Dahil sa kanilang mausisa at mapaglarong pag-uugali, lalo na kung sila ay nasa labas, madalas na maranasan ng mga bata ang makagat ng lamok. Paano mo magagamot ang pamamantal mula sa kagat ng lamok sa mga bata at kailan mo sila dapat na dalhin sa doktor dahil dito? Alamin rito.
Mga Uri Ng Reaksyon Sa Kagat Ng Lamok
Marami sa atin ang hindi nagdadalawang isip pagdating sa kagat ng lamok. Kung tutuusin, nagdadala lamang sila ng kaunting kahirapan/iritasyon. Subalit, tandaan na ang tao, kabilang ang mga bata, ay maaaring magkaroon ng iba pang reaksyon sa kagat ng lamok maliban sa pamamantal.
Sa ibaba ay ang mga posibleng reaksyon:
Makakating umbok – Ito marahil ang pinakakaraniwang reaksyon sa kagat ng lamok. Matapos na maramdaman ng iyong anak ang kagat, maaari nilang mapansin ang maliit at kulay pulang umbok na kadalasang makati. Ang mga pulang bukol ay ang reaksyon ng katawan sa laway ng lamok, na nahahalo kapag sumipsip sila ng dugo sa iyong balat.
Allergic reaction – Sa ibang mga kaso, ang kagat ng lamok ay nagiging sanhi ng allergic reactions katulad ng malalaking pantal at mga paltos. Bihira, ang isang malubhang allergic reaction (anaphylaxis) ay maaaring mangyari dahil sa kagat ng lamok.
Mga sakit – At panghuli, ang ilang mga kagat ng lamok ay maaaring magdala ng mga sakit katulad ng dengue at malaria.
Paano Mapangalagaan Ang Mamamantal Mula Sa Kagat Ng Lamok?
Bago natin talakayin ang ilang tips upang maiwasan ang kagat ng lamok, pag-usapan muna natin ang mga lunas na maaaring gawin sa bahay para sa pamamantal.
Mabuti na lamang, ang mga umbok sa balat ay nagtatagal lamang ng ilang oras o araw. Upang mabawasan ang pamamantal, maaari ninyong gawin ang mga sumusunod:
- Turuan ang inyong mga anak na huwag kamutin ang kinagatan ng lamok. Ang pagkakamot ay maaaring maka-irita pa sa apektadong bahagi at manganib ito na maging impeksyon.
- Gupitin nang maikli ang kanilang kuko. Ito ay pag-iingat kung sakaling hindi mapigilan ng iyong anak na magkamot.
- Gumamit ng mga nabibiling produkto kapag ang pamamantal ay masyadong makati. Ang 1% ng hydrocortisone cream o ointment ay madalas na epektibo. Ipahid ito sa apektadong bahagi tatlong beses sa isang araw hanggang sa mawala ang pangangati.
- Kapag wala ang pareho, iminumungkahi ng mga eksperto na gumamit ng cold compress. Maglagay ng piraso ng yelo sa basang tela and ilagay ito sa makating pantal sa loob ng 20 minuto.
- Maaaring maglagay ng nabibiling anti-allergy ointment kapag ang pamamantal ay nangangati pa rin sa kabila pagsasagawa ng mga lunas na nabanggit sa itaas.
[embed-health-tool-child-growth-chart]
Dengue: Mga Dapat Mong Malaman
Nakukuha ang dengue sa pamamagitan ng kagat ng lamok.
Ang mga karaniwang sintomas ay kinasasangkutan ng pananakit ng mga kalamnan at kasukasuan, pananakit ng ulo, lagnat, namamagang lymph nodes, at rashes sa buong katawan.
Ang paggamit ng mga mosquito nets, mosquito repellent lotions, at pagsusuot ng mga long-sleeve na damit ay makatutulong upang maiwasang makagat ng lamok na nagiging sanhi ng dengue.
Sa kasalukuyan, wala pang tiyak na lunas para sa dengue.
Ang pinakamainam na paraan para maiwasan ang dengue ay ang pagpapanatiling malinis ng kapaligiran at pag-iwas sa mga nakaimbak na tubig.
Kailan Dapat Humingi Ng Tulong-Medikal?
Sa pangkalahatan, ang kagat ng lamok sa mga bata ay hindi mapanganib, kahit na ang umbok at pamumula ng pantal ay tumagal ng ilang araw (4 na araw). Ngunit kung napapansin mo ang mga sumusunod na palatandaan, dalhin na ang iyong anak sa doktor:
- Ang mapulang bahagi o guhit ay kumakalat.
- Nagrereklamo ang iyong anak na masama ang pakiramdam o mukhang masama ang pakiramdam
- Ang umbok ay lumalaki 48 oras matapos siyang makagat
- Mayroong lagnat ang iyong anak o nilalamig kasama ng ilang sintomas katulad ng sakit ng ulo, masakit na laman at kasukasuan at pagsusuka. Ang mga sintomas na ito ay nagpapahiwatig ng sakit katulad ng dengue fever.
Panghuli, kung ang iyong anak ay nahihirapan na sa paghinga o paglunok, dalhin kaagad siya sa ospital. Ang mga sintomas na ito ay nagpapahiwatig ng malubhang allergic reaction.
Paano Maiiwasan Ang Kagat Ng Lamok?
Ang magandang balita ay maaari mong maiwasan na makagat ng lamok ang iyong anak. Sundin ang mga sumusunod na hakbang:
- Magpahid ng insect repellent sa balat ng iyong anak, lalo na sa mga nakalantad na balat.
- Regular na linisin at tanggalin ang mga nakaimbak na tubig sa loob at sa labas ng bahay. Ginagamit ito ng mga lamok sa pangingitlog.
- Iwasan ang pagpasok ng lamok sa inyong tahanan sa pamamagitan ng pag-aayos o paglalagay ng screen.
- Panatilihing balot ang katawan ng inyong anak, lalo na kung pupunta sa mga lugar na may maraming lamok. Pagsuotin sila ng damit na may mahabang manggas, pantalon o medyas.
- Iwasan ang maninipis at masisikip na damit dahil maaari pa ring makakagat ang mga lamok dito. Kung maaari, pwedeng maglagay ng repellent spray sa kanilang mga damit.
Key Takeaways
Ang pamamantal mula sa kagat ng lamok ay karaniwan sa mga bata, dala ng kanilang mapaglaro at mapaglakbay na pag-uugali. Sa pangkalahatan, maaaring magamot ang maliliit, at makakating umbok sa bahay kasama ng mga nabibiling pamahid. Upang makaiwas sa kagat ng lamok, siguraduhin na palaging maglinis, balutin ang katawan at gumamit ng mosquito repellents.
Matuto ng higit pa ukol sa Pangangalaga sa Balat ng mga Bata rito.