Bago pa man ang lahat, dapat malaman ng mga nag-aalalang magulang na walang dapat ipag-alala sa rashes sa bagong panganak na sanggol. Mga Nanay at Tatay, maaari na kayong makahinga nang maluwag. Karaniwang normal ang rashes sa bagong panganak. At kusa itong mawawala sa loob ng ilang linggo. Bihira lang na maging senyales ito ng isang karamdaman. Tingnan nating maigi kung ano ang rashes sa bagong panganak at alamin kung kailan dapat pumunta sa doktor.
Pangunahing Kaalaman Sa Rashes Sa Bagong Panganak
Maaaring mag mula sa iba’t ibang dahilan ang rashes sa bagong panganak na sanggol. Bilang panimula, maraming bagong panganak ang nagkakaroon ng acne – isang katotohanang hindi nababanggit sa mga bagong magulang. Benign ang karamihan ng rashes at hindi magiging suliranin sa iyong anak.
Kung mapansin na may rashes sa bagong panganak, mabuting ideya na gawin ang mga sumusunod na hakbang:
- Tandaan kung saan nagmumula ang rashes
- Tandaan din kung ano ang itsura ng rashes sa bagong panganak. Mayroon ba itong kakaibang pula o dilaw na kulay? Nakaangat ba ito sa balat? Mayroon bang pimples o pustules? O nagbibitak ba ang balat o nagbabalat?
- Obserbahan ang iyong anak para sa anumang kaakibat na epekto. Nagiging iritable ba ang bata? Mayroon bang lagnat? Hindi magana sumuso?
Bantayan ang mga senyales at sintomas na tulad nito. Makatutulong ito sa doktor upang makapagbigay ng solusyon sa oras ng konsultasyon.
Ano Ang Rashes Sa Bagong Panganak?
Karaniwang nangyayari ang rashes sa bagong panganak na baby.
Neonatal Acne
Neonatal acne, o baby acne, katulad ng pangalan nito: maliliit na pimples na lumalabas sa mukha ng mga baby. Ilang baby ang nagkakaroon ng neonatal acne pagtuntong sa edad na 2 hanggang 4 na linggo. Pagkatapos ng ilang linggo, kusang mawawala ang pimples.
Milia
Milia ang tawag sa maliliit na puting butlig o bukol sa balat. Tulad ng neonatal acne, kusa ring mawawala ang milia.
Erythema Toxicum
Erythema toxicum ang tawag sa mapupulang pantal na lumalabas sa dibdib, braso, binti o mukha ng baby. Karaniwan itong nangyayari sa mga unang araw pagtapos ng kapanganakan. Walang kinakailangang gamot para dito, at hindi ito makakaabala sa iyong baby.
Jaundice
Pangkaraniwan lang ang infant jaundice sa mga bagong panganak dahil sa pagkakaroon ng bilirubin sa katawan. Ito ang nagdudulot sa paninilaw ng balat. Makatutulong sa pagpapawala ng jaundice ang pagbibilad sa banayad na sikat ng araw sa umaga. Para sa mga mas malubhang kaso, makatutulong naman ang phototherapy (light therapy).
Birthmarks
Minsan, birthmark lamang na hindi napansin noon ang rashes ng baby. Maaaring iba’t iba ang kulay at hugis ng mga birthmark.
Nagsisimula sa pinkish na kulay hanggang sa paunti-unti itong umiitim sa paglipas ng panahon. Permanente ang mga birthmark na ito.
Karaniwan sa mga Asian, African at Middle Eastern na baby ang congenital melanocytosis, o Mongolian spots. Lumalabas sila sa kulay na bluish gray na parang pasa. Madalas itong matagpuan sa puwitan o ibabang likuran. Nakikita na ang birthmark na ito mula pa lamang sa pagkasilang at maaari ding mawala pagdating sa edad na 5.
Cradle Cap
Cradle cap ang tawag sa greasy at scaly rash na lumalabas sa anit ng mga bata. At sa ibang paraan, kapareho ito ng balakubak. Makatutulong ang paghuhugas at dahan-dahang pag tungkab ng anit upang mawala ito.
Kailan Dapat Pumunta Sa Doktor?
Hindi dapat ipag-alala ang rashes ng baby. Ngunit kung mapansin ang mga sumusunod na senyales, kumonsulta sa doktor.
- Mga maliliit na paltos (blisters) na naglalaman ng malinaw na tubig
- Mga kulay dugong spots na wala noong pagsilang
- Pimples na may nana
- Impeksyon sa balat (kumakalat na pamumula, sugat, o nana)
- Pantal na masakit tuwing hinahawakan
Nangangailangan ng pagbisita sa doktor ang anumang nararanasang lagnat sa baby na hindi bababa ang edad sa 12 linggo. Gayundin, kung kumikilos sa hindi normal na paraan ang iyong bagong panganak, huwag mag-atubiling humingi ng medikal na tulong.
Key Takeaways
Karaniwang normal na bahagi ng mga unang linggo ng buhay ng iyong anak ang rashes sa bagong panganak. Karamihan sa mga pantal na ito ang mawawala ng kusa sa loob ng ilang linggo. Ang pag-alam kung ano talaga ang nangyayari ay makatutulong upang matiyak na malusog ang iyong anak. Dito mo rin malalaman kung kailan dapat magpunta sa doktor.
Matuto pa tungkol sa Unang Taon ng Sanggol dito.