Paano makipaglaro sa bata? Wrestling, somersaults, tug of war, pillow fights… Bagama’t ang mga aktibidad na ito ay nagreresulta sa isang magulong bahay at kinakailangan ng matinding paglilinis pagkatapos, ang pagpayag sa iyong mga anak na tumakbo nang malaya sa inyong bahay ay tunay na mabuti para sa kanila. Narinig mo na ba ang tungkol sa roughhousing at ang maraming benepisyo nito? Alamin sa artikulong ito kung paano makipaglaro sa bata sa pamamagitan ng roughhousing.
Ano Ang Roughhousing?
Paano makipaglaro sa bata? “Ang roughhousing ay larong isinasagawa nang may spontaneity, improvisation, at kasiyahan. Ito ay pisikal, at nagtataguyod ng physical fitness, pagpapalabas ng tensyon, at well-being.” Ito ay isinulat nina Anthony T. DeBenedet, M.D. at Lawrence J. Cohen, Ph.D. sa kanilang aklat na The Art of Roughhousing: Good Old-Fashioned Horseplay and Why Every Kid Needs It.
“At kung madalas mong isinasagawa ang roughhousing kasama ang iyong mga anak … dapat mong asahang may masasaktan sa huli. Naniniwala kaming ang paminsan-minsang mga pasa at gasgas ay normal na bahagi ng pagkabata. Ito ay paraan kung paano natin natutuhang ibangon ang ating sarili, alisin ang alikabok sa ating sarili, at manatili sa laro. Ito ay paraan kung paano natin pinabubuti ang ating kumpiyansa at natuklasan ang laws of physics.”
Kaya’t bago mo pigilan ang roughhousing at ang pagkakaroon ng mini heart attack mula sa lahat ng mga magugulong aktibidad na ginagawa ng iyong mga anak, bakit hindi mo subukang sumali sa kanilang laro upang malaman ang mga sumusunod na benepisyo — hindi lamang para sa kanila, ngunit para din sa iyo.
Paano Makipaglaro Sa Mga Bata At Ano Ang Mga Benepisyo Nito?
Mas nagiging masaya ang mga bata sa pamamagitan ng roughhousing
Ang mga bata ay nababalisa at na-overwhelm din, at ang aktibong paglalaro ay nakatutulong upang mabawasan ang antas ng kanilang stress. Nakita mo na ba ang saya sa mukha ng iyong anak habang hinahabol o kinikiliti mo siya? Masaya ang mga bata kapag naglalaro — at ang sayang ito ay nadaragdagan kapag kalaro nila ang kanilang mga magulang.
Nagbibigay ito sa kanila ng sense of achievement
Isipin mong ang iyong anak ay nakikipagbuno sa kaniyang tatay sa pagtatangkang makapuntos sa pamamagitan ng mahihinang suntok. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng wastong patnubay, ang pagpayag na “matalo” ka ng iyong anak o ng isang nakatatandang kapatid sa isang laro o aktibidad ay nakatutulong na mapabuti ang kanilang pagpapahalaga sa sarili.
Ito ay nagtuturo sa mga bata tungkol sa pagpipigil sa sarili
Ang roughhousing ay hindi tungkol sa pagkapanalo. Tinatawag itong self-handicapping, kung saan pinipigilan ng mga nakatatanda o mas matatandang bata ang kanilang lakas at puwersa upang panatilihing patas, masaya, at higit sa lahat, ligtas ang laro. Kung makikita ito ng mga bata, matututuhan nila ang tungkol sa pagpipigil sa sarili.
Ang roughhousing ay nakatutulong sa mga bata na maging mas matalino
Ayon sa maraming mga pag-aaral, ang aktibong paglalaro ay mabuti sa pagpapasigla sa utak ng mga bata. Ito ay dahil naglalabas ito ng kemikal na nakatutulong upang maprotektahan at maayos ang utak, na kilala rin bilang Brain-Derived Neurotrophic Factor (BDNF). Ang ganitong uri ng magulong laro ay nakatutulong na pasiglahin ang neuron growth sa mga bata. Ito ay nakatutulong sa memorya at pag-aaral. Gayundin, sa pamamagitan ng mga hindi inaasahang aktibidad ay gumagawa ang mga bata ng kanilang mga estratehiya. Dagdag pa, napabubuti rin nito ang kanilang mga kasanayan sa paglutas ng problema.
Napabubuti nito ang kanilang emotional intelligence
Kapag ang mga bata ay naglalaro nang magulo, nadedevelop din nila ang kanilang mga kasanayan sa pagbabasa ng mga emosyon ng kanilang mga kalaro. Natututo silang magbasa ng iba’t ibang ekspresyon ng mukha at body language. Bilang kapalit, nagagawa rin nilang kontrolin ang kanilang mga sariling emosyon. Ito rin ay dahilan upang sila ay kumilos nang malaya, likas at magkamali nang hindi nababahala tungkol sa parusa.
Ito ay isang uri ng ehersisyo
Sa napakaraming pisikal na aktibidad na nangyayari, ang roughhousing ay itinuturing ding fitness outlet para sa mga bata. Nakikipaghabulan o nakikipagbunuan ka man sa kanila, napipilitang hindi lamang basta umupo sa sopa at pagpawisan.
Bumubuo ito ng mahusay na koneksyon sa pagitan ng mga magulang at anak
Ang interaktibong katangian ng roughhousing ay dahilan upang lumikha ng malapit na ugnayan sa pagitan ng magulang at anak. Maaaring makalimutan ng iyong anak ang regalo mo sa kanila noong Pasko, ngunit tiyak na maaalala nila ang mga masasayang pagkakataong nakipaglaro sa kanila.
Ang artikulong ito ay orihinal na inilathala sa Edamama at muling ginamit nang may permiso: https://www.edamama.ph/discover/play-learn/why-roughhousing-is-good-for-the-kids