Ang breastfeeding ay napatunayang pinakamainam na paraan upang bigyan ng nutrisyon ang isang bagong silang na sanggol. Sa katunayan, ayon sa World Health Organization, ang breast milk ay nagbibigay ng lahat ng nutrisyong kailangan ng isang bagong silang na sanggol sa unang anim na buwan ng buhay nito. Higit pa sa nutrisyon ang mga benepisyong naibibigay ng breastfeeding; ito rin ay bonding ng ina at ng sanggol. Pinatunayan ng mga pag-aaral na ang mga batang uminom ng gatas ng ina ay nakararanas ng mas kaunting impeksyon, sakit sa respiratory, problema sa gastrointestinal, at allergies kumpara sa mga hindi breast milk ang ininom. Gusto mo ba ng inspirasyon habang nagpapasuso sa iyong anak? Narito ang ilang breastfeeding quotes para sa mga ina.
Ang Breast Milk Ay Higit Pa Sa Pagkain, Ito Ay Isang Seguridad
Maraming pangangailangan ang mga bagong silang na sanggol, at ang tanging paraan upang maipahayag nila ang kanilang hindi kagustuhan o hindi komportableng pakiramdam ay sa pamamagitan ng pag-iyak. At dahil malabo pa ang kanilang paningin sa unang mga buwan, ang paghawak sa kanila ay isang malaking bagay. Kaya ang breastfeeding ay nakatutulong upang maramdaman nilang sila ay ligtas.
Hindi tulad ng mga mas matatandang sanggol at nakatatanda na nangangailangan ng iba’t ibang mga pagkain, ang mga bagong silang na sanggol ay nangangailangan lamang ng breastmilk. Ayon nga kay Grantly Dick-Read, isang British obstetrician:
“Ang isang bagong silang na sanggol ay nangangailangan lamang ng tatlong bagay. Ito ay ang init ng mga braso ng kanyang ina, pagkain mula sa suso nito, at seguridad sa pamamagitan ng kanyang presensya. Lahat ito ay naibibigay ng breastfeeding.”
Ang Breastfeeding Ay Hindi Lamang Mainam Para Sa Mga Sanggol
Isa sa mga pinakamainam na breastfeeding quotes para sa mga ina na nagpapakitang ang breastfeeding ay hindi lamang mainam para sa mga sanggol ay nagmula kay Pamela K. Wiggins. Sinabi niyang:
“Ang breastfeeding ay isang regalo ng ina sa kanyang sarili, sa kanyang anak, at sa mundo.”
At totoong ang pagpapasuso ay may marami ring benepisyo sa mga ina. Nakatutulong ang breastfeeding upang mabilis na mabawasan ang kanyang timbang. Ito rin ay nagsisilbing natural na birth control sa loob ng ilang mga buwan. Higit pa rito, sinasabi ng mga eksperto na ang mga inang nagpapasuso ay may mas mababang tyansa ng pagkakaroon ng mga malulubhang kondisyon, tulad ng type 2 Diabetes, cancer sa obaryo, cancer sa suso, at altapresyon.
Tandaan, Hindi Ka Habambuhay Na Magpapasuso
Sumasang-ayon ang mga ina na mahirap ang magpasuso. Hindi lamang ang regular na pagpapasuso ang kailangang gawin ng mga ina na nangangahulugan ng kawalan ng tulog sa gabi. Kailangan din nilang isipin ang iba pang mga bagay-bagay, tulad ng mainam na posisyon at wastong pagsuso ng sanggol. At syempre, nariyan din ang pag-pump ng gatas at pagtatago nito.
Kung ikaw ay nagpapasuso, maaaring pakiramdam mo na ang mga araw (at gabi) ay mas mahaba. Ngunit sinabi ni Gretchin Rubin na:
“Mahahaba ang mga araw, subalit maiikli ang mga taon.”
Darating din ang araw na hindi na breast milk ang kakailanganin ng iyong anak, kundi solid foods na. Sa loob ng isang taon, maaaring marinig mo na ang unang salitang kanyang bibigkasin at makikita mo na ang kanyang unang hakbang.
Kaya, padayon! Kung iisipin, ang breastfeeding ay maliit na bahagi lamang ng pagkabata, subalit ito ay pangmatagalang mga epekto.
Subalit Ang Breastfeeding Ay Hindi Para Sa Lahat
Ayon kay Amy Spangler:
“Bagama’t ang breastfeeding ay maaaring hindi ang mainam para sa lahat ng mga magulang, ito naman ang pinakamabuti para sa lahat ng mga sanggol.”
Sa ibang salita, ang breastfeeding ay hindi para sa lahat. Ang ilang ina ay walang sapat na suplay ng gatas. At sa iba naman, ito ay contraindicated para sa kanila.
Kung sinubukan mo nang gawin ang lahat ng ipinayo ng iyong doktor at hindi mo pa rin mapasuso ang iyong anak, huwag mo masyadong pahirapan ang iyong sarili. Tandaan na ito ay isang aspekto ng kanilang paglaki at pagdebelop.
Key Takeaways
Ang breastfeeding ay mahirap na bahagi ng pagiging isang ina. Subalit ito man ay may kaakibat na mga paghihirap, ito rin naman ang lubhang nagbibigay ng kasiyahan. Ang iyong pinakamamahal na anak ay hindi lamang magkakaroon ng proteksyon laban sa mga sakit, maaari din kayong makabuo ng magandang samahan. Nakabubuti rin ang breastfeeding para sa mga ina.
Kung minsang ikaw ay nalulungkot, balikan lamang ang breastfeeding quotes para sa mga ina upang muling magkaroon ng lakas at inspirasyon.
Matuto pa tungkol sa Breastfeeding dito.