Pamilyar na ang mga magulang sa “am” o rice water, pati na rin ang mga gamit ng am para sa baby. Ngunit sa ibang lugar, lalo na sa mga probinsya, karaniwan itong ginagamit na pamalit sa breast milk o infant formula milk. Ano ba ang nutrisyon na nakukuha ng mga baby sa am? Alamin dito ang kasagutan.
Ano ang am para sa baby?
Bago natin alamin ang benepisyo ng am para sa baby, alamin muna natin kung ano nga ba ang am.
Ang am ay tubig na nakukuha kapag nagsasaing ng kanin. Kapag nagsaing, ay maaaring salain ang kanin, at ang tubig na nakukuha mula dito ay itinatabi at pinapalamig para inumin ng mga sanggol.
Ang ilang magulang ay binibigay ang am na direkta sa kanilang mga baby, ngunit ang iba naman ay hinahalo ito sa formula milk.
Ngunit ang tanong dito ay ligtas nga ba ang am? Ano ba ang benepisyo ng am para sa baby?
Hindi puwede sa mga sanggol 6 na buwan pababa ang am
Bilang magulang, ang isa sa dapat mong alalahanin ay ang kaligtasan ng iyong anak. Lalo na at nagde-develop pa lamang ang digestive system ng iyong anak, at hindi mo siya dapat bigyan ng kahit anong makakasama dito.
Ang am o rice water naman ay ligtas basta’t maayos at malinis ang pagkahanda dito. Pero kailangan mo ring malaman na posibleng mayroon palang rice allergy ang iyong baby. Mayroon nang ilang pag-aaral na nalamang posibleng maging allergen ang rice water.
Bukod dito, hindi rin basta-basta dapat binibigyan ng am ang mga sanggol.
Ang mga sanggol na 6 na buwang gulang pababa ay maaari lang uminom ng gatas ng ina, o kaya formula milk. Ito ay dahil mas nabubusog agad ang mga sanggol sa am, at baka hindi na sila makainom ng mas masustansyang gatas; bukod dito ay baka hindi kayanin ng kanilang mga tiyan ang am.
Paano ba nagsimula ang pagbibigay ng am?
Nagsimula pa ang pagbibigay ng am noong 1950s kung saan nakaranas ng vitamin B deficiency ang maraming sanggol. Dahil hindi pa noon madaling makabili ng mga supplement, at mataas sa vitamin B ang am, inirekomenda ito ng mga doktor sa mga ina. Bukod dito, ginagamit rin na oral rehydration solution ang am para sa mga nakaranas ng diarrhea.
Kumalat ang mga benepisyo ng am sa mga magulang, at ito marahil ang dahilan kung bakit ginagamit pa rin ito hanggang ngayon.