backup og meta

Epekto Ng HIV Sa Katawan, Anu-Ano Nga Ba?

Epekto Ng HIV Sa Katawan, Anu-Ano Nga Ba?

Naging mainit na usapin na naman ang salitang “pandemic” dahil sa kasalukuyang viral outbreak na lumalaganap ngayon sa buong mundo. Ngunit hindi napagtatanto ng maraming tao na ang mundo ay nasa ilalim na ng isa sa pinakanakamamatay na pandemya sa kasaysayan. At ito ang HIV/AIDS pandemic. Ano ang epekto ng HIV sa katawan? Alamin yan at ang marami pang kaalaman tungkol sa HIV/AIDS transmission, at treatment.

Natuklasan ang HIV/AIDS noong 1980s. Sa ngayon, 30 milyon na ang namatay sa buong mundo nang dahil sa AIDS. Ito ang dahilan kung bakit itinuring ang AIDS na isa sa pinakanakamamatay na sakit ng mga tao. Sa ilang bahagi ng mundo, patuloy pa rin itong nakahahawa ng mga tao. Ano ang pinagkaiba ng HIV at AIDS? Ano ang epekto ng HIV sa katawan? At paano ito nakamamatay?

Ano Ang HIV At AIDS?

Ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) ay isang uri ng virus na nakaaapekto sa immune system. Ang Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) ay terminong ibinibigay sa isang kondisyon kung saan ang impeksyong sanhi ng HIV ay nasa pinaka-advance nang anyo nito.

May tatlong stages ang impeksyong dulot ng HIV:

  • Acute HIV. Nakararanas ng flu-like conditions ang isang pasyente. Maaaring mangyari ito sa loob ng ilang araw o ilang linggo ng pagkakahawa.
  • Asymptomatic stage. Kilala rin ito bilang chronic HIV. Maaaring may kaunti o walang sintomas habang nasa stage na ito na tumatagal ng ilang taon.
  • AIDS. Technically, isa itong kondisyon kung saan ang CD4 cells ay bumaba na ng 200 cells per mm3.

Epekto Ng HIV Sa Katawan: Paano Naaapektuhan Ang Kalusugan Ng Tao Nang Hindi Niya Nalalaman?

Minsan, maaaring maging mapanlinlang ang HIV infection. Puwedeng hindi ito magpakita ng mga sintomas sa loob ng ilang taon kahit na hindi ginagamot. Kahit walang ipinapakitang sintomas, maaaring maipasa ang sakit na ito ng taong may HIV. Ito ang paliwanag kung bakit napakaraming tao ang nahawan ng virus sa nakalipas na mga taon.

Paano Naipapasa Ang HIV?

Naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng pagdikit sa body fluids. Kahit na lahat ng body fluids ay puwedeng magdala ng HIV, hindi naman lahat ng ito ay puwedeng maging sanhi ng transmission.

Kailangang magkaroon ng contact ang fluids sa mucous membrane o sa isang damage tissue, o direktang iturok sa ugat (gamit ang karayom o syringe) upang mangyari ang transmission.

Matatagpuan ang mucous membranes sa loob ng rectum, puki, titi, at bibig. Kasama sa tinatawag na body fluids na pwedeng makapagpasa ng HIV ay ang:

  • Dugo
  • Semilya
  • Vaginal secretions
  • Rectal secretions
  • Breast milk

Ang pawis, luha, o laway ay hindi nakapagpapasa ng HIV.

May ilang paraan kung papaano maipapasa ang HIV. Kadalasan itong naipapasa sa pamamagitan ng:

Sexual Contact

Ito ang pinakakilalang paraan ng pagpapasa ng HIV. Maaaring pumasok ang virus sa linings ng puki, titi, rectum, at bibig habang nakikipagtalik o gumagawa ng sexual acts.

Paghihiraman Ng Needles

Isa rin ito sa karaniwang dahilan ng transmission at hawahan. Ang mga drug dependents na gumagamit ng heroin ay karaniwang naghihiraman ng syringes na ginagamit nila sa pagturok ng mga droga sa kanilang katawan. Maaaring makontamina ang ginamit na karayom ng dugo ng taong may HIV. Sinomang tao ang gumamit nito ay maaaring mahawa ng sakit.

Pagkapanganak At Pagpapadede

Ang mga batang ipinanganak ng kanilang ina na may HIV/AIDS at sa mga sanggol na pinasuso sa taong may sakit na ito ay maaari ding mahawa. Tandaan na ang gatas ng ina ay isang halimbawa ng body fluids na nagtataglay ng mataas na bilang ng virus.

Pagsasalin Ng Dugo

Madalang lang ang mga kaso ng hawahan ng HIV sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo dahil sa mas mahigpit na screenings sa mga blood donor. Sa kasong ito, ang mga pasyente ay nahahawahan ng sakit dahil sa kontaminadong dugo.

Epekto Ng HIV Sa Katawan: Initial Stages Ng Impeksyon

Sa oras na makapasok ang virus sa katawan ng tao, nangyayari agad ang impeksyon. Ano ang epekto ng HIV sa katawan?

Gaya ng nabanggit na kanina, maaaring lumabas na ang mga sintomas ng sakit sa loob ng ilang araw o linggo matapos mahawa ng virus. Kahit karaniwan na ang flu-like symptoms sa ganitong yugto, hindi lahat ng tao ay makararanas nito.

Ang mga sintomas ay dulot ng mabilis na pagdami ng virus sa loob ng katawan na magiging sanhi ng matinding pagbagsak ng CD4 cells. Ang CD4 cells ay ang white blood cells na mahalaga sa paglaban sa mga impeksyon.

Bilang reaksyon ng katawan, muling dadami ang CD4 nang hindi umaabot sa pre-infection level.

Dahil sa mataas na presensya ng virus sa loob ng katawan, ang initial stage ng impeksyon ay kapag nakapanghahawa ang tao.

Ano ang epekto ng HIV sa taong walang sintomas? Maaari pa ring makapanghawa ng virus ang tao habang nasa asymptomatic stage kapag ang virus sa katawan ng tao ay bumaba nang kaunti at nag-normalize. Kung hindi gagamutin, maaaring maikalat ng isang tao ang virus at makaapekto sa iba.

Epekto Ng HIV Sa Katawan: Pagkakaroon Ng AIDS

Karaniwan na ang katawan ng tao ay may 500 hanggang 1,600 CD4 cells per mm3. Kapag bumagsak ng mas mababa pa sa 200 cells ang CD4 ng tao per mm3, nangangahulugan ito na may hindi magandang nangyayari.

Ano ang epekto ng HIV sa katawan ng mga taong may iba pang long-term conditions? Ang mga taong nahawahan ng HIV na mayroon ding sakit na tuberculosis at pneumonia ay maaari ding ma-diagnose na may AIDS. Malamang na lumala nang napakabilis ang kanilang kondisyon dahil sa karagdagang impeksyon na nagdudulot ng karagdagang komplikasyon.

Dahil sa pag-atake ng HIV virus sa CD4 cells, hindi magtatagal ay makokompromiso ang immune system ng katawan at hindi na magagawang labanan ang iba pang mga impeksyon. Ang sakit na karaniwang hindi gaanong seryoso ay puwedeng maging nakamamatay para sa pasyenteng may HIV dahil sa paghina ng kanyang immune system.

Gamutan

Sa unang mga araw ng HIV/AIDS pandemic, itinuring na isang death sentence ang pagkakaroon nito. Bagaman dalawa pa lang sa ngayon ang naitalang kaso ng HIV-infected na napagaling, may mga paraan na ngayon ng gamutan na malawakang ginagamit upang makontrol ang mga epekto ng virus. Tinutulungan ng mga gamutang ito ang mga pasyenteng may HIV na mamuhay nang matagal at relatively normal.

Pinabababa ng Antiretroviral therapy (ART) ang dami ng HIV virus sa katawan. Tinutulungan nito ang immune system na gumana nang normal at labanan ang iba pang mga sakit.

Ano ang epekto ng HIV sa katawan? Inaatake ng HIV ang immune system ng isang tao hanggang sa hindi na nito kayang labanan ang impeksyon. Nakapagdulot ng matinding pagdurusa ang virus na ito sa mga tao. Ang magandang balita, nakakuha ng sapat na panahon ang mga siyentipiko upang makagawa ng iba’t ibang gamutan gaya ng antiretroviral therapy para sa mga nahawahan ng virus na ito.

Matuto pa tungkol sa Sekswal na Kaayusan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

HIV, https://www.cdc.gov/hiv/basics/transmission.html, Accessed September 8, 2021

HIV and AIDS, https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/hiv-and-aids, Accessed September 8, 2021

HIV/AIDS Symptoms and Causes, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hiv-aids/symptoms-causes/, Accessed September 8, 2021

HIV & AIDS, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/4251-aids–hiv, Accessed September 8, 2021

Overview – HIV and AIDS, https://www.nhs.uk/conditions/hiv-and-aids/, Accessed September 8, 2021

Kasalukuyang Version

01/24/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Ligtas Ba Ang Withdrawal Method Sa Pagbubuntis At STD?

Antibiotic Para Sa STI: Anu-Ano Ang Karaniwang Nirereseta Ng Doktor?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement