Unang beses mo mang maging nanay, o nag-aalaga ng pangalawa o pangatlong anak, maaaring naitatanong mo palagi kung nakakakuha ba ng sapat na tulog ang iyong sanggol. O kung komportable ba siya sa pagtulog. Ano nga ba ang safety tips sa paggamit ng kumot ng baby?
Normal lang na mag-alala ka sa kalidad ng pagtulog ng iyong baby. Sa isang pag-aaral noong 2017, sinuportahan ng mga mananaliksik ang resulta ng nagdaang pag-aaral na ang pagtulog ng baby ay nakakaambag sa kanilang physical at cognitive growth.
Gayunpaman, hindi sumusunod ang baby sa tipikal na sleep pattern na mayroon tayo.
Natutulog ng may kabuoang 16 oras bawat araw ang mga bagong silang na sanggol. O walong oras sa araw at walo hanggang 9 na oras sa gabi. Magbabago ang ganitong pagtulog sa mga susunod na buwan. Nababawasan ang haba ng kanilang pagtulog.
Mapanghamon ang pagtitiyak ng magandang kalidad ng pagtulog para sa iyong baby. Ngunit may mga comforter at kumot ng baby na maaaring makatulong sa kanilang malalim na pagtulog. Gayunpaman, maaaring malagay sa panganib ang baby kung hindi wasto ang paggamit ng mga bagay na katulad ng mga ito.
Comforter at Kumot ng Baby: Mga Dapat Mong Malaman
Ang mga comforter at kumot ng baby ay malalambot na mga kagamitang nagbibigay ng seguridad at nakapagpapakalma sa mga sanggol at toddler. Totoo ito lalo na kapag hindi sila natutulog katabi ng kanilang mga magulang.
Panganib ng Paggamit ng Kumot na Comforter
May panganib ang paggamit ng comforter at kumot ng baby para sa mga bagong silang na sanggol. Ayon ito sa Updated Recommendations for Safe Infant Sleeping Environment na inilathala ng American Academy of Pediatrics (AAP) sa taong 2016.
Narito ang mga posibleng panganib ng paggamit ng nabanggit na bagay sa mga sanggol:
Sudden Infant Death Syndrome (SIDS)
Tumutukoy ito sa biglaang pagkamatay ng baby na kadalasang nangyayari sa unang 6 na buwan ng bata matapos ipanganak. Bagaman hindi pa rin tukoy ang sanhi ng SIDS, sumasang-ayon ang mga eksperto na nangyayari ito dahil sa karaniwang dahilang may kinalaman sa paggamit ng kumot ng baby, comforters, at iba pang malalambot na unan at laruan na nasa crib at nakapalibot sa sanggol.
Suffocation at Entrapment
Kabilang sa suffocation ang pagharang sa hingahan ng mga sanggol. Ang entrapment naman ay mailalarawan bilang “trapped” o pagkakapiit sa isang partikular na sitwasyon.
Dahil hindi nila kayang ayusin ang kanilang kumot, madali nilang maiposisyon ang sarili sa ilalim ng sapin. At maaaring hindi nila maalis ang sarili sa ilalim ng kumot. Maaari itong mauwi sa suffocation kung hindi maaagapan.
Posible rin itong mangyari kapag naharangan ang airways ng mga sanggol ng malalaking sapin, unan, kumot, at iba pang gamit.
Strangulation
Maaari itong mangyari kapag hindi nakakakuha ng oxygen ang isang tao dahil sa traumatic injuries dulot ng pressure sa leeg. Sa kasong ito, maaaring maipit ang mukha o leeg ng iyong baby ng malalambot na bagay at mauwi sa strangulation, lalo na kung mapapabayaan.
Nakalalasong kemikal
May mga gamit sa kama na gawa sa nakalalasong kemikal na puwedeng magdulot ng iritasyon, pananakit ng ulo, at iba pang malulubhang komplikasyon tulad ng asthma at cancer.
Paano Matitiyak ang Kaligtasan ng Baby
Gaya ng rekomendasyon ng mga eksperto, dapat na ilayo ng mga magulang ang mga soft clothing, tulad ng comforter at kumot ng baby sa lugar na tinutulugan ng bata. Maaari itong magdulot ng panganib ng suffocation, entrapment, strangulation, o Sudden Infant Death Syndrome o SIDS.
Sa halip, pinakamainam na magkaroon ng “firm sleep surface” ang tinutulugan ng sanggol. Kabilang dito ang fitted sheets at walang iba pang delikadong gamit o bagay ang nasa ilalim at nasa paligid ng crib.
Bukod dito, inirerekomenda rin ng mga eksperto na gumamit na lang ng mga damit pantulog ng baby sa halip na kumot ng baby. Kabilang dito ang pajamas, medyas, at swaddles na gawa sa malalambot na tela tulad ng cotton.
Kapag naging toddler na ang baby, puwede na silang matulog nang may kumot. Gayunpaman, dapat matiyak ng mga magulang na kaya na ng kanilang anak na matulog gamit ang mga malalambot na beddings sa crib.
Tandaang ang mga binanggit na panganib ay maaari ding mangyari sa mga toddler.
Key Takeaways
Sa kabila nito, maaari lang gamitin ang mga soft beddings sa mga toddler at hindi sa mga bagong panganak na sanggol.
Kaya’t kailangang maging maingat ng mga magulang sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang anumang klase ng comforter, kumot ng baby, at iba pang gamit ay malayo sa tulugan ng sanggol upang maiwasan ang posibleng panganib sa kaligtasan ng sanggol.
Matuto pa tungkol sa baby care tips dito.