Ano ang mabisang gamot sa rashes ng baby? Ang ating mga munting anghel ay nangangailangan ng lubos na pag-aalaga at atensyon. Ito ay dahil sila ay napakahina at hindi pa nila kayang alagaan ang kanilang sarili. Ano ang dapat nating gawin kung magkaroon ng rashes ang baby?
Gamot sa Rashes ng Baby: Ano ang rashes?
Bago natin alamin kung ano ang gamot sa rashes ng baby, alamin muna natin kung ano ito.
Ang rashes ay ang pangangati o pamamaga ng balat. Tinatawag din itong dermatitis. Maaari itong tuyo, parang kaliskis, makati, at kulay pula.
Karagdagan pa sa mga sintomas na ito, ang rashes ay maaari ding samahan ng mga tagihawat, paltos, bukol, at butlig.
Maraming sanhi ang rashes. Ito ay maaaring:
- bunsod ng allergies
- resulta ng labis na physical contact
- sintomas ng mas malubhang sakit o komplikasyon (halimbawa, ang rashes na sinamahan ng lagnat ay maaaring sintomas ng mas malubhang kondisyon)
Normal ang magkaroon ng rashes. Gayunpaman, ang ibang rashes ay mas malubha kaysa sa ibang uri nito. Kaya naman mahalagang bantayan ang mga baby kung magkaroon sila nito.
Gamot sa Rashes ng Baby: Mga Uri ng Rashes ng Baby
Cradle Cap
Pinakakaraniwan sa mga bagong silang na sanggol ang cradle cap. Ito ay makapal, kulay dilaw, magaspang, o malangis na patches sa anit ng baby. Nawawala rin ito nang kusa makalipas ang ilang mga buwan.
Diaper Rash
Ang diaper rash ay makikita sa pisngi ng puwit ng baby o sa bahagi ng katawan na nababalutan ng diaper. Ito ay kadalasang sanhi ng pangangati o impeksyon dahil sa matagal na pagkakadikit sa dumi ng baby. Ang materyal at tela ng diaper ay maaari ding dahilan ng pangangati, o magbunsod ng allergies.
Milia
Maraming baby ang ipinanganak ng may maliit na puting butlig sa paligid ng ilong, baba, o pisngi. Ang tawag sa rashes na ito ay Milia. Mawawala rin ito makalipas ng ilang araw. Siguraduhing hugasan ang mukha ng baby gamit ang maligamgam na tubig at non-irritant na sabon.
Baby Acne
Ang baby acne ay madalas na nakikita bilang kulay pulang butlig sa paligid ng pisngi. Ito ay kadalasang dahil sa pagkakadikit sa hormone ng ina habang nasa loob ng tiyan. Tulad ng ibang karaniwang rashes ng baby, mawawala rin ito sa loob ng ilang linggo o buwan.
Heat Rash
Ang heat rash ay karaniwan kung ang panahon ay mainit at mahalumigmig. Ang mga baby na overdressed ay may mas mataas na tyansang magkaroon nito. Lumilitaw ang heat rash bilang maliit na kulay pulang matulis na butlig sa balat ng baby. Dalhin ang iyong anak sa mas malamig na lugar o bihisan siya ng mas maginhawang damit.
Baby Eczema
Ang baby eczema ay tuyo, parang kaliskis, at makating balat. Karamihan sa mga batang may eczema ay lumalaki nang may ganitong kondisyon. Upang magamot ito, hugasan ang balat ng iyong baby tuwing ikatlong araw kaysa araw-araw. Ito ay dahil ang kaniyang balat ay mas sensitibo kaysa sa iba. Maaari ding subukan ang paggamit ng moisturizing ointments at creams na inaprubahan ng iyong doktor.
Karamihan sa baby rashes ay nawawala nang kusa. Ngunit ang iyong doktor ay maaaring magrekomenda ng topical ointments o creams, maging ng oral antibiotics kung sa palagay niya ay kinakailangan.
Gamot sa Rashes ng Baby: Home Remedies
Narito ang ilang home remedies upang magamot ang baby rashes. Laging kumonsulta sa iyong doktor upang humingi ng payo at kung susubok ng bagong produkto para sa iyong baby.
Gamot sa Rashes ng Baby: Tamang Diaper Hygiene
Ang tamang hygiene ay lubhang nakatutulong upang magamot at maiwasan ang baby rashes. Hayaang makahinga ang balat ng iyong baby.
Ang pagdaragdag ng daloy ng hangin ay nakatutulong din upang mawala ang rashes ng baby. Ang ibang rashes ay dahil sa masikip na damit o pagiging overdressed. Laging siguraduhing komportable ang iyong anak sa kanyang damit at diaper.
Witch Hazel
May ilang mga pag-aaral na nagsasabing ang paggamit ng ointment na may sangkap na Witch Hazel ay makatutulong upang mawala ang rashes.
Calendula at Aloe Vera
Ang Calendula at Aloe Vera ay lubhang mabisa rin upang magamot ang rashes ng baby.
Shampoo Clay o Bentonite
May ilan ding mga pag-aaral na nagpapakitang ang bentonite ay epektibong gamot para sa diaper rash.
Gamot sa Rashes ng Baby: Kailan Dapat Pumunta sa Ospital?
Kailangang mabahala kung bukod sa rashes, ang baby ay:
- Nakararanas ng stiff neck
- Naaapektuhan ng liwanag
- Nalilito o mukhang nalilito
- Hindi makontrol ang panginginig
- Nakararanas ng hindi humuhupang lagnat
- Hindi karaniwan ang panlalamig ng mga kamay at paa
- Nakararanas ng rashes na hindi nawawala kung pindutin ng baso
Key Takeaways
Ang baby rash ay isang karaniwang kondisyon at ito ay hindi lubhang nakababahala. Ang gamot sa rashes ng baby ay kadalasang tamang paglilinis, ointments, at creams. Kung ang rashes ng iyong baby ay tila mas seryoso kaysa sa karaniwan, agad na kumonsulta sa iyong doktor.
Matuto pa tungkol sa Pag-Aalaga ng Baby dito.