Isang pribadong espasyo sa loob ng bahay – ito ang ating kuwarto. Para sa maraming adult, ang kuwarto ay lugar kung saan puwede silang maging panatag at mag-relax. Ngunit ganito rin ba ang sitwasyon pagdating sa mga bata? Dapat bang magkaroon ng sariling kwarto ng bata? Kung oo, sa anong edad sila dapat magkaroon ng pribadong espasyo? Alamin yan dito.
Sariling Kwarto ng Bata: Mas Maaga, Mas Mabuti?
Pagdating sa tanong na “Dapat bang magkaroon na ng sariling kwarto ng bata?”, sa isang pag-aaral noong 2017, hindi direktang sinabing dapat nang magkaroon ng sariling kuwarto ang mga bata. Ngunit natuklasan nila ang isang bagay: mas nakatutulog nang maayos ang mga sanggol na may edad na 4 na buwan pa lamang kumpara sa mga sanggol na natutulog kasama ng kanilang mga magulang sa parehong kuwarto.
Napag-alaman ng mga mananaliksik na ang mga 4 na buwang gulang na sanggol na may sari-sariling kuwarto ay mas mahaba nang 46 minuto ang tulog. Nagpapatuloy ang ganitong mahabang pagtulog hanggang sa sila’y umabot sa 9 hanggang 30 buwang gulang.
Bagaman mukhang hindi sapat ang ilang minutong pagtulog, sumasang-ayon naman ang mga eksperto na sa regular basis, malaking bagay ito, lalo na para sa mga magulang at batang kulang sa tulog.
Room Sharing kasama ng mga Magulang, Isang Pangangailangan hanggang 6 na Buwan
Sa kabila ng lumabas sa pag-aaral noong 2017, hindi naglabas ng pagbabago ang The American Academy of Pediatrics sa kanilang 2016 guidelines tungkol sa pagtulog ng infant.
Ayon sa AAP, ang room-sharing nang walang bed-sharing ng hanggang 6 na buwan (maganda ring hanggang mag-isang taon ang bata) ay nakapagpapababa ng panganib ng Sudden Infant Death Syndrome (SIDS) nang hanggang 50%. Tandaang noong 2018, nagresulta ang SIDS ng 1,500 pagkamatay sa Estados Unidos pa lamang. Matuto pa tungkol sa kung paano maiiwasan ang SIDS dito.
Isa pang magandang dahilan ng room-sharing hanggang sa mag-anim na buwan ang sanggol ay upang maisulong ang pagpapasuso ng Nanay sa anak. Nakapagpapataas ng tsansang mauwi sa pagpapadede ng milk formula ang pagbibigay sa mga sanggol ng sarili nilang kuwarto bago sila mag-anim na buwan.
Dapat Bang Magkaroon ng Sariling Kuwarto ng Bata?
Matapos ang unang kaarawan ng iyong sanggol, nasa mga magulang na ang pagpapasya kung bibigyan nila ng sariling kuwarto ang kanilang anak.
Kung mauuwi sa mapanganib na gawi sa pagtulog ang room-sharing gaya ng tendency na mag-bed-share, o ang pagtaas ng panganib ng suffocation o strangulation, maaaring kailangan na nga ng mga sanggol ng sarili nilang kuwarto.