Maaaring mauwi sa ilang panganib sa kalusugan gaya ng sexually-transmitted infections at unwanted pregnancy ang hindi safe na sex. Ngunit hindi palaging malinaw na naipaliliwanag ng media ang ibig sabihin ng unsafe o unprotected sex. Kaya ang resulta, maraming tao ang hindi namamalayang gumagawa na ng hindi safe na sex. Narito ang limang pinakanakagugulat na dahilan kung bakit hindi nagiging safe sa sex ang mga tao.
1. Pag-Aakalang Ang Oral, Anal, At Ang Sex Na Walang Penetration Ay Ligtas
Maraming tao ang nag-aakalang ang ligtas na pakikipagtalik ay nangangahulugang zero chances ng unwanted pregnancy. Gayunpaman, ang oral, anal, at non-penetrative na pagtatalik nang walang proteksyon ay hindi pa rin safe sex. Bakit? Maraming mga sexually transmitted disease gaya ng chlamydia, gonorrhea, herpes, at HIV ang naikakalat sa mga tao sa pamamagitan ng oral, anal, at non-penetrative na pagtatalik. Kahit ang matinding paghahalikan at paggamit ng sex toys ay puwedeng mauwi sa mga impeksyon kung hindi nagagawa ang wastong pag-iingat.
Tandaang gumamit ng bagong condom o dental dam sa bawat gagawing oral at anal sex. Dapat ding linisin nang mabuti ang anumang sex toys bago gamitin.
2. Maling Paggamit Ng Condom
Maraming tao ang naniniwala na kapag gumamit ka ng condom (internal man o external), mapoproteksyunan ka nito mula sa sexually-transmitted infections (STI) at sa hindi planadong pagbubuntis. Gayunpaman, kahit ang pinakamapagkakatiwalaang condom ay puwedeng mabutas o masira kung hindi nagamit nang tama o naitago nang maayos. Dahil dito, hindi ka nagiging ligtas at ang iyong partner sa mga impeksyon at/o hindi planadong pagbubuntis.
Kung nagamit nang tama, 98% na epektibo ang condom sa pag-iwas sa hindi planadong pagbubuntis. Gayunpaman, hindi lahat ng tao ay maingat sa paggamit nito tuwing nakikipagtalik. Kaya’t ibig sabihin, sa tunay na nangyayari, nagiging 85% lamang na epektibo ang condom. Kaya naman pinapayuhan ng mga eksperto ang heterosexual couples (relasyon sa pagitan ng babae at lalaki) na magkaroon pa ng pangalawang anyo ng birth control, gaya ng pills o IUD, kasabay ng condom.
Gaya ng nabanggit, pinoprotektahan ka lang ng condom mula sa mga sakit gaya ng herpes at HPV kung ang apektadong lugar ng sakit na ito ay lubos na nababalutan. Gayunpaman, epektibo ang mga ito sa pag-iwas sa mga sakit na nangangailangan ng palitan ng genital fluids.
Upang maiwasan ang hindi safe na sex, kailangan palagi ng tamang paggamit ng condom mula simula hanggang sa matapos kayong magtalik.
Makatutulong ang mga sumusunod na paalala:
- Sundin nang buong ingat ang manufacturer’s instructions at tingnan ang petsa ng expiration (oo, na-e-expire ang condom).
- Huwag maglagay ng condom sa wallet, dahil nakasisira ng condom ang friction at init.
- Para sa internal condoms o female condoms, tiyaking gawa ito sa latex o polyurethane.
- Kung nasira ang condom habang nakikipagtalik, huminto muna at maglagay ng bago.
- Gumamit ng bagong condom sa bawat oral, viginal at anal sex sa buong sexual engagement.
- Huwag ulitin ang paggamit ng parehong condom dahil hindi na ito epektibong proteksyon para sa iyo at sa iyong partner.
- Huwag gamitin nang sabay ang external at internal condoms dahil maaaring makabutas ng condom ang friction.
- Gumamit lamang ng water-based lubricant para sa condom. Huwag gumamit ng petroleum jelly o langis dahil maaaring makabutas ito sa condom.
3. Pagdepende Nang Sobra Sa “Pull-Out Method”
Maraming teens at young adults ang naniniwala na ang pagtanggal o paghugot ng titi palabas sa ari ng babae bago ito labasan ay epektibong paraan upang maiwasan ang unwanted pregnancy at STIs. Gayunpaman, binigyang diin ng mga eksperto na isa itong high-risk sexual behavior. Ang dahilan kung bakit isa sa pinaka-unsafe sex na gawain ang pull-out method ay:
- Mahirap itong hugutin sa tamang oras. Kailangang tanggalin ng lalaki ang kanyang ari bago niya marating ang rurok ng sarap. Dahil dito, marami ang nagpaplanong hugutin ang kanilang ari ngunit hindi nagagawa kapag nandoon na sila sa mainit na sandali.
- Posible ang premature ejaculation. Nangyayari ang premature ejaculation kapag nilabasan na ang lalaki bago pa man lang niya malamang nangyari ito.
- Ang pre-ejaculate o “precum” ay hindi risk free. Ito ay kayang maglipat ng bacteria at viruses na sanhi ng STDs gaya ng syphilis, chlamydia, at HIV. Ang ari ng lalaki ay puwedeng maglabas ng kaunting semen sa precum na nagpapataas ng tsansa ng unwanted pregnancy tuwing may hindi safe na sex.
4. Hindi Pagpapabakuna
Isa sa mga nakasosorpresang unsafe sex practices ang pakikipagtalik nang hindi pa nagpapabakuna laban sa STIs. Bagaman wala pang bakuna na puwedeng prumotekta sa iyo laban sa lahat ng sexually transmitted diseases, may ilang mga bakuna na ligtas at epektibo upang labanan ang Hepatitis A, Hepatitis B, at HPV infections.
Nagdudulot ang Hepatitis A at B ng pamamaga ng atay at maaaring magbunga ng mga sintomas gaya ng abdominal pain, nausea, pagsusuka, kawalan ng ganang kumain, kapaguran, at lagnat. Kung hindi magagamot, napatataas nito ang panganib sa tao na magkaroon ng liver scarring (cirrhosis). Ang HPV, sa kabilang banda, ang nangungunang sanhi ng cervical cancer sa kababaihan na naiuugnay sa genital warts.
Makipag-ugnayan sa inyong doktor tungkol sa mga sumusunod:
- HPV vaccine. Ang mga pre-teens edad 9-12 taon ay puwede nang magsimula sa pagpapabakuna ng HPV. Kung hindi mo ito nakuha sa panahong iyan, puwede kang magpabakuna sa edad na 13-26.
- Magpaturok ng Hepatitis A at B na bakuna. Karamihan sa atin ay nagpabakuna ng Hepatitis A at B noong tayo ay mga sanggol pa lamang. Ngunit kung hindi ka pa nagpapabakuna nito, kumonsulta sa doktor. May mga kombinasyon ng Hepatitis A at B na bakunang ibinibigay nang 3 doses sa loob ng anim na buwan.
5. Hindi Kinikilala Nang Lubos Ang Iyong Partner
Isa pa sa nasa listahan ng hindi safe na sex ang kakulangan sa kamalayan tungkol sa nakaraan ng iyong partner pagdating sa pakikipagtalik. Dapat kayong maging tapat pareho ng iyong partner pagdating sa ilang usapin na maaaring magdala sa inyo sa kapahamakan gaya ng:
- Nakaraan at kasalukuyang karanasan sa pakikipagtalik gaya ng pagkakaroon ng multiple partners at pagpasok sa hindi protektadong pakikipagtalik
- Kondisyong pangkalusugan (ikaw ba o ang iyong partner ay may STIs?)
- Recreational habits kasama na ang pag-inom ng alak at/o pag-abuso sa droga
Maikukunsiderang high risk sexual behavior o mataas ang panganib ng pagkakaroon ng higit sa isang sexual partners dahil napatataas nito ang tsansang makakuha ka ng STIs. Dagdag pa, ang pag-inom ng alak at pagdodroga bago makipagtalik ay nakababawas ng iyong kakayahang gumawa ng tamang sexual decisions.
Ang pagbabahagi ng mga impormasyong ito ay makatutulong sa iyo at sa iyong partner na makagawa ng tamang desisyon tungkol sa uri ng sexual activity na nais ninyong gawin at ang mga pag-iingat na pareho ninyong dapat sundin.
Ano Ang Dapat Kong Gawin Kung Nagkaroon Ako Ng Hindi Safe Na Sex?
Kung alam mo man o hindi na nakipagtalik ka nang hindi ligtas, tandaan ang mga sumusunod:
- Huwag gumamit ng douche, dahil hindi nito naaalis ang impeksyon at maaari pang makairita ng puki at makapagpataas ng panganib ng STIs.
- Magpa-test ka at ang iyong partner para sa STIs.
- Kumonsulta sa doktor kung nakararanas ka ng mga hindi maipaliwanag na sintomas sa iyong ari.
Mahalagang Dapat Mong Tandaan
Mas enjoyable ang sex kung ito ay ligtas at ginawa kasama ng taong pinagkakatiwalaan mo. Iyan ang dahilan kung bakit hindi mo kailangang mag-alala sa mga unwanted outcomes gaya ng STIs o pagkabuntis. Huwag papayag at manindigan kapag pinilit ka ng partner mong gawin ang hindi safe na sex. Tandaang ang pinakamabisang solusyon sa kahit anong health-related problems ay prevention.
[embed-health-tool-bmr]
Matuto pa tungkol sa Sekswal na Kalusugan dito.