Ang pagpapadighay sa sanggol ay isang kailangang-kailangang bahagi ng pagpapakain ng sanggol. Dahil inaalis nito ang hangin na maaaring nakuha nila sa breastfeeding, bottle feeding, o pag iyak. Kapag ang mga sanggol ay hindi dumighay, ang labis na hangin ay nananatili sa kanilang mga katawan. Ito ay nagiging sanhi ng kanilang pagsusuka o pagka-maselan dahil sa gas. Narito ang iba’t ibang paraan ng pagpapadighay sa sanggol.
Nakasandal
Ito marahil ang paraan na pamilyar sa karamihan ng mga magulang na Pilipino. Pagkatapos ng pagpapakain, maglagay ng tuwalya sa balikat kung saan mo gustong isandal ang iyong sanggol. Kargahin siya patayo, gamit ang kaniyang baba sa ibabaw ng tuwalya. Suportahan ang kanilang katawan gamit ang isang kamay at gamitin ang isa pa para marahan silang kuskusin sa likod.
Ang isa pang alternatibo sa posisyon ay ilagay ang tiyan ng iyong sanggol sa iyong balikat. Kaya lang, mabuting gawin ang paraang ito kapag ang iyong anak ay may mas mahusay na kontrol na sa ulo.
Panghuli, tandaan na normal para sa sanggol na dumura o sumuka ng kaunting gatas habang dumidighay sa ganitong posisyon.
Nakaupo
Kung mas komportableng dumighay ang sanggol habang sila ay nakaupo, maaari mong gawin ito:
- Pagkatapos ng pagpapakain, iupo nang patayo ang sanggol sa iyong kandungan. Huwag kalimutang maghanda ng tuwalya kung sakaling dumura sila o magsuka ng kaunting gatas.
- Ilagay ang isang kamay sa kanilang tiyan;
- Ito ay naglalagay ng pressure na tumutulong sa kanila na dumighay.
- Gamit ang iyong kabilang kamay, dahan-dahang kuskusin ang kaniyang likod sa isang pabilog na galaw.
Nakahiga
Posible rin ang pagpapadighay habang nakadapa sya.
Maghanda ng tuwalya at itabi ito sa iyong kandungan. Idapa ang sanggol sa iyong kandungan na nakatagilid ang ulo. Kuskusin o dahan-dahang tapikin ang likod para tulungan siyang dumighay.
Sa halip na ilagay ang sanggol sa iyong kandungan, maaari mo ring buhatin gamit ang iyong bisig.
Mga Karagdagang Paalala Sa Pagpapadighay sa Sanggol
Bagama’t karaniwang ginagawa ang pagpapadighay sa sanggol pagkatapos ng sesyon ng pagpapakain, sinasabi ng ilang ulat na okay lang na dumighay sila sa kalagitnaan ng pagpapakain.
Inirerekomenda din ng mga eksperto ang pagpapadighay kapag:
- Nagpapalit ka ng suso habang nagpapasuso; o
- Inuubos ng iyong sanggol ang anumang dami ng gatas.
Ang dami ng kailangang dighay ng sanggol ay nag-iiba din. Halimbawa, ang mga bagong silang na sanggol na pinasuso ay malamang na hindi nangangailangan ng maraming pagdighay dahil mas kaunting hangin ang nakuha nila.
Kung nahihirapan ka sa pagpapadighay sa sanggol, subukang lumipat sa pagitan ng mga inirerekomendang posisyon. Kung hindi pa rin iyon gumana, ihinto muna o magpahinga; maaaring hindi na kailangang dumighay ang iyong sanggol.
Gayunpaman, ang mga sanggol na mukhang naiinis (patuloy silang nagbabago ng posisyon o hinihila ang kanilang mga binti pataas) habang at pagkatapos ng pagpapakain ay kadalasang talagang nangangailangan na dumighay. Upang matulungan sila, marahang igalaw ang kanilang mga binti pataas at pababa sa isang galaw ng pagbibisikleta.
Pagkatapos ng Pagpapadighay sa Sanggol
Malalaman mo na mayroon kang matagumpay na sesyon ng pagpapakain (at dumighay na sanggol) kung ang iyong sanggol ay kuntento at kumportable. Sa puntong ito, maaari kang magkaroon ng ilang oras sa kanila sa paglalaro o pag-asikaso sa kanilang iba pang mga kailangan, tulad ng pagpapalit ng lampin o paliligo.
Kailan Dapat Humingi ng Tulong Medikal
Kailangan mong dalhin ang iyong sanggol sa isang pediatrician kung madalas silang maging maselan at pagkatapos ng mga sesyon ng pagpapakain. Ang iba pang mga palatandaan na dapat bantayan ay kinabibilangan ng:
- Lagnat; lalo na kung sila ay wala pang 3 buwang gulang
- Hindi mapakali na pag-iyak
- Pamamaga ng fontanelle
- Mga problema sa paghinga
- Maputla o namumula ang balat
- Mukhang nahihirapang lumunok
- Ayaw kumain
- Patuloy na pagsusuka
- Progression ng abdominal distention
- Hindi dumudumi sa loob ng 5 araw
Key Takeaways
Ang pagpapadighay sa sanggol ay isang mahalagang bahagi ng pagpapakain sa sanggol para maiwasan ang pagkakaroon ng sobrang gas sa kanilang katawan. Ito ay maaaring maging sanhi ng kanilang pagiging iritable, makulit, at namimilipit. Ang magandang balita ay, maraming paraan para dumighay ang isang sanggol. Magagawa mo ito habang nakasandal siya sa iyong balikat, nakaupo, o nakahiga. Ang pagdura at pagsusuka ng kaunting gatas ay normal kapag pinadidighay sila.
Sa karamihan ng mga kaso, maaari mong ihinto ang pagpapadighay sa sanggol kapag umabot na sila sa 4 hanggang 6 na buwan. Pero maganda na maglagay ng mga tuwalya para sa pagdighay ng sanggol.