backup og meta

Laro Para Sa Baby: Heto Ang Ilang Laro Na Makakatulong Sa Kanila

Laro Para Sa Baby: Heto Ang Ilang Laro Na Makakatulong Sa Kanila

Ang mga unang buwan ng iyong baby hanggang sa kanyang unang taon ay nakitaan ng iba’t ibang developmental milestones. Nakatuon ang milestones sa kanilang motor, cognitive, at communication skills. Bilang mga magulang, maaari mong maitanong ang “Paano ko tutulungan ang aking anak sa infant development play? Anu-anong laro para sa baby ang makatutulong?” Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang pinakamabuting early learning activities para sa mga baby.

Laro Para Sa Baby: Early Learning Activities

Nakatutulong ang laro para sa baby sa pagpapaunlad ng physical, mental, at communication skills ng iyong anak. Bukod dyan, isinusulong din nito ang pagkakaroon ng social interaction at creativity.

Upang gawing mas madali ang mga bagay para sa iyo, hinati namin ito sa tatlong age groups: isa para sa mga baby edad 3-6 na buwang gulang, isa pang grupo para sa 7-9 na buwang gulang, at ang huli ay para sa 10-12 buwang gulang.

laro para sa baby

3-6 Na Buwang Gulang

Sa 3-6 na buwang gulang, marami nang kayang gawin ang mga baby gaya ng:

  • Dumaldal o magsalita (hindi pa maintindihan ang sinasabi)
  • Sumagot kapag kinakausap mo, bagaman hindi pa malinaw ang sinasabi
  • Abutin ang iba’t ibang bagay na malapit sa kanila saka isubo

Mungkahing Infant Development Play Activities

Narito ang ilang laro para sa baby na pwede mong gawin kasama sila:

1. Kumanta ng expressive songs.

Upang mapaunlad ang kanilang verbal sense, pwede mong kantahan ng expressive songs ang baby mo. Magandang piliin ang mga kantang may mga salita na katunog ng kahulugan. Halimbawa, kung ang kanta ay may mga salitang “bang!” o “pop!” tiyaking itaas nang kaunti ang tono ng iyong boses kapag kinakanta ito.

Magbasa ng textured books. Bukod pa sa pagkanta at pag-awit, pwede mo rin silang basahan ng libro. Piliin ang mga librong textured, gaya ng mga may cloth surface o nakaangat na mga tauhan sa libro. Hikayatin ang iyong baby na hawakan ito nang dahan-dahan.

2. Maglaro ng bola.

Isa sa simpleng infant development play ang pagtuturo sa baby kung paano humawak at bitawan ang bola. Kapag nakita niya itong tumalbog at gumulong, sa tulong mo, matututunan nila kung paano gumagalaw ang mga bilog na bagay.

3. Blow raspberries.

Upang mahikayat silang gumalaw at gumawa ng sarili nilang tunog, pwede mong gawin sa kanilang tiyan ang “blow raspberries” o ang pagpapatunog ng bibig habang nakausli ang dila. Ang pakiramdam at tunog na nalilikha mo sa paggawa nito ay nakapagpapatawa at nakapagpapagalaw din sa baby.

7-9 Na Buwang Gulang

Kapag umabot na ng 7 buwan pataas hanggang sa magsiyam na buwang gulang ang iyong baby, maaaring makita mo na siyang ginagawa ang mga sumusunod:

  • Paglilipat ng anumang bagay mula sa isang kamay papunta sa kabila. Senyales ito na nag-de-develop na ang kanyang hand-eye coordination skills.
  • Pag-ikot sa magkabilang direksyon, kahit habang natutulog
  • Pagdaldal, pagsenyas, at paggawa ng mas maraming facial expressions

Mungkahing Infant Development Play Activities

Habang patuloy pa rin kayong hinihikayat na gawin ang mga activity na ibinigay noong sila ay nasa tatlo hanggang anim na buwang gulang, pwede kang magdagdag nitong laro para sa baby o early learning activities:

1. Iwanan sila sa playpen.

Maghanda ng ligtas na playpen para sa iyong baby upang ma-explore niya ito. Pwedeng hindi naman talaga playpen, ngunit isang maliit na espasyo na puno ng mga laruan at mga bagay na pwedeng hawakan at subukan ng iyong baby.

Kung makagagapang siya papunta sa mga laruan, matutulungan mo siyang mapaunlad ang kanyang sense of adventure. Tiyakin lamang na walang kasamang bagay na delikado para sa bata gaya ng pwedeng malunok o makasugat sa kanya.

2. Mag-workout kasama ng iyong baby.

Bagaman parang sobra na, magandang infant development play ang pag-eehersisyo kasama ng iyong baby. Ang kaunting push-up ay magandang activity upang mapalakas ang kanyang muscles sa likod, balikat, at katawan. Dagdag pa, nakatutulong din ito sa pagkontrol niya sa kanyang ulo at leeg. Upang mapag-push up siya, idapa ang iyong baby, saka itaas-baba ang anumang laruan sa harap niya.

