Ang mga bakuna ay isa sa mga pinakamalaking pag-unlad sa medisina. Ang mga ito ang nagbibigay-daan sa atin na mapuksa ang mga sakit. Pero hindi pa rin makuha ang isang bakuna para sa kaso ng human immunodeficiency virus, o HIV.
Pero mukhang may bagong paparating. Kamakailan, ang Moderna, isang pharmaceutical company, ay nag-ulat na ang bakuna nito para sa HIV ay nagsimula na sa mga clinical trial sa tao. Ano nga ba ang ibig sabihin nito para sa mga may HIV? Bakit napakahalaga ng pagkakaroon ng bakuna laban sa HIV?
Nagsimula na sa US ang HIV Vaccine Trials
Nagsimula na ang mga trial ng bakuna sa HIV sa Estados Unidos. Sa ngayon, ang Phase 1 ay may 56 na malulusog, HIV-negative na mga volunteer. Ang mga kalahok ay tinurukan ng immunogen, isang substance na nagtuturo sa B lymphocytes na lumikha ng “broadly neutralizing antibodies,” o bnAbs. Isang uri ng antibody ang bnAbs na maaaring neutralisahin ang maraming variant ng HIV⁶.
Ang bakuna ay magiging isang mRNA-based vaccine, katulad ng bakuna sa COVID-19 ng Moderna. Sa ngayon, ang layunin ng mga trial ay hindi para malaman kung gaano kabisa ang bakuna. Sa halip, ang layunin ay makita kung ligtas ang bakuna at kung ito ay magti-trigger ng immune response sa mga pasyente. Kung ang bakuna ay pumasa sa unang bahaging ito, maaari itong magpatuloy sa phase 2 at phase 3 trials.
Bakit Napakahalaga ng Bakuna sa HIV?
Noong 2020, tinatayang nasa 30 milyon hanggang 45 milyong tao ang nabubuhay na may HIV. At sa parehong taon, tinatayang 480,000 hanggang 1 milyong tao ang namatay mula sa mga komplikasyon na nauugnay sa HIV.
Sa mga tuntunin ng paggamot sa sakit, ang mga siyentipiko ay hindi pa nakakahanap ng lunas. Subalit ang mga pasyenteng sumasailalim sa antiretroviral therapy ay nagpakita ng mga positibong resulta at isang epektibong paraan ng pagpapahinto sa paglala ng sakit.
Ang paggamot sa antiretroviral ay maaari ding magkaroon ng mga side effect, depende sa taong umiinom nito. Ito ay dahil ang paraan ng paggamot na ito ay karaniwang iinom ng tatlong uri ng mga gamot. Bawat isa ay may sariling hanay ng mga posibleng side effect.
Gayunpaman, ang pinakamalaking problema sa ngayon ay kung gaano kamahal ang antiretroviral therapy. Ang paggamot para sa isang taon ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang 12,000 hanggang 15,000 pesos. Kung idaragdag, ang katotohanan na ang mga mahihirap na populasyon ay mas madaling mahawa ng HIV, mangangahulugan ito na ang antiretroviral therapy ay hindi pa rin ang pinakamahusay na solusyon.
Isang napakalaking hakbang tungo sa pagpuksa sa HIV ang pagkakaroon ng bakuna. Makatutulong din ito upang makaiwas sa impeksiyon. Ang pagiging immune sa sakit ay makatutulong bawasan ang mga pagkakataon ng isang outbreak. Magkakaroon ng unti-unting pagbaba ng infection rates ang mga susunod na henerasyon kung ang bakuna sa HIV ay magpapatunay na epektibo.
Bakit Matagal Makabuo ng Bakuna?
Isa sa mga mas karaniwang tanong sa bakuna sa HIV ay: bakit umabot ng ganoon katagal makabuo ng bakuna?
Ang pangunahing dahilan ay ang HIV ay isang komplikadong virus. Ang isang tao ay maaari ding magkaroon ng magkaparehong variant ng virus, HIV-1 at HIV-2, sa kanilang katawan nang sabay. Nangangahulugan na kailangang labanan ng isang bakuna ang mga variant na ito para maging epektibo.
Ang isa pang kadahilanan ay noong unang natuklasan ng mga siyentipiko ang HIV, wala pa tayong teknolohiya at kaalaman na mayroon tayo ngayon. Sa katunayan, kamakailan lamang naging isang manageable na sakit ang HIV. Bago ang antiretroviral therapy, ang pagkakaroon ng HIV ay katulad ng pagkakaroon ng death sentence.
Ngunit sa ngayon, ang pinakamalaking hadlang sa isang epektibong bakuna ay maaaring maging dormant ang HIV. Ito ay nagiging ganap na “hindi nakikita” ng mga immune cell. Nangangahulugan ito na ang virus ay maaaring hindi matukoy ng immune system.
Nawa ang mga trial sa bakuna sa HIV ay magbunga ng mga positibong resulta. Ang isang epektibong bakuna ay maaaring magligtas ng milyun-milyong buhay, at sa kalaunan ay ganap na mapuksa ang HIV.