Ang suicidal na anak ay may warning signs na dapat na makita agad ng mga magulang para maiwasan ang suicide sa mga teenager. Ito ay dahil number 1 silent killer ang suicide bago pa man dumating ang pandemya, at patuloy itong nagiging major public health concern. Bagama’t hindi ito sakit, ang suicide ay isa sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa buong mundo. Sa bawat 40 segundo ay may namamatay dahil sa suicide. Kung saan sa bawat pagkamatay, may 20 pang katao pa ang nag-aattempt na mag-suicide.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ikatlo sa nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga nasa edad 15 hanggang 24 ang suicide. Sa madaling sabi, maraming kabataan ang biktima ng suicide, pero maaari pa rin itong maiwasan kung mabibigyang lamang ng pansin ng mga magulang ang mga sign ng suicidal na anak.
Para mas matulungan ng mga magulang ang kanilang suicidal na anak, narito ang mga mahahalagang impormasyon na dapat mong malaman.
Ano ang suicide?
Ang suicide ay ang pananakit sa sarili na may layuning wakasan ang kanilang buhay. Samantala, ang suicide attempt naman ay ang pagtatangkang pagpapakamatay, subalit hindi sila namatay.
Dagdag pa rito, ang teenager na namatay dahil sa suicide sa anumang dahilan ay nakapipinsala sa mga kakilala, kaibigan, pamilya at maging sa komunidad–sapagkat maaaring makapag-isip at makapagtanong sila sa kanilang mga sarili. Ito ay kung may nagawa ba sila para pigilan ang pagpapakamatay nila.
Mga dahilan para maging Suicidal ang isang Teenager
Isa sa siguradong tanong ng mga magulang ay kung ano ang dahilan ng pagiging suicidal ng anak. Ang pag-alam sa maaaring sanhi kung bakit nagpapakamatay ang isang teenager ay malaking tulong sa suicidal na anak.
Narito ang mga dahilan na dapat tandaan ng mga magulang:
- Teenagers na may history ng suicide attempt
- Kabataang may family history ng suicide
- Teenagers na may depresyon o iba pang mental disorder dahil may mataas na risk sila na mag karoon ng suicidal thoughts
- Mga kabataang nakararanas ng malaking pagbabago sa kanilang buhay tulad ng paghihiwalay ng mga magulang at financial changes
- Pagkaka-expose sa karahasan sa pamilya, kabilang ang sekswal at pisikal na pang-aabuso
- Ang direct at indirect exposure sa suicidal behaviour ng miyembre ng pamilya, kaibigan, kakilala, ka-edad at celebrity.
- Kamakailan na paglabas sa bilangguan
- Chronic pain
Ang risk ng suicide ay tumataas pa nang husto kapag ang teenagers ay may access sa mga baril sa bahay. Lumalabas nasa halos 60% ng lahat ng mga nag-suicide sa Estados Unidos ay ginawa gamit ang baril, kung saan ito ang naging dahilan kung bakit ang anumang baril sa’yong tahanan ay dapat na idiskarga, i-lock, at panatilihing hindi makukuha ng kabataan, ng teenagers.
Ano pa ang ibang maaaring risk sa suicide?
Ang sobrang paggamit ng over-the-counter, prescription, at non-prescription medicine ay isa ring common risk para sa pagsu-suicide. Kaya naman sobrang napakahalaga na maging maingat ang mga magulang sa pagsubaybay sa lahat ng mga gamot sa tahanan. Dapat rin na maging aware sila na ang mga teenager ay maaaring “maki-pagtrade” o palitan ng iba’t ibang prescription medicines sa paaralan.
Bukod pa rito, ang stressful life events tulad ng pagkamatay ng mahal sa buhay at interpersonal na stressors gaya ng harassment, bullying, diskriminasyon, at problema sa relasyon ay maaari rin maging dahilan ng pagiging suicidal na anak.
Ayon rin sa mga datos lumalabas na ang rate ng suicide ay naiiba sa pagitan ng mga babae at lalake. Kung saan batay na rin sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), makikita na mas madalas mag-attempt ng suicide ang babae kaysa sa mga suicidal na anak na lalake. Ngunit mas malaki ang chance ng mga lalake ang mamatay dahil sa suicide. Sapagkat ang mga babae ay madalas na mag-suicide sa paglalason sa sarili, tulad ng pag-overdose gamit ang gamot at paghihiwa sa sariling katawan. Habang ang suicidal na anak na lalake ay gumagamit ng lethal methods tulad ng pagbibigti.
