backup og meta

Test Sa Gonorrhea: Paano Ito Isinasagawa?

Test Sa Gonorrhea: Paano Ito Isinasagawa?

Ang gonorrhea ay lubhang nakahahawang sexually transmitted disease na sanhi ng bacteria na Neisseria gonorrhoeae bacterium. Upang malaman kung mayroon ka na nito, kailangan mong sumailalim sa test sa gonorrhea.

Nahahawahan ng bacteria na ito ang mucous membranes ng reproductive tract. Para sa mga babae, nagdudulot ito ng impeksyon sa cervix, fallopian tubes, urethra, at uterus. Sa mga lalaki naman, apektado ng bacteria na ito ang urethra.

Ang gonorrhea ay maaaring maging sanhi ng bacterial infection na lubhang mapanganib sa buhay ng isang tao at puwede ring magdulot ng pagkabaog sa babae at lalaki.

Test Sa Gonorrhea

Makatutulong ang test sa gonorrhea upang matukoy kung mayroon kang impeksyon. Kadalasan itong ginagawa kasabay ng test sa chlamydia — na isa pang uri ng sexually transmitted disease. Madalas na lumalabas ang dalawang STDs na ito nang magkasabay na may parehong mga sintomas gaya ng abnormal discharge at mahapding pakiramdam kapag umiihi.

Kailan Dapat Kumuha Ng Test Sa Gonorrhea?

Ang mga taong gumagawa ng mga mapanganib na gawain ay inirerekomendang sumailalim sa taunang test sa gonorrhea.

Mga panganib na nagpapataas ng tsansang makakuha ng gonorrhea:

  • Pagkakaroon ng maraming sex partners
  • Pakikipagtalik sa taong may STD
  • Taong dati nang nagkaroon ng gonorrhea infection
  • Hindi palagi at hindi tamang paggamit ng condom

Kailangan ding magpa-test para sa gonorrhea ang mga buntis. Kadalasang kasama sa prenatal testing ang test sa gonorrhea. Maaaring magdulot ng pagkabulag at malubhang impeksyon sa dugo ang gonorrhea kung maipapasa ito sa bagong silang na sanggol.

Mga Sintomas Sa Kababaihan

Kailangang magpa-test sa gonorrhea at sa iba pang STDs ang mga babaeng nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:

  • May masakit na pakiramdam kapag nakikipagtalik
  • Vaginal bleeding bago o pagkatapos ng iyong buwanang dalaw
  • May masakit sa tiyan o sikmura
  • Dumarami ang lumalabas na vaginal discharge
  • Mahapding pakiramdam kapag umiihi

Marami sa mga sintomas na ito ang naipagkakamaling sanhi ng iba pang impeksyon. Ito ang dahilan kung bakit ang gonorrhea para sa mga babae ay hindi agad nagagamot sa loob ng ilang panahon.

Mga Sintomas Sa Kalalakihan

Kailangang magpa-test sa gonorrhea at sa iba pang STDs ang mga lalaking nakararanas ng mga sumusunod na senyales at sintomas:

  • Mahapding pakiramdam tuwing umiihi
  • Abnormal discharge (green, yellow, o white) mula sa dulo ng ari
  • Namamaga o lumalaking bayag (testicles)
  • May nararamdamang masakit sa bayag
  • Namamagang foreskin

Anong Dapat Kong Gawin Bago Magpa-Test Sa Gonorrhea?

Para sa kababaihan, huwag mag-douche o gumamit ng mga vaginal creams sa loob ng 24 oras bago magpa-test. Puwedeng magbigay ng false negative result ang douching at vaginal creams.

Tiyaking maipalam sa iyong health care provider kung ikaw ay nag-du-douche o gumagamit ng anumang vaginal creams bago magpa-test.

Iwasang umihi ng lalaki o babae sa loob ng 1-2 oras bago magpa-test.

Anong Uri Ng Test Sa Gonorrhea Ang Dapat Kong Kunin?

Direct Smear

Gumagamit ang direct smear test ng sample ng bodily fluid na kinuha mula sa bahagi na hinihinalang apektado ng gonorrhea. Kadalasan itong kinukuha sa cervix o urethra.

Habang ginagawa ang procedure sa mga babae, nakahiga ang pasyente habang nakalapat ang kanyang likod sa examination table at ang kanyang mga binti at paa ay nakasabit gamit ang stirrups. Gumagamit ng isang metal o plastic na instrumentong tinatawag na speculum upang dahan-dahang ibuka ang vaginal wall. Kinukuha ang mga sample mula sa cervix sa pamamagitan ng swab na isang maliit na spatula o malambot na brush.

Para sa mga lalaki, ipinapasok ang swab sa loob ng urethra upang makakuha ng sample. Ang urethra ay isang maliit na tubo sa loob ng penis kung saan dumadaloy ang ihi.

Urine Test

Gumagamit ang urine test ng sample ng ihi na ipinapadala sa laboratoryo upang masuri kung may bacteria.

Kailangang makapagbigay ang pasyente ng first catch collection o yung unang lumalabas na ihi. Ito ang kadalasang may dalang bacteria papunta sa lalagyan (cup).

Home Test Kits

Ang home testing ay puwedeng maging option kung nahihirapang magpunta sa laboratoryo o sa doktor. Inirerekomenda lamang ito sa mga pasyenteng naghihinalang may gonorrhea sila o mayroon lamang mild o walang sintomas.

Para sa may malubhang kaso, agad na magpunta sa doktor.

Maling Resulta

Ang incubation period ay ang panahon sa pagitan ng kung kailan ka nahawa ng sakit at sa panahon kung kailan ka nakaranas ng mga senyales at sintomas. Kadalasang nasa 1-5 araw ang incubation period ng gonorrhea. Maaaring makakuha ng negatibong resulta kung masyadong maagang magpa-test. Ang isang lumang impeksyon ay maaari ding magbigay ng false positive result.

Mga Resulta Ng Test Sa Gonorrhea

Kung ang resulta ng iyong test ay negative, ibig sabihin nito ay wala kang gonorrhea. Kumonsulta sa doktor para sa dagdag na tests kung patuloy ka pa ring nakararanas ng mga sintomas nito.

Sa kabilang banda, kung positive ang naging resulta, maaaring magbigay ang iyong doktor ng antibiotic regimen upang gamutin ang impeksyon. Kung hindi bumuti ang iyong kalagayan pagkatapos ng gamutan, maaari kang nahawa ng isang drug resistant Gonorrhea kaya’t kailangan mong sumailalim muli sa panibagong gamutan sa iyong doktor.

Iwasang makipagtalik habang sumasailalim sa gamutan para sa gonorrhea. Kumonsulta muna sa doktor bago gumawa ng anumang sexual activities. Ipaalam sa iyong partner ang positibong resulta ng iyong test sa gonorrhea upang makapagpa-test din sila at makapagpagamot laban sa bacteria.

Key Takeaways

Isang karaniwang sexually transmitted disease ang gonorrhea. Mahalaga ang magpa-test sa gonorrhea para sa diagnosis. Natutukoy ang gonorrhea gamit ang mga sample na direktang nakuha mula sa cervix o urethra, at maging sa mga urine sample.
Ipinapayong magpakuha ng gonorrhea test sa klinika ngunit puwede ring gawin ang test kits sa bahay bilang isa pang option.

Matuto pa tungkol sa Gonorrhea dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Gonorrhea Test, https://medlineplus.gov/lab-tests/gonorrhea-test/#:~:text=If%20you%20are%20a%20man,at%2Dhome%20STD%20test%20kit, Accessed on January 9, 2021

Gonorrhea Test (Urine), https://www.urmc.rochester.edu/encyclopedia/content.aspx?contenttypeid=167&contentid=gonorrhea_urine, Accessed on January 9, 2021

Gonorrhea Test, https://www.healthlinkbc.ca/medical-tests/hw4905#hw4930, Accessed on January 9, 2021

Gonorrhea – CDC Fact Sheet, https://www.cdc.gov/std/gonorrhea/stdfact-gonorrhea.htm#:~:text=Most%20of%20the%20time%2C%20urine,(opening%20to%20the%20womb), Accessed on January 9, 2021

Gonorrhea Testing, https://labtestsonline.org/tests/gonorrhea-testing, Accessed on January 9, 2021

Gonorrhea, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gonorrhea/diagnosis-treatment/drc-20351780, Accessed on January 9, 2021

Should I get tested for gonorrhea?, https://www.plannedparenthood.org/learn/stds-hiv-safer-sex/gonorrhea/should-i-get-tested-gonorrhea, Accessed on January 9, 2021

Chlamydia and gonorrhea testing, https://wa.kaiserpermanente.org/healthAndWellness/index.jhtml?item=%2Fcommon%2FhealthAndWellness%2Fconditions%2Fstd%2Fchlamydia.html, Accessed on January 9, 2021

SPECIMEN COLLECTION PROCEDURES FOR GONORRHEA TESTING, https://dhss.delaware.gov/dhss/dph/lab/gonorrheascp.html, Accessed on January 9, 2021

Kasalukuyang Version

06/10/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Sintomas ng Chlamydia: Lahat ng Dapat Malaman Tungkol sa Sakit na Ito

Ano Ang Dormant Gonorrhea, Paano Ito Naiiwasan, At Ano Ang Gamot Dito?


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement