Kapag ininom nang araw-araw ang multivitamins, kaya nitong magbigay ng magandang pundasyon ng kalusugan. Bukod pa sa proteksiyong naibibigay na panlaban sa stress, kakulangan sa tulog, o kakulangan sa ehersisyo. Ipinaliwanag ng Nutritionist na si Dawn Lerman na kahit na may sinasabing “perfect” diet, ang mga isyung nabanggit ay nagpapahirap sa katawang makuha ang tamang sustansya. Ang kakulangan sa iron, partikular, ay puwedeng magdulot ng kakulangan sa energy, mapababa ang brain function, at ang red blood cells na hindi ganoon kalusog.
Kahalagahan ng iron sa multivitamins
Isang mineral ang iron na ginagamit ng katawan upang makagawa ng dalawang protina: ang hemoglobin at myoglobin. Tumutulong ang hemoglobin sa red blood cells na magdala ng oxygen sa baga papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Samantala, dinadala naman ng myoglobin ang oxygen sa iyong mga kalamnan o muscle. Mahalaga rin ang iron sa paggawa ng hormones, at maging ng tendons, ligaments, at iba pang connective tissues.
“Dapat na nasa iyong multivitamins ang iron, ngunit hindi lahat ay nangangailangan ng parehong dami ng iron,” payo ni Lerman. Sapagkat mahalaga ang iron sa mabilis na paglaki at development, higit itong mahalaga habang lumalaki ang isang bata. Minsan, nagkakaroon ng learning problems ang mga batang may anemia dahil sa kakulangan sa iron. Kaya’t mahalagang maging malay ang mga magulang kung may sapat bang iron ang multivitamins na iniinom ng kanilang anak.
Kakulangan sa Iron ng mga sanggol
Tinatayang 10% ng mga sanggol at toddlers ay hindi nakakukuha ng sapat na iron. Maaaring walang sapat na iron ang mga premature o underweight na sanggol. Kahit ang mga full-term babies ay may sapat lamang na iron para sa ilang buwan bago ito maubos. Kung hindi ito mapapalitan, maaaring mauwi ang kakulangan sa iron sa attention at behavior problems kalaunan.
Isang pag-aaral ang sumuri sa bisa ng multivitamins na may iron bilang prophylaxis na panlaban sa kakulangan sa iron at anemia para sa mga sanggol. Kasama dito ang mga full-term at malulusog na sanggol. Nagbigay ang kanilang mga magulang ng multivitamins na may iron o wala sa loob ng tatlong buwan. Nang ipainom ito araw-araw simula sa ika-6 na buwan, ang standard-dose ng multivitamins na may iron ay lumabas na nagpababa ng anemia sa ika-9 na buwan ng sanggol.
sa isa pang pag-aaral, ang multivitamins na may iron ay hindi epektibo sa pag-iwas sa iron deficiency anemia sa siyam na buwang gulang na sanggol. Gayunpaman, napatunayang mahalagang dulog upang makaiwas sa iron deficiency para sa mga high risk na bata ang mabisang pag-iwas at paggamot sa maternal anemia habang nagbubuntis, at pagbibigay ng multivitamins na mayroon o walang iron habang bata pa.
Kailangan ba ng iyong anak ng multivitamins?
Idinagdag naman ni Jay L. Hoeker, M.D. na “hindi kailangan ang multivitamins ng karamihan sa mga batang normal ang paglaki”. Sinabi niya ring hindi dahil mapili ang ilang mga bata pagdating sa pagkain, ibig sabihin agad na may kakulangan na sila sa nutrisyon. Dahil maraming karaniwang pagkain ang may taglay na mahahalagang sustansya, kabilang na ang iron.
Makipag-usap sa doktor ng iyong anak kung nais mong malaman kung nakakakuha ba siya ng inirerekomendang level ng vitamins at minerals. Maaaring makatulong sa iyong anak ang pag-inom ng multivitamins sa mga sumusunod na sitwasyon:
- Delay sa physical at developmental growth
- May ilang matinding sakit o allergies sa pagkain ang bata
- May restrictive diet ang bata, tulad ng strict vegan diet
Kung inirekomenda ng doktor ang multivitamins sa iyong anak, pumili ng multivitamin na naaayon sa edad ng iyong anak. Bukod dyan, tiyaking hindi nito naibibigay ang lagpas pa sa 100% value ng vitamins at minerals na kailangan niya sa araw-araw. At huli, ilayo ang multivitamins sa naaabot ng iyong anak. Ipaliwanag sa kanilang hindi ito kendi.
Key Takeaways
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng bata dito.
[embed-health-tool-vaccination-tool]