Malaki ang ginagampanan ng magandang nutrisyon pagdating sa paglaki at pag-unlad ng inyong sanggol. Makatutulong sa mga magulang na makagawa ng desisyon sa kung ano ang dapat kainin ng kanilang anak ang pag-alam sa nutrisyong kailangan ng mga sanggol na nasa edad 0-12 na buwan.
Sa pagbibigay ng eksaktong uri ng pagkaing kailangan nila, makatitiyak ang mga magulang na lalaki ang kanilang mga sanggol nang malusog at malakas.
Nakararanas ng maraming pagbabago sa katawan ang mga sanggol habang sila ay lumalaki at umuunlad sa kanilang unang taon. Ang mabilis na paglaki at pagbabagong ito ng mga sanggol ang dahilan kung bakit kailangan nila ng mahahalagang nutrisyon upang matiyak na nasa tama ang lahat.
Kung walang wastong nutrisyon, maaaring magkaroon ng cognitive at developmental problems ang mga sanggol, o lumaking may mahinang immune system.
Ito ang dahilan kung bakit pagdating sa nutrisyon ng sanggol, dapat na maging priyoridad ang mga pagkaing taglay ang maraming vitamins at minerals. Kapag mas maganda ang kalidad ng sustansyang nakukuha ng sanggol sa kanyang kinakain, mas magiging malusog siya at mas maayos ang kanyang paglaki.
Kailangang Mabigyan Ang Mga Sanggol Ng Tamang Uri Ng Pagkain
Gayunpaman, may higit pang dapat isipin sa pagkain ng sanggol bukod pa sa pagiging masustansya nito. Ang pagkain ng sanggol ay dapat akma sa kanilang edad.
Halimbawa, maaari lamang uminom ng breast milk ang mga bagong panganak na sanggol, ngunit sa kanilang paglaki, magsisimula na silang kumain ng malalambot na pagkain, at kalaunan, makakakain na rin sila ng matitigas na pagkain kapag sila ay isang taon na pataas (toddler age).
Sa pagbibigay ng tamang klase ng pagkain, makatitiyak ang mga magulang na nakukuha ng kanilang sanggol ang lahat ng sustansya na mahalaga sa kanilang paglaki.
Gabay Sa Pagkain
Narito ang pangkalahatang gabay pagdating sa sustansyang kinakailangan ng mga sanggol edad 0-12 na buwan:
Para Sa Mga Bagong Panganak Na Sanggol
- Mainam ang gatas ng ina sa mga bagong panganak na sanggol hanggang 6 na buwan (at maaaring ipagpatuloy pa hanggang sa magkasundo ang ina at ang kanyang anak na puwede nang itigil ang pagpapadede). Gayunpaman, puwede pa ring dumede sa ina ang mga batang higit nang anim na buwan kasabay ng pagpapakain ng solid food.
- Kailangang simulan agad ang pagpapasuso sa sanggol pagkapanganak pa lamang.
- Ang pagpapasuso ng ina ay nakapagbibigay ng lahat ng nutrisyon na kailangan ng lumalaking sanggol.
- Para sa mga ina na hindi makapagpasuso, maaaring ipamalit ang formula milk. Gayunpaman, inirerekomenda pa rin ng mga doktor ang pagpapasuso lamang sa sanggol. Kumonsulta muna sa iyong doktor/pediatrician bago simulang gumamit ng formula milk.
Mahalagang tandaan na hindi pareho-pareho ang lahat ng formula milk. Sa pagpili ng tamang formula milk para sa iyong sanggol, palaging kumonsulta sa iyong doktor.
Solid Food
- Ang malalambot/matitigas na pagkain ay hindi pamalit sa gatas ng ina. Isa lamang itong pandagdag sa gatas na nakukuha sa ina.
- Unti-unting pakainin ng malalambot at matitigas na pagkain. Maghintay ng 3-4 na araw bago bigyang muli ng panibagong matitigas na pagkain.
- Gumamit ng maliit na kutsara sa tuwing magpapakain ng sanggol, at pakainin lamang sila nang kaunti upang hindi mabulunan.
- Huwag pilitin ang inyong anak na ubusin ang kanilang pagkain, lalo na kung busog na sila.
- Sa ika-6 hanggang 8 buwan ng bata, simulang pakainin siya ng malalambot na pagkain na mabilis matunaw sa tiyan.
- Para sa mga sanggol na nasa 8-10 buwang gulang, tiyaking pira-pirasuhin ang malalaking hiwa ng pagkain.
- Iwasan ang paggamit ng asin at asukal sa paghahanda ng pagkain ng iyong anak.
Ano Ang Dapat Iwasan?
