Ang HIV ay isang virus na sumisira sa immune system. Kung hindi magagamot, ang impeksyon sa HIV ay maaaring maging AIDS (acquired immunodeficiency syndrome), isang kondisyon kung saan ang immune system ay masyadong mahina upang labanan ang sakit at impeksyon. Walang kilalang lunas para sa AIDS. Habang ang mga may AIDS ay may life expectancy na tatlong taon, ang mga may impeksyon sa HIV ay maaaring mabuhay ng mahaba, malusog na may wastong gamot sa HIV. Ang paggamot na ito ay kasalukuyang nasa anyo ng antiretroviral therapy (ART).
Kasama sa karaniwang antiretroviral therapy (ART) ang kombinasyon ng mga antiretroviral (ARV) na gamot. Ito ay upang sugpuin ang virus at pigilan ang pag-progress ng sakit na HIV. Inirerekomenda ng mga doktor ang ART para sa lahat ng taong may HIV sa lalong madaling panahon pagkatapos ng diagnosis anuman ang bilang ng CD4 cell.
Paano Gumagana ang Treatment sa HIV
Sinisira ng HIV ang CD4 cells sa immune system. Sa mas kaunting CD4 cells, hindi gaanong kayang labanan ng katawan ang impeksyon, gayundin ang HIV-related cancers.
Pinipigilan ng gamot sa HIV ang pagdami ng HIV, at nangangahulugan ito na mas kaunti ang HIV sa katawan. (Ang dami ng HIV sa katawan ay tinatawag na viral load.) Ang ganitong uri ng treatment o gamot sa HIV ay kapaki-pakinabang sa dalawang paraan:
- Sa mas kaunting HIV sa katawan, ang immune system ay nakaka-recover at nakakagawa ng mas maraming CD4 cells. Kahit na may HIV, ang katawan ay sapat na malakas upang labanan ang impeksyon at sakit.
- Dahil sa mas maliit na viral load, mas mababa din ang risk of transmission sa ibang tao.
Binabawasan ng ART ang Transmission Rate
Ang ART ay hindi isang lunas, ngunit salamat sa mga gamot sa HIV, humihinto ang pagdami ng HIV. Binabawasan ng mga antiviral na gamot na ito ang dami ng HIV sa iyong katawan. At bilang resulta, binabawasan ng ART ang load ng virus at makabuluhang bumababa ang HIV transmission rate.
Ang HIV ay nakukuha sa pamamagitan ng mga fluid sa katawan — dugo, semilya,vaginal at rectal fluids, at gatas ng ina. Maaari itong kumalat sa pamamagitan ng vaginal o anal sex, sharing ng needles o kagamitan sa tattoo, pagpapasuso, o sa pagbubuntis (mula sa ina hanggang sa anak). Gayunpaman kung ang viral load ng isang tao ay mananatiling sapat na mababa para ito ay masabing “undetectable”, halos imposibleng maipasa ang HIV sa ibang tao. Bukod dito, ang ART ay hindi lamang nagliligtas ng mga indibidwal na buhay. Ngunit aktwal din itong nagpapababa ng sama-samang viral load ng mga komunidad. Sobrang binabawasan nito ang rate of HIV transmission.
Tinutulungan ng ART ang Mga Taong may HIV na Manatiling Malusog
Bukod sa mas mababang risk of transmission, ang pagkakaroon ng mas kaunting HIV (mababang level ng virus sa dugo) sa iyong katawan ay tumutulong sa iyong immune system na i-repair ang sarili nito. Sa pamamagitan ng paggawa ng mas maraming CD4 cells ( ang pag-reconstitute ng immune system sa normal o malapit sa normal na antas ng CD4 cell), muli na namang naitaboy ng immune system ang maraming uri ng mga impeksyon at cancer. Bagama’t mayroon pa ring HIV sa katawan, ang immune system ay may sapat pa ring lakas para labanan ang mga sakit.
Inirerekomenda ang ART para sa lahat ng taong lumalaban sa HIV. Ito ay kahit na gaano katagal na mayroon silang HIV at ang kalagayan ng kanilang kalusugan. Kung hindi magagamot, aatakehin ng HIV ang immune system at sa huli ay magiging AIDS.
Mga Uri ng Antiretroviral Medication
Ang mga pangunahing uri ng mga antiretroviral na gamot sa HIV ay kinabibilangan ng:
- Nucleoside reverse transcriptase inhibitors (NRTIs) gaya ng zidovudine (Retrovir), abacavir (Ziagen), at emtricitabine (Emtriva). Pinipigilan ng mga inhibitor na ito ang isa sa mga enzyme na kailangan ng HIV upang kopyahin ang sarili nito sa isang cell.
- Non-nucleoside reverse transcriptase inhibitors (NNRTIs) gaya ng efavirenz (Sustiva), etravirine (Intelence), at nevirapine (Viramune). Tina-target ng mga ito ang parehong enzyme gaya ng mga NRTI, ngunit may ibang chemical structure.
- Protease inhibitors (PIs) tulad ng atazanavir (Reyataz), ritonavir (Norvir), at tipranavir (Aptivus). Pinipigilan nito ang produksyon ng isa sa component ng HIV.
- Entry inhibitors, na humaharang sa pagpasok ng HIV sa CD4 cells. Kasama sa ganitong uri ng gamot ang dalawang maliit na dibisyon. Ang una ay ang mga antagonist ng CCR5 (tinatawag ding mga entry inhibitor), gaya ng maraviroc (Selzentry). Hinaharang ng mga inhibitor na ito ang CCR5, isang receptor protein sa ibabaw ng CD4 cells (immune system cells) na pinagbibigkisan ng virus upang makapasok sa cell. Ang pangalawa ay ang fusion inhibitors. Ito ay tulad ng enfuvirtide (Fuzeon), na humaharang din sa kakayahan ng HIV na makapasok sa CD4 cells.
- Integrase inhibitors tulad ng dolutegravir (Tivicay), elvitegravir (Vitekta), at raltegravir (Isentress). Pinipigilan ng mga ito ang HIV magpasok ng viral DNA nito sa mga host cell.
Ang mga antiretroviral (ARV) na gamot na ito ay nagpapababa ng viral load, ang bilang ng mga virus sa iyong blood stream. Karaniwan na ang antiretroviral therapy (ART) ay binubuo ng kumbinasyon ng hindi bababa sa tatlong gamot na antiretroviral (ARV). Ito ay upang sugpuin ang virus at pigilan ang pag-progress ng sakit na HIV. Ang mga taong may “undetectable” na viral load ay mananatiling malusog at mas matagal mabubuhay. Bukod dito, mas mababa ang posibilidad na sila ay mag-transmit ng HIV infection sa iba. Ang kahalagahan ng pag-inom ng gamot sa HIV ay hindi maaaring ma-overemphasized. Salamat sa gamot sa HIV, ang mga nagdurusa nito ay maaaring mabuhay nang mahaba at malusog.