Karamihan sa mga magulang ang nagtataka tungkol sa bowel movement ng kanilang sanggol. Normal bang madalas na hindi tumatae si baby? Gaano katagal na kaya ng isang sanggol na hindi dumumi? Ang mga sagot at iba pang dapat nating malaman ay nasa artikulong ito.
Iba-Iba Ang Bowel Movement Ng Mga Sanggol
Bago tayo tumungo sa mga detalye ukol kung bakit hindi tumatae si baby (bowel movement), atin munang bigyang-pansin ang isa sa mga katotohanang napakahalaga: may iba’t ibang mga factors ang nakaaapekto sa pagdumi ng isang sanggol. Isa sa mga iyon ay ang edad ng baby.
Pagkatapos silang maisilang, ang inyong anak ay maglalabas ng meconium — ang una nilang dumi. Ang meconium ay may kulay luntiang maitim na patungong itim, at malagkit. Minsan, dahil sa sobra nitong dikit ay kailangan pa nitong pahiran ng petroleum jelly para matanggal.
Matapos mailabas ng bata ang meconium, asahan na ang kulay ng dumi ng sanggol ay may kaunting itim at mas luntiang madilim ang kulay. Ito rin ay hindi na gaanong malagkit. Ang tawag sa ganitong pagdudumi ay transition poop, at senyales na iniaalis ng sanggol ang lahat ng meconium at sinisimulang tanggapin sa kaniyang katawan ang gatas.
Ang transition poop ay kadalasang nagtatagal hanggang sa ika-limang araw. Pagkatapos ng limang araw, ang mga tanong tungkol sa kung gaano katagal na kaya ng isang sanggol na hindi dumumi ay nakadepende nang malaki sa kanilang paglaki at sa kanilang kinakain.
Magbabago ang itsura at ang tagal ng pagtae ng isang sanggol kapag nagsimula na itong kumain ng mga matitigas na pagkain.
Ang Dumi Ng Sanggol Na Sumususo Sa Gatas Ng Ina
Kung pinapasuso mo ang iyong sanggol, ito ang iyong aasahan pagkatapos ng transitional poop:
- Ang kulay ng kanilang dumi ay magiging matingkad na dilaw o ginto.
- Ito ay may katamtamang amoy.
- Malabnaw ang tekstura na maaaring magkaroon ng namumuong puti (na maaaring wala) na tinatawag na seeds.
- Madalas dumumi ang sanggol; kadalasang pito hanggang sampung beses sa isang araw. Ito ay dahil ang kanilang sistema ng panunaw o digestive system ay nagsisimula pa lamang mabuo at maaari silang dumumi nang kaunti kadalasan matapos mapasuso.
Bago tumungtong ng anim na linggo, normal sa mga sanggol na sumususo mula sa gatas ng ina na dumumi ng humigit-kumulang tatlong beses sa isang araw. Sa paglaon ng panahon, kung tinatanggap na ng kanilang sistema ng panunaw o digestive system ang gatas ng ina, mas dadalang na ang kanilang pagdumi — isang beses lamang sa isang araw o sa isang linggo (o mas matagal pa).
Ang Dumi Ng Sanggol Na Sumususo Ng Gatas Na Formula
Pinapainom mo ba ang iyong anak ng gatas na formula? Kung oo, ito ang mga dapat mong asahan pagkatapos ng kanilang transitional poop.
- Mas pirmi o firm ang dumi ng sanggol, halos kasing-lapot ng peanut butter. Ito ay dahil mas mahirap matunaw ang mga gatas na formula.
- Maaaring ito ay mala-kayumanggi. Maaari ding mala-luntian ang dumi dahil nga hindi pa kayang tanggapin sa sistema ng mga sanggol ang gatas na formula.
- Mas matapang itong amoy.
- Mas madalang silang dumumi kaysa sa mga sanggol na sumususo sa kanilang ina. Kadalasang tatlo hanggang limang beses sa araw-araw o kasing kaunti ng dalawang beses sa isang araw.
Gaano katagal ang isang sanggol na umiinom ng mga gatas na formula na hindi dumudumi? Ayon sa mga eksperto, pagkatapos ng una o ikalawang buwan, dumudumi na lamang ang sanggol ng isang beses sa isa o dalawang araw.
Kailan Dapat Dalhin Sa Doktor Ang Sanggol
Kung tungkol ito sa pagdudumi o bowel movement, ang mga sumusunod na isyu ay kailangan nang ipatingin sa doktor:
- Pagtatae (diarrhea) o duming may dugo (bloody stool)
- Impatso
- Lagnat, na maaaring maging senyales ng impeksyon
Pagtatae o Diarrhea
Sa mga kasisilang lang na sanggol na sumususo sa gatas ng ina, mahirap makita kaagad na nagtatae na ang sanggol dahil kadalasang malambot at malabnaw ang kanilang mga dumi. Ayon sa mga eksperto, tingnan kung gaano kadalas at kung gaano katubig ang dumi upang makita kung ang sanggol ay nagtatae na.
Kung ganito na ang kanilang nararanasan, dalhin na ang sanggol sa doktor kung sakaling matubig na ang kanilang dumi at madalas na silang dumudumi na higit pa sa isang beses pagkatapos sumuso.
Para naman sa mga umiinom ng gatas na formula at sa mga sanggol na higit na sa linggo o buwan ang gulang, madaling makita ang matubig at malabnaw na dumi.
Dalhin kaagad sila sa doktor dahil maaaring magdulot ng pagkatuyot o dehydration ang isang bata dahil sa pagdudumi.
Impatso o Constipation
Kapag hindi tumatae si baby, depende ito sa kinakain at edad ng sanggol.
Ang mga sanggol na sumususo ay maaaring hindi makadudumi ng higit pa sa isang linggo at hindi pa rin nakararanas ng impasto. Ito ay dahil tinatanggap lahat sa kanilang sistema ang gatas ng ina kaya’t walang natitira o walang duming lumalabas.
Karagdagan pa rito, ang mga sanggol ay maaaring mamilipit at magmukhang pinipilit ang sarili habang dumudumi. Ngunit ito lamang ay senyales na nasasanay na silang dumumi.
Ang maipapayo lamang ng mga eksperto ay tutukan ang lapot o labnaw ng kanilang dumi. Kung sila ay umiiyak habang dumudumi at mapapansing matigas ang dumi, tuyo, o parang mga bato-bato, maaari silang naiimpatso. Kontakin ang doktor kaagad kung makakita ng dugo sa kanilang dumi.
Impeksyon
Kontakin kaagad ang inyong healthcare provider kung may namumuong dugo sa dumi, malansa, mala-luntiang dumi ang inyong sanggol kasabay ng ibang sintomas tulad ng lagnat, kawalan ng gana, at pagiging irritable.
Matuto ng higit pa ukol sa Unang Taon ng Sanggol dito.