- Hindi kailangan ng bagong silang na sanggol na uminom ng tubig dahil sapat na ang gatas ng ina upang maibigay ang tubig na kanyang kailangan.
- Dapat iwasan ang honey sa unang taon ng bata dahil magiging sanhi ito ng infant botulism.
- Ang gatas ng baka ay dapat ding iwasan, at hindi dapat gamitin bilang kapalit ng gatas ng ina.
- Iwasan ang maagang pagbibigay ng matitigas na pagkain dahil magdudulot ito ng sobrang timbang sa iyong anak.
- Ang cereals na may iron ay dapat ding iwasan hanggang sa maging 18 buwan na ang iyong anak.
Key Nutrients Para Sa Growth and Development
Narito ang listahan ng mga mahahalagang sustansyang sasapat sa nutrisyong kailangan ng mga sanggol edad 0-12 na buwan.
Carbohydrates
Mahalaga ang carbohydrates dahil nagbibigay ito ng lakas na kailangan ng lumalaking sanggol. Ito ang nagsisilbing pangunahing pinagmumulan ng lakas ng mga sanggol, at mahalagang matiyak na nakakukuha sila ng sapat na carbohydrates upang masuportahan ang kanilang paglaki at pag-unlad.
Nakakukuha ng sapat na carbohydrates ang mga bagong silang na sanggol sa gatas ng ina, ngunit maaari namang makakuha nito ang mga mas may edad nang sanggol mula sa kanin, tinapay, at kamote.
Protina
Ang protina ay isang mahalagang sustansya na nakatutulong upang makompleto ang kinakailangang sustansya ng mga sanggol na nasa edad 0-12 na buwan. Tumutulong ito sa pagbuo ng muscles, at tumutulong rin sa pagbuo at pagsasaayos ng tissues ng mga mata, balat, puso, baga, utak, at iba pang organs.
Responsable rin ang protina sa paglikha ng hormones na kailangan sa normal na paglaki at development ng mga sanggol.
Kabilang sa mga pagkaing mayaman sa protina ang gatas ng ina, itlog, legumes, karneng walang taba, manok, at isda.
Fat
Para sa karamihan sa matatanda, hindi bahagi ng masustansyang pagkain ang fat. Ngunit para sa mga sanggol, ang fat ay mahalagang bahagi sa nutrisyon ng sanggol.
Nakatutulong ang fat na magbigayd ng lakas sa mga sanggol, nagbibigay daan sa pagsipsip ng fat-soluble vitamins, at tumutulong rin sa development ng utak.
Ang gatas ng ina at infant milk ay kaya nang magbigay ng kinakailangang fat para sa paglaki at development ng sanggol. Gayunpaman, may iba pang puwedeng pagkunan ng fat gaya ng butter, vegetable oil, at fatty fish tulad ng tuna at salmon.
Ngunit mahalagang limitahan ang pagkonsumo ng fat sa mga sanggol dahil maaari itong maging sanhi ng mga problema kung makakakain ng marami nito.
Vitamins A, D, E, C
Ang vitamins A, D, E, at C ay mahahalagang vitamins na nakatutulong sa pag-regulate ng maayos na takbo ng katawan, at nakatutulong rin sa normal na paglaki at development ng mga sanggol.
- Nakatutulong ang vitamin A sa pagkakaroon ng maayos na paningin, malusog na balat at immune system.
- Nakatutulong ang vitamin D sa pagbuo ng mga buto, at tamang pagsipsip ng calcium at phosphorus sa katawan.
- Ang vitamin E ay nakatutulong na protektahan ang Vitamin A sa katawan, at upang maiwasan ang pagkasira ng tissues.
- Nakatutulong ang vitamin C sa pagbuo ng collagen na mahalaga sa development ng buto, cartilage, mga ugat, at iba pang connective tissue. Nakatutulong din ito sa pagpapagaling ng mga sugat, mas maayos na pagsipsip ng katawan ng iron, at nagpapalakas ng immune system.
Matatagpuan ang vitamins na ito sa gatas ng ina, maging sa mga prutas at gulay. Mas maganda kung nakakakain ng mas maraming prutas at gulay ang iyong sanggol upang makakuha ng vitamins at minerals na kailangan nila upang lumaki.
B Vitamins
Kasama sa B Vitamins ang B1,B2,B6,B12, niacin, thiamine, at folate. Mahalaga ang vitamins na ito sa pag-regulate ng takbo ng katawan, at maging ng development ng utak.
Nakatutulong din ito sa pagkakaroon ng malusog na selula at metabolismo nito.
Tulad ng iba pang vitamins, matatagpuan ang B vitamins sa gatas ng ina at maging sa mga prutas at gulay.