3. Bigyan siya ng laruang telepono.

Sa yugtong ito, maaaring nakikita ka na ng iyong baby na may kausap sa telepono. Hikayatin siyang magsalita pa nang magsalita sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng laruang telepono at magpanggap na kinakausap mo siya.

4. Ipakita sa kanya kung paano ginagawa ang mga bagay.

Upang maturuan ang baby kung paano gawin ang isang bagay, magsimula sa pagsasalansan ng mga laruan. Ipakita sa kanya kung paano pagpapatung-patungin ang blocks, saka ito pabagsakin. Pwede mo rin siyang bigyan ng laruan at ipakita kung paano ito nilalaro.

Halimbawa, kapag pinindot niya mo pindutan, magbubukas ang pintong ito, o kapag pinihit mo ito, may tutunog. Hikayatin siyang maging independent. Hayaan siyang gawin ang mga simpleng bagay nang mag-isa upang mapagtanto niyang kaya niya pala itong gawin.

10-12 Na Buwang Gulang

Sa papalapit niyang unang kaarawan, maaaring magpakita ang iyong baby ng higit na mga pagbabago sa kanyang thinking at motor skills. Mapapansin mo silang:

  • Nag-eeksperimento gamit ang ilang bagay, gaya ng pasadyang pagtulak sa mga bagay upang makita itong mahulog
  • Pagtulak sa basurahan o sa malalaking kahon
  • Subukang galawin ang mga bagay na naaabot niya

Mungkahing Infant Development Play Activities

Dahil mabilis ang kanyang paglaki, maaaring ang infant development play para sa kanya ay:

1. Mirror play

Bagaman maaari mo namang gawin din ito sa mas maaga nilang edad, mas exciting ang mirror play sa edad niyang ito dahil kaya na niyang tumanggap ng mas maraming impormasyon ngayon.

2. Umupo sa harap ng salamin habang nasa kandungan mo ang baby.

Ituro ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng iyong baby at pangalanan ito gaya ng “Ito ang ilong mo . . . mga mata mo. . .” Pagkatapos nito, lumayo ka sa salamin at tanungin siya ng “Saan nagpunta ang baby?” Bumalik ka ulit sa harap ng salamin at sabihing “Ayun!” Ang mga larong gaya nito ay nagpapaunlad ng kanyang sense of awareness — ang kamalayan na nakahiwalay siya sa iyo.

3. Play interview

Upang mahikayat ang iyong baby na magsalita, gawin ang little interview game. Hindi naman kailangang structured ang mga tanong. Pwedeng gaya ng simpleng “Ano’ng pangalan mo?”, “Sino ang nasa tabi mo?”, o “Saan ka pupunta?” Ang pakay mo ay mahikayat siyang magsalita at mapaunlad ang kanyang communication skills.

4. Hanapin ang squeaky toy.

Bigyan ang baby ng squeaky toy at hayaan siyang pigain ito at marinig ang tunog na nalilikha nito. Pagkatapos, itago sa ilalim ng kumot ang squeaky toy saka ito patunugin (sa pamamagitan ng pagpiga). Hayaan mong hanapin ito ng iyong baby. Nakatutulong ang larong ito sa memory-building.

5. Toy parade

Sa pagsapit niya ng 1 taon, pwede mo nang turuan ang iyong anak kung paano ang “follow the leader.” Gawin ito sa pamamagitan ng pagsama-sama ng lahat ng laruan niya at talian ang mga ito upang maging “train of toys.” Isa itong infant development play na pwedeng maging kapaki-pakinabang kapag kailangan nilang sumunod sa mga instruction gaya ng “Dumikit ka lang sa akin,” o “Sundan mo ako.”

Key Takeaways

Dahil mas kilala ng mga magulang ang kanilang anak, pwede nilang gamitin ang kanilang pagiging malikhain upang makabuo ng magagandang infant development play na para sa mga bata. Pwedeng ayusin o pagandahin pa ang mga mungkahing early learning activities para sa mga baby na tinalakay dito ayon sa pangangailangan ng inyong anak.

Matuto pa tungkol sa Unang Taon ni Baby dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Thinking and play: babies, https://raisingchildren.net.au/babies/play-learning/play-baby-development/thinking-play-babies, Accessed July 16, 2020

3-month-old baby games: first week, https://www.babycentre.co.uk/a1011527/3-month-old-baby-games-first-week, Accessed July 16, 2020

Infant development: Milestones from 7 to 9 months, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/infant-and-toddler-health/in-depth/infant-development/, Accessed July 16, 2020

7-9 Months Games, https://pathways.org/growth-development/7-9-months/games/, Accessed July 16, 2020

Play Activities for Birth to 12 Months, https://www.zerotothree.org/resources/164-play-activities-for-birth-to-12-months, Accessed July 16, 2020

20 toddler activities: The best games to play with a 12-month-old baby, https://babyology.com.au/toddler/learning-and-development/20-toddler-activities-the-best-games-to-play-with-a-12-month-old-baby/, Accessed July 16, 2020

Kasalukuyang Version

03/25/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Playpen Ng Baby: Mga Dapat Tandaan Sa Pagbili Nito

Laruan Para Sa Baby: Anong Laruan Ang Pinakamabuti Sa Kanila?


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement