Hindi na tayo nagugulat kung humihilik ang mga matatanda, ngunit kapag mga sanggol na ang madalas na gumagawa nito, mag-uumpisa na ang pagtataka kung normal pa ba ito. Ang paghilik na nangyayari dahil nahaharangan ang daluyan ng hangin, ay maaaring senyales ng mas seryosong isyu sa kalusugan na kailangan ng agarang gamutan. Alamin ang mga impormasyon tungkol sa paghihilik ng baby.
Sa Pangkalahatan, Ang Paghihilik ng Baby ay Normal at Hindi Dapat Ipag-alala
Ang unang dapat tandaan tungkol sa paghihilik ng baby ay na normal ito at walang dapat alalahanin.
Sa pagpapaliwanag ng mga doktor, maliit lamang ang ilong ng sanggol at ang daanan ng hangin, kaya maging ang kaunting sipon ay maaaring magsanhi ng kanilang paghihilik o maingay na paghinga. Tinatawag pa nga ng ilang pediatricians ang mga sanggol na “biik” dahil sa ingay na ginagawa nila kapag humihinga.
Habang sila ay lumalaki, nagiging mas tahimik ang kanilang paghinga hanggang sa ganap na humupa ang paghihilik.
Kailan Dapat Mag-alala sa Paghihilik ng Baby
Bagama’t bihira lamang, ang paghihilik ng baby ay maaaring senyales ng kondisyong pangkalusugan na nangangailangan ng atensyong medikal.
Halimbawa, ang paghihilik ng baby ay hindi dapat makagambala sa pagtulog ng sanggol. Kung sila ay may mahabang paghinto sa paghinga na tila naghahabol ng hininga, ang pinakamahusay na gawin ay dalhin ang sanggol sa doktor sa lalong madaling panahon.
Ilan pa sa mga bagay na dapat bantayan ay ang mga sumusunod:
- Mas malalim na paghinga na nagpapalabas ng tadyang ng sanggol.
- Ungol, lalo na sa dulo ng paghinga.
- Flaring o paglaki ng butas ng ilong
- Patuloy na pag-ubo o isang malakas na ubo na tila tumatahol, maaaring senyales ng croup
- Mataas na lagnat
- Mga sintomas ng sipon o tulad ng trangkaso at iba pang palatandaan ng sakit
Mga Posibleng Sanhi ng Paghihilik ng Baby
Ang nasa ibaba ay mga potensyal na sanhi ng paghihilik ng baby:
Baradong Ilong
Kalimitan, barado ang ilong kaya humihilik ang sanggol. Ang sipon ay humaharang sa daanan ng hangin, kaya hindi nakadadaanan ng banayad ang hangin na nagiging sanhi ng maingay na paghinga.
Kung ito ang sanhi, kaagad na mapapansin ito ng magulang dahil sa sipon. Ang mga remedyo sa bahay na makatutulong ay mas pagpapasuso at paggamit ng nasal saline drops.
Dalhin na sa doktor ang sanggol kung hindi naging mabuti o mas lumala ang paghihilik ng baby pagkatapos gawin ang mga remedyo sa bahay na nabanggit.
Deviated Septum
Ang deviated septum ay nangyayari kung ang cartilage na naghahati sa nasal cavity ay wala sa gitna. Nakatala sa mga report na ito ay common: humigit-kumulang 20% ng mga bagong silang ang mayroon nito [3].
Tandaan na karamihan ng mga sanggol na may deviated septum ay hindi nakakaranas ng anumang senyales at sintomas. Nakadepende pa rin sa deviation, kung ang kondisyong ito ay magiging sanhi ng hirap o problema sa paghinga, at paninikip ng dibdib.
Namamagang Tonsils at Adenoids
Ang paghihilik ng baby ay maaari ring dahil sa namamagang tonsils at adenoids. Ito ay mga organ na matatagpuan sa likod ng lalamunan.
Kapag ang tonsils at adenoids ay mas malaki kaysa karaniwan o namamaga dahil sa impeksyon (tonsilitis, at iba pa), maaring maputol ang daloy ng hangin at magdulot ng paghilik.
Habang maraming kaso ng pamamaga ng tonsils at adenoids ay hindi humahantong sa mga sintomas, ilan sa mga bata ay mas nais na huminga sa pamamagitan ng bibig [4]. Dapat pansinin ng magulang ang paghinga sa bibig dahil maaaring makagambala ito sa pagkain ng sanggol.
Samantala, kung ito ay dahil sa impeksyon, dapat obserbahan ng mga magulang ang iba pang sintomas tulad ng lagnat.
Obstructive Sleep Apnea (OSA)
Panghuli, ang paghihilk ng baby ay maaaring sanhi ng sleep apnea, isang kondisyon kung saan hindi sinasadyang humihinto ang paghinga sa maikling panahon habang natutulog.
Sa mga sanggol, ang mga posibleng sanhi ng OSA ay:
- Laryngomalacia o ang inspiratory collapse ng laryngeal tissues.
- Pagliit ng posterior nasal airway (choanal atresia)
- Cleft palate
- Subglottic stenosis
Key Takeaways
Gayunpaman, ang paghihilik ay maaaring senyales din ng iba pang problemang pangkalusugan na kailangan ng gamutan. Kung nag-aalala ka, kuhanan ng bidyo ang sanggol habang natutulog at ipakita ito sa doktor.
Matuto pa tungkol sa pangangalaga ng sanggol dito.