Calcium
Nakatutulong ang calcium sa malusog na buto at development ng mga ngipin, blood clotting, at pagpapanatili ng nerves at muscles.
Ang pinakamainam na pagkunan ng calcium para sa mga sanggol ay gatas ng ina o infant formula.
Iron
Mahalagang sustansya ang iron pagdating sa produksyon ng red blood cells. Nakatutulong rin ito upang maiwasan ang iron deficiency anemia sa mga sanggol.
Matatagpuan ito sa gatas ng ina, formula milk, red meat, isda, atay, at legumes.
Mas mainam na kunin ito sa mga nabanggit na pagkain, kaysa sa mga gamot dahil mas madali itong masipsip ng katawan.
Zinc
Ang zinc ay isang sustansya na nakatutulong sa pagpapagaling ng sugat, blood formation, at pagbuo ng protina sa katawan. Bukod dyan, nakatutulong rin itong suportahan ang immune system ng lumalaking sanggol.
Ang magandang pagkunan ng zinc ay ang gatas ng ina, red meat, isda, itlog, at atay.
Sodium
Ang sodium ay isang mineral na nakatutulong sa pagpapanatili ng balanseng tubig sa katawan, nag-re-regulate ng dami ng dugo, at tumitiyak sa takbo ng cells at cell membranes.
Kadalasan, naibibigay na ng gatas ng ina at ng formula milk ang lahat ng sodium na kailangan ng lumalaking sanggol.
Bagaman natatagpuan ang sodium sa asin, mas mainam kung iwasan ang pagdagdag ng asin sa pagkain ng iyong anak dahil hindi pa nila kailangan ang maraming asin sa kanilang edad.
Tubig
At huli, mahalagang sustansya ang tubig na kailangan ng katawan ng iyong sanggol. Nakatutulong ito sa pagsasaayos ng takbo ng bato (kidney), metabolism, at maging sa paghahatid ng mga sustansya sa buong katawan. Nakatutulong rin ito sa pagsasaayos ng temperatura ng katawan.
Para sa mga sanggol edad 0-4 na buwang gulang, lahat ng kailangan nilang tubig ay matatagpuan na sa gatas ng ina. Gayunpaman, kapag nagsimula nang kumain ng matitigas na pagkain ang bata, kailangan din nilang uminom ng tubig bilang bahagi ng kanilang pagkain.
Nutritional Breakdown
Narito ang breakdown ng kung gaano karaming sustansya ang kailangan ng iyong anak:
Nutritional Requirements Para Sa Mga Sanggol:
Carbohydrates
0-6 na buwan: 60 grams kada araw
6-12 na buwan: 90 grams kada araw
Protina
0-6 na buwan: 9.1 grams kada araw
6-12 na buwan: 11 grams kada araw
Fat
0-6 na buwan: 31 grams kada araw
6-12 na buwan: 30 grams kada araw
Vitamins A, D, E, C
0-6 na buwan:
- 400 µg vitamin A
- 5 µg vitamin D
- 4 mg vitamin E,
- 40 mg vitamin C kada araw
6-12 na buwan
- 500 µg vitamin A
- 25 µg vitamin D
- 5 mg vitamin E
- 50 mg vitamin C kada araw
B Vitamins
0-6 na buwan: 0.1 to 0.3 mg kada araw
6-12 na buwan: 0.3 to 0.4 mg kada araw
Folate
0-6 na buwan: 65 µg kada araw
6-12 na buwan: 80 µg kada araw
Niacin
0-6 na buwan: 2 mg kada araw
6-12 na buwan: 4 mg kada araw
Calcium
0-6 buwan: 210 mg kada araw
6-12 buwan: 270 mg kada araw
Iron
0-6 buwan: 0.27 mg kada araw
6-12 buwan: 11 mg kada araw
Zinc
0-6 na buwan: 4 mg kada araw
6-12 na buwan: 5 mg kada araw
Sodium
0-6 na buwan: 100 to 200 mg kada araw
6-12 na buwan: 100 to 200 mg kada araw
Tubig
0-6 na buwan: tubig lamang mula sa gatas ng ina
6-12 na buwan: 4-8 ounces ng tubig
Key Takeaways
Sa pagkakaroon ng kaalaman sa kinakailangang nutrisyon para sa mga sanggol, mas maibibigay mo ang kinakailangang pagkain ng iyong anak.
Mahalaga ring kumonsulta sa doktor ng iyong sanggol kung may gusto kang malaman tungkol sa nutrisyon ng sanggol. Sila ang mas makapagbibigay ng pinakamagandang sagot na kailangan mo upang matulungang maalagaan ang iyong anak.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.
[embed-health-tool-vaccination-tool]