Mayroong mga sakit na kapag tumama sa mga matanda ay mabilis gumaling at mild lang ang mga sintomas, ngunit kapag bata o sanggol naman ang nagkasakit ay lubhang nakamamatay. Isa sa mga sakit na ito ang tinatawag na RSV o respiratory synctial virus.
Magbasa dito at alamin kung ano ang sakit na ito, paano ito magagamot, at kung paano ito maiiwasan.
Ano ang RSV?
Ang RSV o respiratory synctial virus ay isang virus na nai-infect ang lungs at respiratory tract. Kadalasan, ang mga sintomas ng sakit na ito ay katulad lamang ng sipon, at nawawala rin pagtagal.
Masasabing pangkaraniwang sakit ang RSV, at malaki ang posibilidad na karamihan ng mga bata ay nagkaroon na ng ganitong sakit kapag 2-taong gulang na sila. Gayunpaman, mayroon ring panganib na dala ang RSV lalong-lalo na sa mga sanggol.
Ito ay dahil posible itong magdulot ng severe na infection sa mga batang edad 12 buwan pababa, pati na rin sa mga nakatatanda, mga may mahinang immune system, o kaya ang mga may problema sa baga o respiratory system. Kapag hindi maagapan ay ma aari itong makamatay.
Kaya hindi dapat basta-bastang balewalain ang sintomas ng sipon, lalong-lalo na sa mga sanggol.
Anu-ano ang mga sintomas nito?
Depende sa kung sino ang nagkasakit ay maaaring maging iba ang sintomas ng RSV. Heto ang karaniwang sintomas ng sakit na ito:
- Baradong ilong
- Dry cough
- Lagnat
- Sore throat
- Pananakit ng ulo
Para naman sa mga mas severe na kaso ng respiratory synctial virus, heto ang mga posibleng maging sintomas:
- Mataas na lagnat
- Malalang ubo
- Hirap sa paghinga
- Pagkakaroon ng cyanosis o pagiging kulay blue ng balat
Sa mga sanggol na posibleng may RSV, heto ang mga sintomas na dapat bantayan:
- Lagnat
- Inuubo
- Ayaw kumain
- Matinding pagod
- Pagiging iritable o iyakin
- Nahihirapang huminga
Kapag ang iyong sanggol ay mayroong mga sintomas na ito, mas mabuting ipa-check up agad sa doktor upang malaman kung RSV nga ba o hindi. Mahalagang maagapan agad ang RSV dahil ito ay labis na mapanganib sa mga sanggol. Kung ito ay agad na ma-detect, mas mabibigyan ng wastong lunas ang sakit na ito.
Paano ito nagagamot?
Para sa mga regular na kaso ng RSV, ang paraan ng paggamot ay walang pinagkaiba sa paggamot sa sipon. Kailangan ng sapat na pahinga, pag-inom ng tubig at fluids, at pag-inom rin ng mga gamot tulad ng paracetamol na maaaring makatulong sa sintomas na nararamdaman. Ganito rin ang magiging gamutan para sa mga batang posibleng may RSV, pero hindi naman nagpapakita ng seryosong mga sintomas.
Ngunit para sa mga mas seryosong kaso ng respiratory synctial virus, ang pinakamainam na gawin ay dalhin agad sa doktor. Ito ay dahil posibleng mahirapang huminga ang pasyenteng may RSV, at makatutulong kung sila ay mabigyan ng oxygen at ng mga gamot na makukuha lamang sa ospital.
Isang dapat tandaan pagdating sa RSV ay hindi ito nagagamot ng antibiotics. Ito ay dahil viral ang pinagmumulan ng RSV, kaya’t walang magagawa ang mga antibiotics laban dito. Mahalaga ring tandaan na ang RSV ay isang nakahahawang sakit. Kaya mahalagang umiwas sa mga bata o sanggol ang mga may sintomas nito, dahil posible silang makahawa.
Paano ito maiiwasan?
Ang pinakasimpleng paraan para makaiwas sa RSV ay ang paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa mga taong may sintomas. Kung mag-aalaga ka ng sanggol, mahalagang maghugas muna ng kamay. Kung mayroong mga bata sa bahay, mahalaga ring turuan silang maghugas ng kamay, at umiwas sa mga sanggol kung sila ay mayroong sipon o kaya ubo.
Mayroon ring bakuna laban sa RSV na maaaring ibigay sa mga nanay na nasa 32-36 weeks ng pagbubuntis. Ang bakuna na ito ay maaaring makatulong para makaiwas sa severe na kaso ng RSV ang kanilang ipinagdadalang sanggol.
Sa mga sanggol na ipinanganak na, mayroon ring bakuna na maaaring ibigay. Gayunpaman, hindi ito nagbibigay ng immunity bagkus pinapalakas lang ang antibodies laban sa RSV upang maprotektahan sila ng ilang buwan. Ibig sabihin, posible pa rin silang mahawa ng respiratory synctial virus kapag nawala na ang bisa ng bakuna.
[embed-health-tool-vaccination-tool]