Pinapahalagahan ng maraming Pilipino ang iba’t ibang kultura at tradisyon na mayroon sa Pilipinas. Madalas na isinasabuhay ito sa abot na makakaya ng mga Pilipino bilang bahagi ng araw-araw na pamumuhay. Pero lahat ba ng kultura at tradisyon ng mga Pilipino ay epektibo?
Isa sa mga kultura ng mga Pilipino ay ang paggamit ng bigkis sa sanggol hanggang sa matanggal ang kanilang umbilical. Ayon pa sa matandang kaugalian kapag sinisikipan ang bigkis ng baby ay mas humihina ang pag-iyak nito. Habang sa paniniwala naman ng mga manghihilot ang pagbibigkis lalo sa babaeng sanggol ay nakakatulong para maging flat ang puson at balingkinitan ang katawan paglaki. Kaya dapat maging angkop ang sikip ng bigkis sa sanggol upang ma-achieve ang mga benepisyong ito. Pinaniniwalaan din na kapag binibigkisan ang baby ay mas nagiging maganda ang itsura ng pusod ng anak hanggang sa lumaki ito.
Sa medical aspect naman, batay muli sa paniniwala ng mga nakatatanda, ang pagbibigkis sa baby ay nakakatulong para mapawi ang kabag at iba pang sakit sa tiyan ng baby na dahilan ng walang humpay na iyak.
Pero alam mo ba na ang lahat ng kultura at paniniwala na ito tungkol sa bigkis ng sanggol ay salungat sa bilin ng ating mga doktor? Alamin sa artikulong ito ang dahilan.
Bakit Hindi Recommendable Ang Bigkis Sa Sanggol?
Nauso ang pagbibigkis dahil sa kagustuhan na protektahan ang pusod ng mga bagong panganak na sanggol. Ngunit hindi ito recommendable ng mga doktor. Sapagkat maaari itong makasagabal sa maayos at normal na paghinga ng baby. Maaari din siyang mas malungad at masuka dahil sa pagbibigkis. Wala ring scientific study na magpapatunay sa mga benepisyong nabanggit tungkol sa bigkis ng baby.
Narito pa ang ilang mga dahilan na dapat mong malaman kung bakit hindi recommendable ang pagbibigkis:
Hindi agarang pagkatuyo ng umbilical stump
Ayon sa mga doktor mas matutuyo ang umbilical stump ng ating anak kung hahayaan itong kusang matuyo at nakalabas. Magaganap lamang ito kung hindi bibigkisan ang anak, dahil ang air-drying ang pinakaligtas at mabilis na paraan upang matanggal ang umbilical stump ng baby.
Pagkakaroon ng impeksyon sa pusod
Batay sa interbyu ni Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician maaaring maging source ng impeksyon ang bigkis, lalo na kung mamasa-masa ito. Pwede raw kasing malagyan ng ihi ang bigkis lalo na kung ang bata ay lalaki dahil maaaring pataas ang ihi nito.
Tandaan mo rin na kapag binalot ang umbilical stump ng bigkis, pwede itong maging sanhi para makulong ang moisture na magreresulta sa pagdami ng bakterya. Ang pagbibigkis din ang pwedeng maging dahilan ng pagsisimula ng mga impeksyon na hindi nakikita dahil nakabalot ito.
Bakit Ginagawa Ang Pagbibigkis Sa Baby?
Bagamat marami na ang medical study na tumatalakay na hindi kailangan ang paggamit ng bigkis sa baby, may mga magulang pa rin na patuloy itong ginagawa. Ito’y dahil sa maling paniniwala at impormasyon tungkol sa pangangalaga ng pusod ng sanggol. Idagdag mo pa ang pag-aalala ng mga magulang sa pagiging sensitibo ng abdominal area ng anak.
Sa pag-iingat sa pusod ng bagong panganak na sanggol kinakailangan na mapanatiling malinis ang pusod hanggang sa matanggal at matuyo ng kusa ang naiwan na “umbilical stump”. Karaniwan na ginagamit ang bigkis sa mga sumusunod na dahilan:
- proteksyon sa pusod
- hindi magasgas ang pusod
- maiwasan na masagi ng damit at lampin ang pusod
- maiwasan ang impeksyon
Paano Dapat Alagaan Ang Pusod Ng Baby?
Narito ang ilang tips sa kung paano pwede alagaan ang pusod ng baby na hindi gumagamit ng bigkis:
- regular at angkop na paglilinis ng umbilical stump
- pagpapatuyo ng umbilical stump sa natural na paraan upang matanggal ito nang kusa
- siguraduhin na malinis ang kamay kapag lilinisin at hahawakan ang pusod o paligid ng pusod ng bagong panganak na sanggol
- sa oras na mabasa ng ihi o malagyan ng dumi ang pusod, punasan ito gamit ang bulak na nagtataglay ng kaunting tubig, saka punasan nang dahan-dahan ng malinis na tela o tuwalya
Ano Ang Mga Dapat Mong Tandaan?
Kapag hindi pa kusang natatanggal ang umbilical stump ng iyong anak, hindi pa sila dapat paliguan sa bathtub. Maaari mo lang sila punasan o magsagawa ng sponge bath upang maging ligtas ang paglilinis sa kanila.
Huwag mo ring kalilimutan na magtanong sa doktor ng mga ilang gawi paano linisin ang anak na hindi pa natatanggalan ng umbilical stump.
Sa oras naman na matanggal ang umbilical stump ng anak i-check kung mayroong sugat, pamamaga, nana, pamumula, o mabahong amoy na nagmumula sa pusod. Mahalaga na gawin ito upang maipa-check agad sa doktor ang anak at malaman kung may impeksyon ba ito.
[embed-health-tool-baby-poop-tool]