Mahalagang tandaan ito ng mga magulang. Ito ay para mabigyan agad ng kaukulang atensyon at patnubay ang kanilang mga anak at maiwasan ang suicide ng mga teenager.
Ano ang mga warning signs ng suicide ng mga teenager?
Mahalaga na malaman ng mga magulang ang warning signs ng mga suicidal na anak, upang maagapan ito at mabigyan ng tulong ang mga teenagers.
Narito ang mga warning signs ng suicide na dapat tandaan ng mga magulang:
- Pagsasabi na gusto na nilang mamatay at patayin ang sarili
- Kawalan ng pag-asa at walang anumang dahilan para mabuhay pa
- Hindi mga makayanang emosyon at physical pain
- Pag-iisip nang madalas tungkol sa kamatayan
- Pagpapamigay ng mga mahahalagang kagamitan
- Pamamaalam sa mga kaibigan at pamilya
- Pagkukuwento na sila ay pabigat sa iba
- Paglayo ng sarili sa kaibigan at pamilya
- Pag-take ng risks na maaaaring mag-lead sa kamatayan, tulad ng pagmamaneho ng mabilis
- Pagsasabi ng pakiramdam nila na na-trap sila at walang solusyon sa problema
- Pagbibigay ng hint na mawawala na sila sa paligid
- Pagsulat ng kanta, tula o sulat na tungkol sa kamatayan, pagkawala at paghihiwalay
- Pagkawala ng interes sa mga paboritong gawain at bagay
- Nagkakaroon ng problema sa pagpopokus at pag-iisip ng malinaw
- Pagbabago sa eating at sleeping habits
- Pagpapakita ng extreme mood swings
- Pagiging anxious o agitated
- Pagpapakita ng galit at pagkukuwento tungkol sa paghihiganti
Dapat din tandaan ng mga magulang na ang pagtatanong sa mga anak na teenager tungkol sa suicidal thoughts ay hindi nagpapataas ng risk ng kanilang pagsu-suicide. Dahil lumalabas sa mga pag-aaral na ang pagtatanong ng, “iniisip mo ba na magpakamatay?” ay isa sa best way para ma-identify ang isang teenager kung may risk sa suicide.
Ano ang treatment at therapies sa mga suicidal na anak?
Madalas ang mga teenager na namatay sa suicide o nag-attempt mag-suicide ay nagpapakita ng mga warning signs, kaya’t napakahalaga sa mga magulang na malaman ang mga warning signs na ito. Hindi man ito laging mababantayan, maganda pa ring ideya na maging informed at tulungan ang suicidal na anak.
Maaaring sabihin ng ibang tao na sinasaktan lamang ng mga teenager ang kanilang sarili para sa atensyon. Ngunit napakahalaga na ma-realize mo na kung ‘di papansinin ang mga kabataang ito na naghahanap ng atensyon, lalaki ang posibilidad na lalo pa nilang saktan ang kanilang sarili.
Narito ang mga treatment option at therapies na maaaring ibigay ng mga magulang sa suicidal na anak, batay sa magiging advise ng doktor.
Dialectical Behavior Theraphy (DBT)
Ito ay klase ng psychotherapy na nagpapakita ng pag-reduce ng suicidal behaviour, at ang mental illness ay nakategorya sa on-going pattern ng iba’t ibang mood, self-image, at pag-uugali na madalas na nagreresulta ng impulsive actions at problema sa mga relasyon.
Ang mga therapist na sinanay sa DBT ay maaaring makatulong na ma-recognize ang pakiramdam ng isang tao kung ito ba ay hindi na mabuti. Maaaring turuan nila ang mga pasyente ng mga iba’t ibang kasanayan para mas epektibong makayanan nila ang mga nakabahahalang sitwasyon.
Collaborative Care
Ang collaborative care ay isang team-based approach sa mental health care, kung saan ang behavioural health care manager ay makikipagtulungan sa primary health provider at mental health specialists para magdevelop ng treatment plan na epektibong para gamutin ang depresyon.
