backup og meta

Baby Bathtub Na May Net: Mga Tips Sa Paggamit Ng Ganitong Bath Tub

Baby Bathtub Na May Net: Mga Tips Sa Paggamit Ng Ganitong Bath Tub

Ang pag aalaga sa isang sanggol na hindi pa makalakad, makakain, at makakagawa ng mga bagay nang mag-isa ay hindi isang madaling trabaho. At isa sa pinaka nakakatakot at pinakamahirap na gawain ng isang magulang ay ang pagpapaligo sa sanggol. Ang common challenge sa oras ng paliligo ay ang paliguan ang umiiyak at nanginginig na sanggol. Isama pa na mahirap hawakan ang sanggol dahil sa madulas ang tubig at sabon. Kaya kailangan ba ng baby bathtub na may net?

Ang bathtime ay dapat na isang magandang sandali ng bonding sa iyong anak. Pero sa tototo lang, ito ay nagiging ugat ng anxiety para sa mga magulang at mga sanggol.

Ang susi sa matagumpay at kasiya-siyang oras ng pagligo ay ang pagkakaroon ng mga tamang bagay na sakto sa mga pangangailangan ng iyong sanggol. Ano ang mga bagay na dapat meron ka sa pagliligo ng iyong sanggol?

Baby bathtub at iba pang bath products na kakailanganin mo

Para padaliin ang iyong trabaho, ihanda lahat ang mga kailangan bago magsimula. Hassle ang pag pabalik balik dahil may mga nakalimutan at maiiwan na mag-isa si baby. 

Mga kakailanganin sa baby bath:

  • Isang warm at safe na lugar para sa paliligo ni baby. Dapat ito ay patag na ibabaw at may sapat na espasyo para sa mga gamit sa paliguan na madaling maabot.
  • Dalawang malinis na tuwalya o isang blanket (isang may hood kung meron ka nito). Gagamitin mo ang una sa pagbalot sa sanggol habang pinaliliguan siya, ang isa naman ay para sa pagpapatuyo.
  • Malinis na washcloth o baby bath sponge. Huwag gumamit ng magaspang na washcloth na makakasakit sa balat ni baby.
  • Baby bath soap o head-to-toe baby wash. Kailangan mo na mag trial and error para mahanap ang tamang sabon sa balat ng iyong baby. Pumili ng bath soap na walang harmful ingredients, mas mabuti ang natural hangga’t maaari. Pumili ng banayad na panlinis, sabon, o panghugas ng katawan na fragrance-free.
  • Maghanda ng malinis na damit. Ang sanggol, lalo na ang mga bagong silang, ay mas mahirap na pakalmahin pagkatapos maligo, kaya mabuti na maihanda ang malinis na damit ng sanggol.
  • Tiyaking tama ang init ng tubig. Ang tubig ay hindi dapat mainit o masyadong malamig. Ito ay dapat na tulad ng temperatura ng iyong katawan, o kapag inilubog mo ang iyong balat dito, ito ay medyo mainit.
  • Ihanda ang bathtub. Siguraduhing linisin muna ang bathtub gamit ang sabon at tubig. Huwag punuin ng tubig, tamang dami lang para banlawan ang iyong sanggol. 

Karamihan sa mga bathtub ay may iba’t ibang feature na angkop sa edad at pangangailangan ng iyong sanggol. Pero sa dami ng iba’t ibang uri ng mga bathtub sa merkado ngayon, medyo mahirap pumili. Anong uri ng baby tub ang kailangan ng iyong anak?

Baby Bathtub na may Net

Noong araw, karamihan sa mga sanggol ay pinaliliguan sa lababo o palanggana na puno ng maligamgam na tubig. Habang hawak ang sanggol gamit ang isang kamay, ang kabilang kamay naman ay magsasabon sa katawan at magbabanlaw ng tubig. 

Okay pa rin naman ito, kaya lang potensyal na mapanganib sa napakaraming bagay. Isa pa, ang lababo o ang palanggana ay baka hindi malinis dahil ito ay ginagamit para sa iba pang gawain. Bagama’t ang ilang mga tao ay gumagamit pa rin ng kusina o lababo sa banyo para paliguan ang isang sanggol, ang iba ay gumagamit ng mga baby bathtub.

Ang baby bathtub ay isang plastic na paliguan na ginagamit sa pagpapaligo ng sanggol. Ito ay mas maliit kaysa sa isang regular na laki ng bathtub na kasya sa laki ng isang sanggol. Ang baby bathtub na may net ay isang popular choice dahil ang net feature ay makakatulong sa pagsuporta sa leeg at likod ng iyong sanggol.

Hindi mo kailangan ng baby bathtub na may net, pero mas nagiging madali ang oras ng pagpapaligo.

Ang mga dapat tandaan sa pagpili ng mga baby bathtub ay:

  • Tamang sukat ng bathtub. Kung ang tub ay masyadong maliit, hindi dito makakagalaw ng komportable ang baby. Kung ito naman ay masyadong malaki, ang baby ay maaaring madulas at dumulas sa loob at delikado sa pagkalunod. Tingnan din ang taas ng batya. Sakto dapat para sa iyo na umupo o lumuhod nang komportable sa tabi nito kapag pinaliguan mo ang iyong baby.
  • Siguraduhin na ang materyal na ginamit ay matibay at madaling linisin. Bumili ng bathtub na tatagal hanggang sa hindi na ito kailangan ng iyong sanggol. Dapat din ay madaling linisin para maiwasan ang mga impeksyon at sakit. Kung ikaw ay bibili ng baby bathtub na may net siguraduhing linisin nang mabuti ang net para iwas sa build-up ng mga mikrobyo at bakterya
  • Bumili ng baby bathtub na okay sa iyong badyet. Isa o dalawang taon lamang gagamitin ng iyong sanggol ang bathtub, depende sa kanyang gusto. Kaya siguraduhing bumili ng pangmatagalang tub para sa sulit na presyo. Puede kang bumili ng mga second-hand na baby bathtub, siguraduhin lang na nasa mabuting kondisyon. Linisin ito ng maigi bago gamitin. Huwag bumili ng mga nagamit nang bathtub net o bath seat.

Paano gumamit ng baby bathtub na may net?

  • Ibaba ang iyong sanggol sa baby bathtub. Ilagay ang kanyang katawan sa ibabaw ng net (para sa mga bagong silang: ilagay ang iyong kamay sa ilalim ng leeg ng sanggol bilang suporta). Siguraduhing nakabalot ng tuwalya ang katawan ng sanggol. Ito ay magbibigay-daan sa iyo na kumilos pababa mula ulo hanggang katawan at para hindi lamigin ang sanggol.
  • Simulang basain ang ulo at katawan ng sanggol. Huwag magbuhos ng maraming tubig nang direkta sa mukha. Gamitin ang iyong mga kamay para sa pagbabanlaw.
  • Sabunin at banlawan ng maigi. Habang ang iyong sanggol ay nasa baby bathtub na may net gumamit ng kaunting sabon at dahan-dahang punasan ang katawan ng iyong sanggol gamit ang malambot na washcloth. Iwasan ang mga mata, tainga at ilong. Siguraduhing punasan ang leeg sa likod at iba pang mahirap abutin na lugar
  • Pagkatapos banlawan, balutin ng tuyong tuwalya o blanket ang iyong sanggol. Siguraduhing tuyuin siya ng mabuti bago bihisan ng malinis na damit at lampin. Panatilihing mabilis at maikli ang oras ng paliligo upang maiwasan na lamigin ang iyong sanggol.
  • Linisin ang baby bathtub pagkatapos gamitin. Siguraduhing kuskusin ang tub at net ng sabon at tubig at hayaang matuyo.

Key Takeaways

Ang pag-aalaga sa isang sanggol ay kailangan ng sobrang pag-iingat, pagsasaliksik, at pag-aaral. Humingi ng payo at tulong sa iyong mga magulang o iba pang miyembro ng pamilya na may karanasan sa pangangalaga ng bata. Manatiling kalmado kapag nag-aalaga ng iyong sanggol.
Ang oras ng pagligo ay maaaring maging isang kasiya-siyang sandali, hindi lamang para sa sanggol, kundi pati na rin sa mga magulang. Ngunit maaari rin itong maging delikado kaya maging maingat kapag hinahawakan ang iyong sanggol. Subukan ang isang baby bathtub na may net para matulungan ka sa pang-araw-araw na gawaing ito.
Humingi ng tulong hanggang sa makuha mo itong gawin na mag-isa. Ang mga unang taon ng iyong anak ay hindi magtatagal, kaya’t gawin ang bawat sandali na hindi malilimutan.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Bathing Your Baby – HealthyChildren.org, https://www.healthychildren.org/English/ages-stages/baby/bathing-skin-care/Pages/Bathing-Your-Newborn.aspx Acccessed March 24, 2021

Baby bath basics: A parent’s guide – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/infant-and-toddler-health/in-depth/healthy-baby/art-20044438 Acccessed March 24, 2021

Washing and bathing your baby – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/baby/caring-for-a-newborn/washing-and-bathing-your-baby/ Acccessed March 24, 2021

Adelli Pilliteri, ‘Maternal Newborn Nursing, Care of Growing Family, 2nd edition (1978) Little Brown and Company, Philadelphia

Adelli Pilliteri, Child Health Nursing, Care of the Child and Family, (1999) Lippincott, Los Angeles, California

Bathing your Baby – Nationwide Children’s Hospital, https://www.nationwidechildrens.org/family-resources-education/health-wellness-and-safety-resources/helping-hands/bathing-your-baby Acccessed March 24, 2021

Kasalukuyang Version

03/22/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Ruben Macapinlac, MD, DPPS

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Hindi Mapatahan Si Baby? Narito Ang 5 Tips!

Anong Marapat Gawin Kung May Singaw Si Baby?


Narebyung medikal ni

Ruben Macapinlac, MD, DPPS

Pediatrics · Philippine Pediatric Society


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement