Ano ang gonorrhea? Ang gonorrhea ay isang nakahahawang sexually transmitted disease (STD) na dulot ng bacteria na neisseria gonorrhoeae. Ito ay naipapasa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng hindi protektadong pakikipagtalik— oral, anal, at/o vaginal.
Neisseria gonorrhoeae, ang organismong nagdudulot ng gonorrhea, nagpapadami sa maiinit at basang bahagi ng katawan gaya ng urethra (ang tubo na naglalabas ng ihi mula sa urinary bladder), mata, lalamunan, ari ng babae, pwet, at sa reproductive tract ng babae, kung saan makikita ang fallopian tubes, cervix, at matres.
Ano ang Gonorrhea, at Paano Ito Maiiwasan?
Ang gonorrhea ay nakahahawa. Naipapasa ito mula sa isang tao patungo sa isa sa pamamagitan ng sekswal na ugnayan. Maaari nilang makuha ang bacterium sa simpleng paghawak sa pagkalalaki, pagkababae, bibig, at/o pwet ng isang taong mayroon nito. Gayundin, hindi na kailangang mag-ejaculate ng isang lalaki para makahawa.
Ang mga babae namang may ganitong kalagayan ay naipapasa ang gonorrhea sa kanilang anak sa pamamagitan ng vaginal delivery. Pero ang mga sanggol na isinilang sa pamamagitan ng Cesarian section ay may mas mababang tyansa ng pagkahawa nito.
Hindi mahahawa ang isa ng gonorrhea sa pamamagitan lamang ng paghawak ng inupuang inidoro o damit ng isang taong mayroon nito. Gaya ng karamihan sa mga germs, ang gonorrhea ay hindi nabubuhay nang matagal sa labas ng katawan ng isang taong mayroon nito.
Ano-ano ang mga Sintomas ng Gonorrhea?
May iba’t ibang mga sintomas ang gonorrhea. Ang karaniwan sa mga ito ay ang sumusunod.
Ang gonorrhea ay nagdudulot ng sumusunod na sintomas sa mga kalalakihan:
- Sobrang init na sensasyon habang umiihi
- Masakit at namamagang testicles
- Mamuti-muti, manilaw-nilaw, at maberde-berdeng likidong lumalabas mula sa penis
Ang gonorrhea ay nagdudulot ng sumusunod na sintomas sa mga kababaihan:
Kadalasan na hindi nagpapakita ng sintomas ang gonorrhea. Kung mayroon man, ang mga senyales ay hindi malala, ay kinasasangkutan ng:
- Sobrang init na sensasyon o pananakit habang umiihi
- Pagdurugo kahit hindi naman panahon buwanang dalaw
- Sobrang paglalabas ng likido ng pagkababae
- Matinding pananakit sa ibabang bahagi ng tyan
- Pagkaramdam ng sakit habang nakikipagtalik
- Spotting o mas matinding buwanang dalaw
- Namamagang lalamunan
- Lagnat
Kung mayroon kang mga sintomas, kumunsulta sa iyong doktor.
Ang gonorrhea ay nagdudulot ng mga sintomas sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Halimbawa, ang gonorrhea sa rectum ay maaaring magdulot ng sumusunod:
- Pagdurugo
- Paglalabas ng Likido
- Pangangati
- Pagkaramdam ng Pananakit habang Dumudumi
- Pagkadama ng Pamamaga
Ano-ano ang Ilang mga Komplikasyong Dulot ng Gonorrhea?
Ang gonorrhea ay maaaring magdulot ng mga mas seryosong kondisyon kapag hindi nagamot.
Ang hindi nagamot na gonorrhea ay nagdudulot ng:
- Mas mataas na banta ng HIV infection
- Impeksyon sa ibang bahagi ng katawan gaya ng balat o kasukasuan
- Pagkabaog
- Pelvic Inflammatory Disease, na maaaring magdulot ng pangmatagalang pananakit sa pelvis, ectopic na pagbubuntis, at pagkabaog sa mga kababaihan
- Sa mga nagdadalantao, pagkalaglag ng dinadala, premature labor at pagluluwal sa mga sanggol na may conjunctivitis
- Pagkagasgas ng urethra, masakit na impeksyon sa testicles at prostate gland, na nagdudulot ng mas mababang fertility sa mga kalalakihan
Paano Ginagamot ang Gonorrhea?
Ang doktor ay maaaring magkumpirma kung ang isang pasyente ay mayroong gonorrhea. Ang maagang paggagamot ay mahalaga para maiwasan ang mga mas malalang komplikasyon na maaaring makaapekto sa iba pang mga organ sa katawan.
Ang mga sanggol na ipinanganak na may ganitong sakit, o ang mga sanggol na may mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng gonorrhea dahil may impeksyon ang kanilang ina, ay dapat na uminom ng antibiotics pagkapanganak.
Ang mga mas matatanda na nag-positibo sa gonorrhea ay maaaring mangailangan ng antibiotic injection, Ceftriaxone, o isang dosis ng Azithromycin sa pamamagitan ng bibig.
Dapat ding isaalang-alang na ang ilang strain ng bacteria na nagdudulot ng gonorrhea ay resistant sa antibiotics. Gaya ng sa anumang antibiotic treatment therapy, mahalaga na matapos ang kabuoan ng paggagamot para makuha ang kabuoang benepisyo ng gamot.
