Maraming epekto ang pagbubuntis ng teenager na babae. Bukod sa mga pisikal na pagbabago, maaari ring maapektuhan ang kanyang mental at maging ang kanyang pakikihalubilo sa ibang tao. Ating alamin kung bakit laganap ang teenage pregnancy sa bansa at paano ito lubusanng nakaapekto sa iba’t ibang aspeto.
Ano Ang Teenage Pregnancy?
Alam mo ba na bawat taon, humigit-kumulang 21 milyong batang babae na may edad 15-19 ang nabubuntis sa buong mundo? Bilang karagdagan, humigit-kumulang 12 milyon sa mga babaeng ito ang nanganganak bawat taon. Ang epekto ng teenage pregnancy ay hindi maaaring balewalain, lalo na kapag ito ay nagdudulot ng malaking problema sa maraming kabataang babae sa buong mundo.
Ang teenage pregnancy ay isang lumalalang problema, lalo na para sa mga developing countries kung saan ang kakulangan ng edukasyon at mga oportunidad na magagamit para sa mga kabataang babae ay malaki ang naitutulong sa naturang krisis sa kalusugan.
Pagbubuntis Ng Teenager Sa Pilipinas
Ang Pilipinas ay isa sa mayroong pinakamataas na rate ng teenage pregnancy sa Southeast Asian region. Sa katunayan, parehong idineklara ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Commission on Population and Development (POPCOM) ang teenage pregnancy bilang isang national emergency.
Noong 2018 lamang, mayroong naitalang 183,000 live births ng mga batang ina. Habang ang bilang na ito ay mas mababa kumpara sa mga nakaraang taon, ang pagbaba ay naging mabagal, at mas mataas pa rin kaysa sa average sa rehiyon.
Iminumungkahi rin ng datos mula sa World Bank noong 2020 na mahigit 500 kabataang Pinay ang nabubuntis at nanganganak araw-araw.
Ano Ang Mga Sanhi Ng Pagbubuntis Ng Teenager?
Maraming iba’t ibang mga salik na maaaring makaambag sa pagtaas ng saklaw ng pagkakaroon ng teenage pregnancy.
Habang ang mga kabataang babae mula sa lahat ng klase sa lipunan ay posibleng makaranas ng teenage pregnancy, mas madalas kaysa sa hindi, ang mga batang ina ay nagmumula sa marginalized communities.
Ang mga marginalized na komunidad ay mayroong mas mataas na panganib dahil sa mababang edukasyon ukol sa paksa. Kung magiging partikular lamang, ang kakulangan sa sex education ay may malaking papel pagdating sa pagbubuntis ng teenager. Ang ilang mga kabataang babae ay nabubuntis dahil sila at ang kanilang mga kapareha ay walang kamalayan sa safe sex practices o wala silang access sa mga contraceptive. Ang hindi protektadong pakikipagtalik ay humahantong sa mga hindi ninanais na pagbubuntis.
Bukod pa rito, ang sekswal na karahasan ay maaari ring ikonsidera bilang driving force sa likod ng pagbubuntis ng teenager. Ang Philippine Legislators’ Committee on Population and Development Foundation Inc. ay nagsasaad na may malakas na koneksyon sa pagitan ng sekswal na karahasan at teenage pregnancy.
Iniulat din ng Save the Children Philippines na ang pagka-ipit ng mga kabataang Pilipina sa isang siklo ng kahirapan na buhat ng maagang pagbubuntis. Ito ay kasabay ng pagdaranas nila ng stigma bilang mga batang ina, na maaaring mauwi sa maaga at pilitang pag-aasawa.
Ano Ang Epekto Ng Pagbubuntis Ng Teenager Sa Isang Batang Ina?
Upang maunawaan ang epekto ng pagbubuntis ng teenager, mahalagang malaman ang epekto ng teenage pregnancy sa kalusugan ng isang dalaga.
Napag-alaman na ang mga batang ina ay may mas mataas na panganib para sa mga sumusunod na sakit:
Anemia
Habang nagbubuntis, ang mga kababaihan ay may mas mataas na panganib na magkaroon ng iron deficiency anemia. Gayunpaman, para sa mga batang ina, ang panganib ay tumataas ng humigit-kumulang 2.5 beses. Ang anemia sa panahon ng pagbubuntis ay nagpapataas ng panganib ng premature birth, low birth weight, at postpartum depression.