Cognitive Behavioral Therapy (CBT)
Isa itong uri ng psychotherapy na makatutulong sa pagkatuto ng new ways sa pag-tugon sa stressful experience, dahil ang CBT ay tinutulungan n’ya ang tao na ma-recognize ang pattern ng kanilang pag-iisip, at makapag-isip ng alternative actions kapag naiisip nilang magpakamatay.
Brief Intervension Strategies
Lumalabas sa mga pag-aaral na ang pagbuo ng safety plan o crisis response plan na may specific instructions kung paano makakukuha ng tulong sa panahon na nakapag-iisip tungkol sa suicide ay makatutulong sa pagbabawas ng risk ng suicide attempts. Dagdag pa rito ang collaborative assessment at management suicidality ay makatutulong rin sa pag-reduce ng suicidal thoughts.
Ano ang maaaring itulong ng magulang?
Ang pamilya at mga kaibigan ang madalas na unang nakare-recognize ng mga warning signs ng suicide ng isang teenager. Bukod sa mga treatment option at therapies, ang mga sumusunod ay maaaring gawin ng mga magulang para matulungan ang mga suicidal na anak at hindi mag-lead pa sa suicide.
Panoorin at Pakinggan
Bantayan ang mga teen na depressed at ang pag-unawa sa kanilang depresyon ay napakahalaga, dahil maaaring iba ang pagtingin ng ibang mga tao tungkol sa depresyon. Pwedeng ang mabigat sa iba ay maaaring hindi mabigat sa’yo.
Subukan mo na magkaroon ng komunikasyon at mai-express ang concern, pagmamahal at suporta sa kanila, at kung hindi ka man paniwalaan ng anak mo, ipakita mo na seryoso ka sa pagdamay sa kanya. Huwag mo ring maliitin o isawalang-bahala ang pinagdadaanan ng kabataan dahil maaari itong makapagpataas ng risk ng pagkakaroon ng sense of hopelessness nila.
Magtanong nang magtanong
Maraming mga magulang ang magdadalawang-isip na magtanong sa kanilang anak, kung iniisip ba nila ang tungkol sa suicide o ang pananakit sa sarili. Magandang ideya ang magtanong kahit mahirap, dahil maaari itong makatulong para mabawasan ang burden na dala ng anak.
Paghingi ng tulong
Kapag nalaman mo na ang iyong anak ay nag-iisip na magpakamatay, humingi agad ng tulong! Ang iyong doctor ang maaaring mag-refer ng psychologist o psychiatrist. Maaari ka ring bigyan ng inyong lokal na ospital ng list ng doktor sa inyong area sa department of psychiatry, at kung dumating ka na rin sa crisis situation ang inyong local emergency room ay maaaring magsagawa ng psychiatric evaluation, at magre-refer sa’yo ng right resources na gagamitin.
Kung ‘di ka sigurado kung dapat dalhin ang inyong anak sa emergency room, tawagan ang inyong doktor! Kung ayaw pumunta ng inyong anak sa iskedyul sa mental health professional kung mayroon man, pumunta pa rin kayo sa appointment. Tandaan na ang suicidal thoughts ay maaaring mawala at bumalik. Kinakailangan ng iyong anak na magdevelop ng kakayahan na kontrolin ang suicidal thoughts at pag-uugali sa panahon ng krisis.
Laging tandaan na ang pag-aaway sa pagitan ng magulang at anak ay maaaring makapagpalala ng sitwasyon para sa mga teenager na pakiramdam na nami-misunderstood sila at nakadarama ng pagiging isolated . Humingi ka ng tulong sa mga mapagkakatiwalaang tao, sa mga health care professionals, upang maresolba ang problema sa mabuting paraan.
Key Takeaways
Ang suicide ay hindi isang birong usapin at maraming bagay ang maaaring gawin para maiwasan ito. Madalas ang mga kabataang may suicidal thoughts ay nangangailangan lamang ng pagkalinga at angkop na atensyon at treatment. Kung mapapansin mo ang iyong anak ay may mga warning signs, huwag na mag-atubuli na tulungan ang iyong anak o kumonsulta sa inyong doktor para sa agarang aksyon bago mahuli ang lahat!
[embed-health-tool-bmi]