Ang kabiguan na matapos ang buong panahon ng paggagamot ay maaaring magdulot ng antibiotic resistance sa pasyente. Mahalaga rin na bumalik sa iyong doktor, dalawang linggo pagkatapos ng paggagamot para sa isang follow up check-up para makasiguro na ikaw ay tuluyan nang gumaling. Tsaka ka pa lamang maaaring manumbalik sa anumang sekswal na aktibidad.
Paano Maiiwasan ang Gonorrhea?
Para maprotektahan ang iyong reproductive health, hinihikayat na ikaw ay palagiang magpa-test para sa STDs at iba pang kaugnay na karamdaman. Kumunsulta sa iyong doktor ukol sa kung anong mga tests ang kailangan mong kunin.
Para mabawasan ang banta ng pagkahawa ng gonorrhea, maaari mong gawin ang sumusunod:
- Magsagawa ng sexual abstinence, lalo na kung ang iyong kapareha ay may mga sintomas ng sakit
- Gumamit ng wastong proteksyon gaya ng condom kapag nagtatalik
- Palagiang magpa-test para sa STDs
Ang gonorrhea ay maaaring makaapekto sa kahit na sino, ngunit ang iba ay may mas mataas na tyansa na magkaroon nito.
Sino-sino ang mga may mataas na tyansa ng pagkakaroon ng gonorrhea:
- Mga Kabataan
- Mga Taong Nagsasagawa ng Sekswal na Aktibidad kasama ang Bagong Kapareha
- Mga Nasasangkot sa Pakikipagtalik sa mga Kaparehang Nakikipagtalik sa Iba
- Mga Maraming Kapareha sa Pakikipagtalik
- Mga Dati nang Nagkaroon ng Gonorrhea
- Mga Taong may Ibang Uri ng STDs
- Pang-aabuso sa Alak o Droga, lalo na ang mga nagdodroga sa intravenous na paraan
Kung pinaghihinalaan mong nahawa ka ng STD na ito, kumunsulta sa iyong doktor.
Mariing hinihikayat ang pagte-test kung:
- Ang tao o ang kanyang kapareha ay nagpapakita ng sintomas ng sakit.
- Ang isang tao ay nagkaroon ng hindi protektadong sekswal na ugnayan sa isang bagong kakilala.
- Ang iyong sekswal na kapareha ay umaming mayroon siyang STD.
- Mula sa pagsusuri, ipinaalam ng nars o doktor na ang iyong cervix ay namamaga, o nakakita siya ng lumalabas na likido.
- Ikaw ay isang nagdadalantao o nagbabalak na magkaroon ng anak. Maaaring imungkahi ang pagte-test para maiwasan na mahawa ang sanggol ng iyong sakit.
Ang mga propesyunal sa kalusugan ay may responsibilidad na iulat ang mga kaso ng gonorrhea sa pinakamalapit na pampublikong departamentong pangkalusugan sa pinakamabilis na panahon. Mula rito, ang mga government health officials ay makipag-ugnayan para i-test, lapatan ng lunas, at agapan ang pagkalat ng sakit sa komunidad. Makikipag-ugnayan din sila sa mga taong nakasalamuha ng taong may sakit para maagapan ang hawaan.
Pagbisita sa Doktor
Kung mayroon kang gonorrhea, pumunta sa iyong doktor nang minsanan. Maging tapat sa iyong kondisyon at sexual history para makapagmungkahi ang doktor ng pinakamainam na posibleng paraan ng panggagamot at masuri ang pagkalat ng sakit.
Hayaan mo ang iyong doktor na malaman ang:
- Iyong mga sintomas nang detalyado
- Iyong kumpletong sexual history
- Mga paraan upang makaugnay sa iyong mga dating sekswal na kapareha. Ang doktor at ang medical health team ay makikipag-ugnayan sa iyong mga naging kapareha ngunit pananatilihin kumpidensyal ang iyong pagkakakilanlan.
Ano ang mga datos sa kaso ng gonorrhea?
Ang kaso ng gonorrhea ay patuloy na tumataas. Pumalo ito bilang pangalawa sa pinaka-naiuulat na sakit sa Estados Unidos, kung saan ang mga kaso ng gonorrhea ay tumaas ng 5% sa pagitan ng 2017 at 2018, na may kabuoang bilang na 580,000 na mga kaso.
Ang mga pigura mula 2018 ay nagpapakita na:
- Ang mga nagdadalaga at nagbibinata at ang mga batang adulto sa Estados Unidos ang may pinakamaraming bilang ng naiulat na kaso. Ang pinakamataas na insidente ay natukoy na sa pagitan ng 20-24 taong gulang na kababaihan, na sinundan ng mga nasa edad 15-19.
- Ang mga kalalakihang nasa edad 20-24, sa kabilang banda, ay iniulat na pinaka-infected, na sinundan ng mga nasa grupo na 25-29 ang edad.
Ang gonorrhea ay nagdudulot ng seryosong problema kung hindi magagamot. Ngunit ang sakit ay maaari namang malapatan ng lunas. Sa karamihan ng mga kaso, ang kamalayan at ang maagap na pagtugon ang susi.