Matapos ang halos dalawang taon na pagsasagawa ng online classes, nag-anunsyo na ang Department of Education (DepEd) mula sa panukala ng Vice President at Education chief secretary Sara Duterte na manumbalik na ang mga bata sa limang araw na face to face na klase simula Nobyembre. Bagaman may ilang buwan pang maaaring ilaan sa paghahanda, bakit maraming mga mag-aaral ang nangangamba at nagkakaroon ng anxiety sa paparating na pasukan?
Hindi naman maitatanggi ang pangangailangan ng mga face to face na klase upang lubusang matutunan ang mga aralin. Ngunit matapos ang ilang taon na nawalan ng sila ng interaksyon sa mga kapwa mag-aaral, hindi rin maisasantabi na hindi na sila sanay makipag-ugnayan sa mga tao. Higit pa rito, maaaring masyado na silang mailang sa kanilang pagkilos na maaaring mauwi sa anxiety.
Pag-Unawa Sa Kung Ano Ang Social Anxiety
Normal lang naman ang makaramdam ng nyerbos o kaba sa ilang mga sitwasyon katulad ng pagsasagawa ng reporting sa harap ng mga tao. Ngunit para sa batang mayroong social anxiety, hindi lang ito basta-bastang pagkahiya.
Ang social anxiety disorder, o kilala ng marami bilang social phobia, ay tumutukoy sa kondisyon kung saan ang mga pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan ay nagdudulot ng makabuluhang pagkabalisa, self-consciousness at kahihiyan. Ito ay sa kadahilanang natatakot masuri o negatibong mahusgahan ng ibang tao.
Karamihan ng may ganitong karamdaman ay nagsisimulang mapansin ang pagkabalisa kapag nasa pagitan ng edad na 8 at 15. Gayunpaman, karaniwang naitatago ng mga bata ang kondisyong ito. Dahil dito, maaaring hindi mo agad ito mapansin bilang magulang o maging ng mga guro. Ito ay lalo na at madalas na nahihiya ang mga bata na aminin kung gaano sila kabalisa sa mga bagay-bagay.
Bukod sa pang-araw-araw na kaba, maaari rin makaramdam ang iyong anak ng takot, pagkabalisa, at pag-iwas. Ito ay maaaring magdulot ng paghihirap sa konsentrasyon, intrusive thoughts, at mga problema sa pagtulog. Ilan sa sintomas na maaaring mapansin sa mga bata ay ang mga sumusunod:
- Pag-iyak
- Pagkakaroon ng temper tantrums
- Pagkapit sa magulang
- Pag-iwas sa pagsasalita sa mga social situations
- Pamumula
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Pagpapawis o panginginig
- Pananakit ng tiyan o pagduduwal
- Hirap sa paghinga
- Pagkahilo (o lightheadedness)
- Muscle tension
Ito ay maaaring maging sanhi rin ng mga sumusunod:
- Mababang tingin sa sarili (low self-esteem)
- Mga problema sa pag-papahayag ng mga bagay para sa sarili
- Negative self-talk
- Poor social skills
- Paghihiwalay ng sarili sa mga tao (na nauuwi sa pagkakaroon ng limitadong mga relasyon sa tao)
- Pagiging hypersensitive sa pagpuna
- Low academic at employment achievement
Bilang resulta, maaari itong makagambala sa pag-aaral ng iyong anak pagpasok ng face to face na klase.
Paano Malabanan Ang Social Anxiety Sa Paparating Na Face To Face Na Klase?
Bagaman ito ay isang kondisyon na nangangailangan ng diagnosis ng isang eksperto, makatutulong ang ilang mga pamamaraan bilang paghahanda:
- Huminga. Turuan ang anak ng iba’t ibang mga breathing techniques upang mabawasan ang pagkakabalisa at pagkakailang sa mga tao. Maaaring i-ensayo siya ng 4 counts ng breathing in at 6 counts ng breathing out. Habang isinasagawa ito, maaari rin siyang turuan gamitin ang mga daliri sa pagbilang. Sa pamamagitan nito, hindi na niya gaanong papansinin ang mga bumabagabag sa kanyang isip at damdamin. Sa gayon ay makatutulong para sa iyong anak lalo na sa paparating na face to face na klase.
- I-praktis ang positive self-talk. Bukod sa mga breathing exercises, maaari mo rin siyang simulan turuan ng pag-positive self-talk. Ang isang magandang halimbawa ay maaaring pagbanggit ng ilang affirmations tulad ng, “I am smart. I am kind. I am important.”
- Gumawa ng routine. Bago pa man sumapit ang face to face na klase, mainam na kung makapaglalatag ka ng routine para sa kanya. Ito ay makatutulong sa iyong anak na estudyante upang hindi siya masyadong mabigla at malula sa mga bagay-bagay.
Key Takeaways
Bilang magulang, hindi mawawala ang takot at panganib sa kaligtasan ng anak sa paparating na face to face na klase. Ito ay marahil laganap pa rin ang mga kaso ng COVID. Gayunpaman, dapat mo ng ihanda ang iyong anak para rito. Mayroong ilang mga pamamaraan upang maiwasan ang pagkabalisa ng mga bata sa pagpasok muli sa mga eskwelahan.
Alamin ang iba pa tungkol sa School-Age na Bata dito.