Posible rin para sa ina na mangailangan ng pagsasalin ng dugo kung ang kanyang anemia ay nagiging masyadong malala. Para sa mga teenager na ina na naninirahan sa malalayong lugar o mga lugar na walang wastong medikal na pasilidad, ang anemia ay maaaring maging lubhang mapanganib.
Sexually Transmitted Infections (STIs)
Ang pagsasailalim sa hindi protektadong pakikipagtalik ay hindi lamang nagpapataas ng panganib ng pagbubuntis ng mga kabataan, kundi pati na rin ang panganib ng pagkakaroon ng sexually transmitted infection o STI.
Hindi lamang naglalagay sa ina sa panganib ang pagkakaroon ng STI. May posibilidad din na ang sanggol ay mahawa rin. Ang ilang mga STI gaya ng syphilis ay maaaring maging sanhi ng stillbirth at organ damage sa mga sanggol.
Ang paggamit ng proteksyon sa panahon ng pakikipagtalik ay mahalaga upang maiwasan ang mga pagkakataon ng hindi sinasadyang pagbubuntis, maging ang STI transmission.
Postpartum Hemorrhage
Ang postpartum hemorrhage ay tumutukoy sa potensyal na mapanganib na pagkawala ng dugo, na kadalasang nangyayari pagkatapos ng panganganak. Sa ilang mga kaso, maaaring kailanganin din ang pagsasalin ng dugo upang palitan ang dugong nawala mula sa ina.
Natuklasan ng mga pag-aaral na ang mga kabataang babae sa pagitan ng 10 at 19 taong gulang ay may mas mataas na panganib ng postpartum hemorrhage pagkatapos manganak.
Ang masama pa nito, maraming kababaihan ay walang access sa sapat na mga medikal na pasilidad sa panahon ng emergency. Ito ay totoo lalo na para sa mga mahihirap at sa mga nakatira sa malalayong komunidad.
Depression At Iba Pang Mga Mental Health Problems
Bilang karagdagan sa pisikal na epekto ng pagbubuntis ng teenager, maaari rin itong epekto sa mental health ng batang ina.
Maraming salik ang maaaring sumagi kapag tinalakay ang mental health na mga babaeng nagdadalang-tao sa murang edad. Ang ilan ay natatakot na sabihin sa kanilang mga magulang o tagapag-alaga ang tungkol sa kanilang pagbubuntis. Maaaring nag-aalala sila tungkol sa responsibilidad ng pagkakaroon ng anak. Samantala, ang iba naman ay nararamdaman ang social stigma ng pagiging buntis sa murang edad.
Mahirap din para sa mga batang ina na humingi ng tulong at suporta sa panahon ng kanilang pagbubuntis. Ang ilan ay bumabaling pa sa pag-abuso sa droga upang makayanan ang kanilang sitwasyon.
Higit pa rito, ang ilang kabataang babae ay biktima rin ng sekswal na karahasan, na maaaring magresulta sa post-traumatic stress disorder o PTSD.
Natuklasan din ng isang pag-aaral na bagaman bihira ang suicide sa mga kababaihang buntis, mas mataas ng 19% ang posibilidad ng suicide ideation sa mga teenager na ina.
Key Takeaways
Ang epekto ng pagbubuntis ng teenager ay maaaring maging mahirap pangasiwaan para sa lahat ng taong kasangkot. Ang pagbubuntis sa murang edad ay umaabot sa pisikal at mental na pinsala para sa mga babae. At ang ilan ay maaaring magdulot ng malubhang problema sa kalusugan. Bukod pa rito, maaari rin magkaroon ng strain ang teenager sa kanilang mga pamilya at mga relasyon.
Samakatuwid, mahalagang turuan ang mga nasa wastong gulang patungkol sa sex education upang maiwasan ang pagbubuntis sa murang edad. Maaaring harapin ng mga magulang at guro ang krisis ng teenage pregnancy sa pamamagitan ng pagiging mas bukas at kasangkot sa pag-uusap na ito.
Panghuli, ang malulusog na ina ay gumagawa ng malulusog na sanggol. Anuman ang edad, ang mga buntis na kababaihan ay dapat humingi ng medikal na atensyon sa sandaling malaman nilang sila ay nagdadalang-tao, maging sa bawat hakbang ng pagbubuntis.
Alamin ang iba pa tungkol sa Sekswal na Kaayusan dito.