Ano ang galactorrhea? Ito ay nangangahulugang “pagdaloy ng gatas”. Ito ay kung ang may lumalabas na gatas sa utong ng isang tao na hindi kaugnay ng pagpapasuso o normal na produksyon ng gatas. Ang galactorrhea syndrome ay maaaring mangyari kaninoman — maging sa mga kalalakihan at sa mga sanggol. Narito ang mga dapat mong malaman tungkol sa kung ano ang galactorrhea.
1. Ang galactorrhea ay HINDI isang medikal na kondisyon
Maaaring iyong isipin na ang galactorrhea ay isang sakit o kondisyong pangkalusugan, subalit ito ay hindi. Ano ang galactorrhea? Sa maraming mga kaso, ito ay isang indikasyon ng isa pang medikal na problema o resulta ng mga tiyak na gamot. Gayunpaman, may mga pagkakataon ding ang galactorrhea ay nangyayari nang walang partikular na dahilan.
2. May maraming posibleng sanhi ang galactorrhea
Maraming mga bagay ang maaaring magresulta sa galactorrhea, tulad ng mga kondisyong pangkalusugan, pag-inom ng gamot o herbal, injury o pagkasira ng nerve, at maging stress. Narito ang iba pang mga potensyal na sanhi:
Mga kondisyong pangkalusugan
- Hypothyroidism, kung ang iyong thyroid gland ay hindi nagpoprodyus ng sapat na hormones upang makontrol ang iyong metabolismo and iba pang paggana ng katawan
- Tumor sa spinal cord
- Tumor sa pituitary gland
- Malubhang sakit sa bato
Mga gamot o herbal
- Ang ilang antihypersensitive na gamot, antipsychotic drugs, antidepressants, at sedatives ay may kaugnayan sa galactorrhea syndrome.
- Paggamit ng opioid
- Fenugreek seed, anise, at fennel
- Contraceptive pills
Injury at Pagkasira ng Nerve
Ang injury, pagkasira ng nerve, at operasyon sa dibdib at spinal cord ay may kaugnayan din sa galactorrhea.
3. Ang galactorrhea ay maaari ding walang tiyak na sanhi
May mga pagkakataon din kung kailan ang galactorrhea ay nangyayari nang walang partikular na dahilan. Ang pasyente ay maaaring makaranas ng overstimulation ng suso, na maaaring mangyari habang nakikipagtalik, nagkikiskisan ang balat at damit, o sinusuri nang mag-isa ang suso.
Maaari ding ang tissues ng suso ng pasyente ay sobrang sensitibo sa prolactin. Nangangahulugan itong kahit na siya ay may normal na lebel ng prolactin sa dugo, nakapagpoprodyus pa rin siya ng gatas.
4. Hindi lamang ito nangyayari sa mga kababaihan
Bagama’t ang galactorrhea ay pinakakaraniwang nangyayari sa mga kababaihan (maging ang mga wala pang anak o nasa yugto na ng menopause), ang mga kalalakihan ay maaari din itong maranasan. Sa mga kalalakihan, ito ay kadalasang sinasabayan ng paglaki ng suso at kakulangan ng testosterone.
Higit sa lahat, ang mga sanggol ay maaari ding magkaroon ng panandaliang galactorrhea. Kadalasan, ito ay dulot ng maternal estrogen na napupunta sa placenta. Ang hormone ay maaaring maging dahilan ng paglaki ng dibdib ng sanggol at maging sanhi ng paglabas ng gatas mula sa utong nito. Mabuti na lamang at kadalasan itong nagagamot nang walang gamutan.
5. Ang paglabas ng gatas mula sa utong ay maaaring mangyari nang walang mga sintomas
Ang pangunahing senyales ng galactorrhea syndrome ay ang paglabas ng gatas mula sa utong. Maaaring ang kulay ng discharge na ito ay malinaw, madilaw-dilaw, o puti at ito ay maaaring mangyari nang madalas o madalang. Depende sa iba pang sanhi, ang pasyente ay maaari ding makaranas ng mga sumusunod:
- Panunuyo sa bahagi ng puki
- Pananakit ng ulo
- Amenorrhea
- Mababang libido
- Erectile dysfunction
- Tigyawat
- Pagtubo ng bagong buhok sa dibdib o suso
6. Ang gamutan ay nakadepende sa sanhi ng galactorrhea
Kung sa palagay ng iyong doktor ay mayroon kang galactorrhea syndrome, maaari siyang magsagawa ng mga pagsusuri upang matukoy ang sanhi ng iyong kondisyon. Magpapasya siya ng iyong gamutan batay sa sanhi ng itong galactorrhea at ng mga kaugnay na sintomas:
- Mayroon ka bang normal na lebel ng prolactin? Kung oo, marahil ay irerekomenda ng iyong doktor ang pag-iwas sa overstimulation ng suso o utong. Sa kabilang banda, tutugunan din ang iyong mataas na lebel ng prolactin.
- Kung ikaw ay may galactorrhea dulot ng tiyak na mga gamot, susubukan munang baguhin ng doktor ang iyong gamot at titingnan kung matutugunan nito ang problema. Maaaring ipayo sa iyo ang pagtigil sa pag-inom nito kung ito ay herbal.
- Kung ang lumalabas na gatas ay resulta ng iba pang kondisyong pangkalusugan, ito muna ang unang tutugunan.
Key Takeaways
Ano ang galactorrhea? Ito ay nangangahulugang “pagdaloy ng gatas”. Nangyayari ito kung ang isang tao ay nagkakaroon ng paglabas ng gatas mula sa utong na hindi kaugnay ng normal na produksyon ng gatas o pagpapasuso. May maraming posibleng sanhi ang galactorrhea, tulad ng iba pang mga kondisyong pangkalusugan, pag-inom ng mga tiyak na gamot, injury o pagkasira ng nerve sa dibdib o spinal cord, overstimulation ng suso at nipples, pagiging sobrang sensitibo sa prolactin sa dugo, at maging stress. Kung ikaw ay may galactorrhea, agad na kumonsulta sa iyong doktor.
Matuto pa tungkol sa Pagpapasuso dito.