Marahil ay nakakita ka na ng videos ng mga hindi mapakaling bata sa mga terminal ng bus, kotse, at maging sa airport. Kung minsan, ang pag-iyak at pagsipa ay ang nagiging tugon ng bata sa paghihintay nang matagal. Ayon sa mga eksperto, nangyayari ito dahil hindi pa rin nila kayang kontrolin ang kanilang emosyon. Paano magiging hindi gaanong mahirap ang paghihintay para sa mga bata? Ano ang magagawa ng mga magulang para matulungan ang mga mainipin na bata? Alamin sa artikulong ito.
3-Minutong Test: Paano Matutulungan Ang Mga Mainipin Na Bata?
Hindi angkop na tawagin ang mga bata bilang “mainipin na bata.” Ito ay dahil hindi pa sila emotionally ready na maghintay. Para sa kanila, isang hamon na ang ilang minutong ginugugol ng kanilang mga magulang para makipag-usap sa ibang tao o magpadala ng email.
Kaya naman, sinubukan ng mga mananaliksik na alamin kung paano nila matutulungan ang mga bata na aliwin ang kanilang mga sarili. Kabilang sa pag-aaral na ito ang 96 na mga bata at ang kanilang mga magulang. Ganito ang ginawa sa pananaliksik na ito:
- Sinabihan ng mga mananaliksik ang mga bata na maghintay ng tatlong minuto para sa isang maliit na regalo o kendi.
- Ang kanilang premyo ay kanilang nakikita subalit hindi naaabot.
- Hiniling sa mga magulang ng mga bata na magkaroon ng kaunting pakikilahok hangga’t maaari.
- May dalawang bagay na maaaring gamitin ng mga bata: stacking cups at laruang lawn mower.
Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga bata ay may posibilidad na piliin ang bagay na tumutugma sa kanilang pag-uugali (tulad ng iniulat ng kanilang mga magulang). Kaya naman, ginamit ng mga kalmadong bata ang stacking cups; ginamit naman ng mga mas aktibong bata ang laruang lawn mower. Nang matapos ang tatlong minuto, natanggap ng mga bata ang kanilang premyo.
Maaari Ding Makatulong Kung Ipakikita Mo Ang Dapat Gawin
Sa ikalawang bahagi ng pag-aaral, sinubukang alamin ng mga mananaliksik kung ano ang pinakamahusay na paraan upang matulungan ang mga mainipin na bata na aliwin ang kanilang sarili upang makontrol ang kanilang emosyon.
Hinati ang mga bata sa dalawang grupo: ang isang grupo ng mga bata ay may kasamang isang estranghero na ipakita sa kanila kung paano maglaro habang naghihintay. Sa kabilang banda, ang isa pang grupo ay hindi nakatanggap ng interbensyon.
Sa huli, natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga batang may kasamang estrangherong matanda na naglalaro ay mas naaliw kaysa sa mga batang nasa control group.
Mga Karagdagang Paraan Upang Matulungan Ang Mga Mainipin Na Bata
Kung isasaalang-alang ang mga resulta ng pag-aaral, masasabi nating ang mga sumusunod ay maaaring makatulong sa mga mainipin na bata upang makontrol ang kanilang mga emosyon habang naghihintay:
- Bigyan sila ng mga laruang angkop sa kanilang pag-uugali.
- Magsagawa ng mga nakaeengganyong aktibidad upang panatilihin silang abala habang naghihintay.
Ngunit, ano-ano ang iba pang mga paraang magagawa ng mga magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na manatiling kalmado habang naghihintay?
1. Tulungan silang maisip kung gaano katagal sila dapat maghintay
Una, ipaalam sa iyong anak kung gaano katagal sila maghihintay. Gayunpaman, tandaang ang 5 minuto, 30 minuto, at 1 oras ay karaniwang abstract na mga konsepto para sa kanila. Tulungan silang maramdaman at maisip ito. Marahil, ipakita sa kanila ang isang orasan at ipaalam sa kanila na kailangan nilang maghintay hanggang ang mas malaking kamay ay tumapat sa tiyak na numero.
2. Sanayin ang iyong anak
Inaasahan mo bang maghihintay rin nang matagal ang iyong anak sa hinaharap? Kung gayon, pinakamainam na “sanayin” sa lalong madaling panahon ang mga mainipin na bata.
Sa una, sabihin sa kanilang maghintay ng ilang minuto. Matapos ito ay unti-unting tagalan ang paghihintay sa 10 minuto, 15, 30, at isang oras. Sa ganitong paraan, kung kinakailangan nilang maghintay nang matagal, magiging pamilyar na sila sa konsepto ng paghihintay.
3. Maging handa
Mahalaga ang pagtatakda ng kanilang mga inaasahan, ngunit gayon din ang pagiging handa. Para sa mga mainipin na bata, magdala ng mga laruan, activity kit, o merienda. Tandaang ang pagkagutom ay maaaring maging dahilan upang sila ay maging mas iritable.
4. Unawain ang iyong anak
Muli, mahalagang tandaang ang mga bata ay hindi naiinis nang sinasadya. Hindi lamang nila makontrol nang maayos ang kanilang mga emosyon sa edad na ito. Kaya, unawain sila at ang kanilang mga nararamdaman. Sabihin sa kanila na okay lang na malungkot o madismaya dahil kailangan nilang maghintay. Turuan silang tukuyin ang kanilang nararamdaman at ipahayag ito sa pamamagitan ng mga salita.
5. Manatiling totoo at purihin sila
Kung sinabi mong kailangan nilang maghintay ng 30 minuto, subukang tuparin ang iyong sinabi. Kung kinakailangan pang maghintay, ipaalam ito sa kanila at kung bakit kailangan nila itong gawin (muli, maging tiyak).
Sa huli, purihin sila dahil sa kanilangpaghihintay. Ito ay mag-uudyok sa kanila na ipagpatuloy ang kanilang mabuting pag-uugali sa paghihintay.
Key Takeaways
Paano matutulungan ang mainipin na bata? Itakda ang kanilang mga inaasahan, tulungan silang maramdaman at maisip kung gaano katagal sila maghihintay, maging handa, unawain ang kanilang nararamdaman, at purihin sila. Nakatutulong din ang kaunting pagsasanay.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.