ibang warts sa labi, bibig, dila at/o lalamunan.
Ang mga kulugo ay maaaring tumubo ng isa-isa o mga cluster ng pink o flesh-colored growth.
Ano Ang Mga Sintomas Ng Kulugo Sa Ari?
Bago natin pag-usapan kung paano alisin ang genital warts, pag-uusapan muna natin ang mga sintomas. Kabilang sa mga ito ang:
- Pangangati
- Burning sensation
- Bleeding
- Vaginal discharge
Kung hindi magamot kaagad, ang genital warts ay maaaring lumaki o kumalat at magdulot ng discomfort at pananakit. Kaya naman, mahalagang malaman kung paano alisin ang mga kulugo sa ari.
Ano Ang Nagiging Sanhi Ng Kulugo Sa Ari?
Ang pinaka-madalas na sanhi ng genital warts ay HPV. Tatlumpu hanggang 40 na mga strain ng HPV ang nakakaapekto sa maselang bahagi ng katawan, ngunit iilan lamang sa mga ito ang aktwal na humahantong sa genital warts.
Ang skin-to-skin contact ay nagiging sanhi ng mabilis na pagkahawa ng HPV virus. Ito ang dahilan kung bakit ang genital warts ay itinuturing na isang sexually transmitted infection (STI).
Ang virus ay sobrang common, ang Center for Disease Control Prevention sa US ay nag-ulat na karamihan sa mga taong sexually active ay makakakuha ng impeksyon. Sinasabi ng isang ulat noong 2019 na mahigit 22% sa populasyon ng US ang nahawahan ng HPV.
Sa Pilipinas, tinatantya ni Dr. Grace Carole Beltran, isang espesyalista sa STD (sexually transmitted disease) na apat sa limang babae ang maaaring nalantad o infected ng HPV.
Ang isang pag-aaral noong 2017 ay nagpakita na higit sa 60% ng mga kaso ay mula sa mga recent testsi, na nagdaragdag sa high resource cost of health care para sa mga genital warts.
Hindi katulad ng warts sa iyong mga kamay o iba pang bahagi ng katawan ang mga strain ng HPV sa likod ng genital warts. Ang isang kulugo ay hindi kumakalat mula sa mga kamay hanggang sa maselang bahagi ng katawan at vice-versa.
Ano Ang Mga Risk Factors Para Sa Kulugo Sa Ari?
Bagama’t ang mga sexually active ay mas madaling kapitan ng HPV, ang ilang mga tao ay kasing vulnerable sa impeksyon. Sila ang:
- Ang mga wala pang 30 years old
- Smokers
- Mga taong may mahinang immunity
- Biktima ng child abuse
- Mga supling ng mga ina na nahawaan ng virus sa panahon ng panganganak
Ano Ang Mga Komplikasyon Ng Kulugo Sa Ari?
Ang impeksyon sa HPV ay maaaring humantong sa malubhang komplikasyon, ibig sabihin, importanteng malaman kung paano alisin ang mga kulugo sa ari. Kasama sa mga komplikasyon ang:
- Cervical cancer at dysplasia, o precancerous changes sa cells ng cervix
- Kanser ng vulva, at penile at anal cancer
Paano Sinusuri Ng Doktor Ang Kulugo Sa Ari?
Kakailanganin mong sabihin ang iyong sexual history sa iyong doktor, kasama ang anumang karanasan sa oral sex at pakikipagtalik ng walang condom o iba pang paraan ng proteksyon. Dadaan ka rin sa isang physical examination sa kung saang bahagi tumutubo ang mga kulugo sa ari.
Ang mga babaeng naghihinala na mayroon silang genital warts ay dapat sumailalim sa mga medikal na pagsusuri tulad ng:
- pelvic examination upang suriin ang mga bahagi sa vulva, vagina, perineum, at anus
- Pap test
- Colposcopy, na nagpapakita ng magnified view ng cervix, vagina, at vulva,
- DNA test na nagpapakita kung ano ang strain ng HPV sa iyong katawan. Walang available na DNA test para sa mga lalaki.
Paano Mo Maiiwasan Ang Kulugo Sa Ari?
Bukod sa pag-alam kung paano alisin ang genital warts, kailangan mo ring matutunan ang tungkol sa pag-iwas.
Maaaring protektahan ng HPV vaccines na Gardasil at Gardasil 9 ang mga lalaki at babae mula sa mga strain ng HPV na sanhi ng genital warts, at nagpoprotekta laban sa mga strain na nauugnay sa cervical cancer. Inirerekomenda na kumunsulta ka sa iyong doktor bago uminom ng bagong gamot.
Ang mga bakuna ay maaaring ibigay sa mga nasa edad 9 hanggang 45, at kunin sa dalawa hanggang tatlong dose, depende sa edad ng tao. Ang parehong mga bakuna ay dapat ibigay bago ang isang tao ay maging sexually active, dahil ang mga ito ay pinakamahusay na gumagana bago ang exposure sa HPV.
Nakababawas rin ng risk ng genital warts ang pagsuot ng condom at ang paggamit ng dental dam. Mahalagang magkaroon ng physical barrier para makaiwas sa impeksyon.
Nakakatulong din ang regular na pagsusuri para sa HPV at cervical cancer.
Walang lunas para sa HPV, ngunit tulad ng maraming sakit, ang mga kulugo sa ari na resulta ng virus ay maaaring gamutin sa traditional o non-traditional na paraan.
Paano Alisin Ang Kulugo Sa Ari
- Topical creams/ solutions
- Cryotherapy, na napi-freeze at nag-aalis ng tissue
- Luster therapy
- Surgery para alisin ang nahawang tissue
Huwag kumuha ng mga over-the-counter treatments para sa mga kulugo sa kamay dahil ang ibang strain ng HPV ay responsable para sa mga kulugo sa ari. Baka lumala lang ang problema.
Home Remedies At Mga Alternatibong Paggamot
Ang mga di-tradisyonal na treatment kung paano alisin ang genital warts ay walang buong basbas ng medical community. Pinakamabuting kumunsulta muna sa iyong doktor bago subukan ang mga sumusunod na remedyo:
- Garlic extract. Ang katas ng bawang ay may antiviral at anticarcinogenic effect. Direktang i-apply sa kulugo, o ibabad sa katas ng bawang na hinaluan ng mantika ang isang gauze pad. Itapal sa warts.
- Ang pagkain ng mga gulay tulad ng repolyo, broccoli, Brussels sprouts, cauliflower, at kale ay maaaring makatulong sa pag-boost ng immunity at pag galing, na tumutulong na iwasan at lunasan ang mga genital warts. Inirerekomenda ang apat hanggang limang servings araw-araw.
- Kumain ng mga pagkaing nakakatulong sa katawan na gumaling nang mas mabilis, tulad ng mga blueberry na mayaman sa antioxidant, cherries, kamatis, bell peppers, at kalabasa,dark leafy vegetables tulad ng spinach at kale, whole grains, almond, beans at lean meat.
- Folate at B-12: Ang kakulangan sa folate at B12 ay maaaring magpataas ng risk na magkaroon ng HPV.
Palaging kumunsulta sa iyong doktor para sa kung paano maalis ang genital warts. Ang mga kulugo sa ari ay nawawala pagkatapos ng ilang panahon, ngunit dapat silang gamutin agad para maiwasan ang pagkalat at paglaki. Magpatingin sa iyong doktor, at makipag-usap sa iyong partner para hanapin ang pinakamahusay na posibleng treatment.
Matuto pa tungkol sa STIs at STDs dito.