Normal lang na mahirapan ang bata sa school paminsan-minsan. Maaaring nitong nakaraang linggo, nahirapan sila sa grammar. Ngayon naman, sobrang komplikado para sa kanila ang math. Normal lang ding may isa o dalawang subject na mas nahihirapan sila kumpara sa iba pa. Ngunit paano kung napag-iiwan sila sa halos lahat ng subject? Paano kung napapansin mong ang score nila sa mga test ay hindi tumataas at bumababa ang kanilang mga marka sa bawat grading period? Narito ang pwedeng gawin kapag mahina ang bata sa school.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng poor performance?
Walang standard o kahulugan sa dictionary ng poor school performance, ngunit sa pangkalahatan, ang ibig sabihin nito ay nahihirapan ang batang makasabay o mapanatiling maayos ang kanyang performance sa kabuoan.
Maaaring maging mahina ang bata sa school dulot ng maraming dahilan. Maaaring mayroon silang problemang medikal, tulad ng malnutrisyon, malabong paningin, dyslexia, isang learning difficulty o disability, o ADHD. Maaari ding salik dito ang problemang emosyonal, isyung pangkapaligiran, at poor socio-cultural status. Malaki rin ang epekto ng bullying sa pangkabuoang school performance ng bata.
Ang poor school performance ng bata ay maaaring magresulta sa mababang self-esteem at matinding stress sa mga magulang.
Ano ang Gagawin Kung Nahihirapan ang Bata sa School?
Una, tandaang magkakaiba ang bilis ng pag-unlad ng bawat bata. Maaaring nahihirapan ang anak mo ngayon sa kaniyang mga klase, ngunit hindi agad ibig sabihin nito na may problema. Maaaring kailangan lang nila ng mas maraming oras at pagsasanay.
Gayunpaman, kung patuloy siyang nahihirapan at nakaaapekto na ito sa kaniyang pag-unlad, kumonsulta na sa isang healthcare professional.
Makatutulong din ang pagsunod sa mga tip na ito:
1. Magkaroon ng malalim na talakayan kasama ng kanilang mga guro
Hindi nakikita sa grades ng mga bata ang lahat ng problemang kanilang hinaharap sa kanilang mga subject. Kaya naman malaki ang maitutulong kung makikipag-usap sa kanilang mga guro. Tanungin sila kung saan nahihirapan ang bata sa klase, anong mga estratehiya ang maaaring makatulong, at paano mo sila masusuportahang matuto sa bahay.
Makapagbibigay ng ideya ang pakikipag-usap sa mga guro sa mga posibleng dahilan kung bakit mahina ang bata sa school. Ito ba ay dahil madali silang mawala sa pokus? Kulang ba sila sa motibasyon? Gaano katindi ang kanilang mga problema? Ang pagsagot sa mga tanong na ito ay magiging daan upang makapagdesisyon kung paano mas matutulungan ang iyong anak.
Tandaang kailangan ng mga batang may medikal na kondisyon tulad ng ADHD, dyslexia, at developmental at behavioral concerns ang tulong ng mga eksperto.
2. Tanungin ang iba pang tao sa paaralan
Bukod sa pakikipag-usap sa mga guro ng inyong anak, makatutulong din ang pakikipag-usap sa iba pang tao sa kanilang paaralan. Puwede mong kausapin ang mga kaibigan ng iyong anak at ang school personnel tungkol sa psychosocial functioning ng inyong anak. Tingin ba nila ay nabu-bully ang inyong anak? May ipinagpapalagay ba silang ibang factor, tulad ng peer pressure o extracurricular activities na dahilan kung bakit mahina ang bata sa school?
3. Isipin ang mga learning style
Kung umuunlad at natututo ang bata sa magkakaibang bilis, mayroon din silang magkakaibang learning styles. May mga batang mas natututo kapag tahimik, habang mayroon namang gustong may naririnig na background music o kaunting ingay. May mga batang mas natututo kapag nakikita nila (visual learners), at mayroon namang natututo kapag naglalakad.
4. Habaan ang pasensya. Hindi nila sinasadya ang pagiging mahina.
Isa pang tip upang suportahan ang mga batang mahina sa school ay habaan ang ating pasensya. Dahil nahihirapan sila, maaaring sumabog sila sa galit, ayaw nang pumasok sa school kapag may recitation o quiz, at tumangging mag-aral sa bahay.
Hayaan silang ipakita ang kanilang frustration. Maaaring magmukhang ginagalit ka nila, ngunit maging kalmado. Lalo lamang mababawasan ang kanilang motibasyong mag-aral kung sasabayan ng galit ang isa pang galit.
5. Maglaan ng panahon upang makapahinga
Habang nag-aaral, kung napapansin mong nafu-frustrate ang iyong anak, huminto muna sa loob ng ilang minuto. Magpalamig muna at magsimula ulit. Maaaring makatulong ito upang mawala ang kanilang frustration.
6. Kung magkamali sila, huwag agad silang itatama
Kapag tinuturuan ang mga bata, karaniwan lang na magkamali sila. Kapag napansin mong may mali sa kanilang ginagawa, huwag agad itong papansinin. Hayaan silang makita ang kanilang sariling pagkakamali at bigyan sila ng sapat na pagkakataong maitama ito. Tulungan sila kapag nadadaig sila ng frustration o kung hingin nila ang inyong tulong.
7. Ang poor school performance ng bata ay hindi palaging nangangahulugang kailangan nilang mag-aral nang mas matagal
Mali ang paniniwalang kailangan ng mga batang mag-aral nang mas mahaba kapag mahina sila sa school. Maglaan ng oras upang makapag-aral sa bahay at sundin ang iskedyul kahit hindi pa sila tapos sa gawain.
8. Humingi ng tulong kung kailangan
Panghuli, huwag magdalawang isip na humingi ng tulong sa iba kung kailangan. Nakadepende sa pangangailangan ng bata ang tulong na kanilang kailangan. Kung hindi ka sigurado, dalhin sila sa pediatrician. Ito ang pinakamainam na gawin.
Matuto pa tungkol sa pagiging magulang dito.