Ang gatas ng ina ang tanging pinakamahusay at pinaka kumpletong source ng nutrisyon para sa mga bagong silang na sanggol. Lalo na para sa mga premature na sanggol. Napakarami ng mga benepisyo nito para sa kanila. Magbasa pa para matuto tungkol sa mga benepisyo ng breastfeeding sa premature baby.
Mga benepisyo ng breastfeeding sa premature baby
Ang mga preterm na sanggol, kumpara sa mga full term na sanggol ay mas mahina. Ito ay dahil ang kanilang katawan ay hindi pa ganap na nabubuo.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng dagdag na alaga at suporta para sila ay lumaking malusog at malakas.
Sa katunayan sa paglipas ng araw, sa wastong pag-aalaga at pagpapasuso, sila ay lumalaking kasing lusog ng mga full-term.
Ang isa sa mga pinakamahusay na paraan para dito ay sa pamamagitan ng pagpapasuso.
Mas nakikinabang ng husto sa breastfeeding ang mga preterm baby kaysa sa ibang baby. Ang gatas ng ina ay maaaring magbigay ng lahat ng nutrisyon na kailangan ng mga preterm baby.
Dahilan din kung bakit laging inirerekomenda ng mga doktor ang breastfeeding, maging full-term o preterm na sanggol.
Narito ang mga benepisyo ng breastfeeding sa premature baby.
Ang pagpapasuso ay nagpapalakas ng immune system ng mga preterm na sanggol
Ang underdeveloped immune system ng mga preterm baby ang isa sa pinaka alalahanin ng mga magulang nila.
Hindi sila madaling makalaban sa mga sakit, kaya mas madali silang kapitan ng impeksyon.
Ang karaniwang problema sa mga preterm na sanggol ay maaari silang mabiktima ng bacterial infection. Ito ay pwedeng mauwi sa mga problema tulad ng pneumonia o pulmonya.
Ang pulmonya ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng bata; humigit-kumulang 1.4 milyong bata ang namatay noong 2010 dahil sa pneumonia.
Isang paraan ng pagpapalakas ng immune system at pagpapababa ng risk na magkaroon ng pulmonya ay ang pagpapasuso. Ito ay isa sa pinakamahalagang benepisyo ng breastfeeding sa premature baby.
Ayon sa mga pag-aaral, kapag ang mga preterm na sanggol ay eksklusibong pinapasuso, ang posibilidad na magkaroon sila ng pulmonya o mas malalang sakit ay talagang mas mababa kumpara sa mga pinapainom ng formula milk.
Ang dahilan ay habang nagkakaroon ng gatas ang ina, siya rin ay nagpapasa ng ilan sa kanyang mga antibodies.
Kapag ang isang bagong panganak na sanggol ay umiinom ng gatas ng ina, ang mga antibodies na nilalaman nito ay makakatulong na palakasin ang kanilang immune system at makakatulong sa paglaban sa sakit.
Ang pagpapasuso ay isa sa mga pinakamahusay na paraan para matiyak na sila ay mananatiling malusog at walang mga sakit. Tandaan ito bilang isa sa mga benepisyo ng breastfeeding sa premature baby.
Mabilis na paglaki ng preterm na sanggol, benepisyo ng breastfeeding
Ang mga premature baby ay may mas mataas na risk na magkaroon ng mga problema sa development kumpara mga full-term na sanggol. Sila ay hindi pa ganap na nabuo, kaya kailangan pa nilang mag “catch up” sa paglaki.
Isang paraan ng pagsukat ng paglaki ng preterm na sanggol ay ang pagsukat ng pagtaas ng kanilang timbang.
Gayunpaman, posibleng mas mabagal ang pagtaas ng timbang ng mga preterm na sanggol. Ito ay dahil ginagamit nila ang karamihan sa mga calorie na natatanggap nila para lumaki at gumaling.
Ang isang kamangha-manghang bagay tungkol sa gatas ng ina ay kung ang isang ina ay nanganak nang wala sa panahon, ang kanyang katawan ay gagawa ng gatas ayon sa mga pangangailangan ng kanyang bagong panganak na sanggol.
Ibig sabihin ang gatas ng ina ng mga preterm na sanggol ay kadalasang may mas maraming protina na nakakatulong sa pagpapalakas ng paglaki, at isang enzyme na tinatawag na lysozyme ang nagpapalakas sa immune system. Ito ay isa sa mga benepisyo ng breastfeeding sa premature baby.
Bilang karagdagan, ang kanilang gatas ay magkakaroon din ng mas maraming taba at mas kaunting lactose. Ginagamit ng mga preterm na sanggol ang taba para sa enerhiya, habang ang mas mababang lactose content ay ginagawang madaling madigest.
Dahil sa breastfeeding, ang mga preterm na sanggol, ay makakatanggap hindi lamang ng mahahalagang sustansya na kailangan ng kanilang lumalaking katawan, kundi pati na rin ng mga calorie na ginagamit ng kanilang katawan na enerhiya para sa paglaki.
Ibig sabihin, sa pagpapasuso, ang mga preterm na sanggol ay maaaring tumaba nang mas mabilis at makahabol sa mga full-term na sanggol.
Ang gatas ng ina ay madaling ma-digest
Isa pa sa mga benepisyo ng breastfeeding sa premature baby ay madali nilang madigest ito.
Ang isang problema sa formula milk ay kung minsan ay maaari itong maging sanhi ng mga allergic reactions. Kasama din ang mga impeksyon sa tiyan.
Ang mga problemang ito ay maaaring mukhang maliit sa ating mga nasa hustong gulang, ngunit para sa mga preterm na sanggol, maaari itong maging lubhang mapanganib.
Sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga preterm na sanggol ng gatas ng ina, ang mga problemang ito ay maiiwasan.
Paano ang pagpapasuso ng ina sa kanilang preterm baby?
Maaaring maging mahirap ang pagpapasuso sa mga preterm na sanggol, lalo na dahil ang ilang mga ina ay baka wala pang gatas kapag sila ay nanganak.
Narito ang ilang mga tip para sa mas madaling pagpapasuso sa isang premature baby:
- Ang mga preterm na sanggol ay maaaring mahirapang sumuso, kaya ang pagpapalabas ng iyong gatas sa pamamagitan ng kamay ay maaaring makatulong.
- Epektibo din ang paggamit ng breast pump, lalo na kung gusto mo na mag imbak ng iyong gatas.
- Ang skin-to skin contact ay mahalaga, at maaari pang makatulong na madagdagan ang iyong supply ng gatas. Kumunsulta sa iyong doktor kung ang iyong preterm na sanggol ay handa nang kumapit nang direkta sa dibdib.
- Siguraduhing kumain ng masusustansyang pagkain at uminom din ng maraming tubig para sa hydration na maaaring mag pataas ng supply ng iyong gatas.
- Subukang magpasuso nang madalas hangga’t maaari, dahil ang iyong katawan ay nagsisimulang gumawa ng mas maraming gatas kung regular kang magpapasuso.
- Ang pagmamasahe sa iyong mga suso ay maaari ring makatulong na mapabuti ang produksyon ng gatas.
- Huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa mga nurse o midwife kapag gusto mong pasusuhin ang iyong sanggol.
Maraming benepisyo para sa mga preterm na sanggol ang pagpapasuso. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tip na ito, maaari mong matiyak na ang iyong preterm na sanggol ay malusog at made-develop nang maayos habang siya ay lumalaki.