Ang strep throat ay isang pangkaraniwang kondisyon sa mga batang may edad 5 hanggang 15 taong gulang. At bagama’t maraming bata ang kakailanganin lamang na magtiis ng pananakit ng lalamunan at ang mga kasamang banayad na sintomas nito, ang ilan ay maaari ring magkaroon ng scarlet fever o scarlatina, isang nakahahawang bacterial infection. Paano mo malalaman kung ang iyong anak ay nakararanas ng parehong strep throat at scarlet fever? Alamin dito kung ano ang scarlet fever.
Ano ang Scarlet Fever?
Nagdudulot ng scarlet fever ang group A Streptococcus bacteria. Ang strain ng bacteria na ito ay kadalasang nagdudulot din ng strep throat, kaya naman karamihan sa mga bata na may scarlet fever ay mayroon ding strep throat (ngunit hindi vice versa).
Dahil ang bacteria ay nabubuhay sa ilong, lalamunan at sa balat din, ang mga tao ay maaaring magsilbing carrier ng bacteria. Gayunpaman, karaniwan itong kumakalat sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo, o kahit na pakikipag-usap.
Maaaring makakuha ng scarlet fever kung mahinga mo ang mga droplet na naglalaman ng naturang bacteria, mahawakan ang kontaminadong ibabaw at pagkatapos ay hahawakan ang iyong ilong o bibig, o makihati ng baso, plato, o kagamitan na ginamit ng isang taong nahawahan nito.
Tandaan: Kahit sino ay maaaring magkaroon ng scarlet fever, ngunit ito ay pinakakaraniwan sa mga batang may edad 5 hanggang 15 taong gulang.
Ano ang Scarlet Fever At ang mga Senyales at Sintomas Nito?
Para sa mga taong nagtatanong kung ano ang scarlet fever, ang isang natatanging senyales ng scarlatina ay ang pula o bright pink na pantal sa buong katawan. Ang pantal ay unang lumilitaw sa mukha o leeg (maliban para sa singsing sa paligid ng bibig), pagkatapos ay kumakalat sa trunk, at pagkatapos ay sa mga paa. Nagiging maputla ang mga pantal kapag ang mga ito ay pinindot. At panghuli, ang pantal ay parang papel de liha at maaaring makati.
Bukod sa pantal, ang mga tupi ng balat sa leeg, kili-kili, siko, tuhod, at bahagi ng singit, ay maaaring lumitaw na mas mapula kaysa sa natitirang bahagi ng katawan na may pantal. Sa unang bahagi ng sakit, ang bata ay maaaring magkaroon ng strawberry tongue na mukhang bukol at pula na may puting coating sa ibabaw.
Ang iba pang mga sintomas ng scarlet fever ay kinabibilangan ng:
Ano ang Scarlet Fever At Ano ang Maaari Mong Gawin Kung Pinaghihinalaan Mong Mayroon ang Anak Mo?
Madalas na tanungin kung ano ang scarlet fever kapag nakapapansin na ng ilang posibleng sintomas. Kung mapapansin mo ang mga senyales at sintomas sa itaas, ang una—at pinakamahalaga—na dapat gawin ay dalhin ang iyong anak sa doktor.
Ito ay hindi lamang para sa tamang diagnosis, ngunit para sa angkop na paggamot. Kung nakumpirma na ang iyong anak ay may scarlet fever, kailangan niyang uminom ng mga antibiotic para mas mabilis na gumaling, mabawasan ang posibilidad ng pagkahawa, at maiwasan ang mas malubhang komplikasyon, tulad ng pneumonia.
Bago umuwi, ang iyong doktor ay magbibilin sa iyo ng mga bagay na dapat gawin upang mapawi ang mga sintomas ng impeksyon. Maaaring kabilang dito ang:
- Pagbibigay ng maraming likido sa iyong anak.
- Paghahanda ng mga malambot na pagkain, para makakain pa rin siya nang maayos sa kabila ng pananakit ng lalamunan. Ang mga nakapapawi na tsaa at mainit na masusustansyang sopas ay mahusay na mga opsyon, pati na rin ang mga malamig na inumin, slushie, at popsicle.
- Pagbibigay sa kanya ng paracetamol o iba pang gamot para sa lagnat at pananakit.
- Paglalagay ng calamine lotion para sa makati na pantal. Upang maiwasan ang karagdagang pinsala, gupitin ang mga kuko ng iyong anak.
Maging Maingat sa Antibiotics
Ang pinakamahusay na gamot para sa scarlet fever ay ang mga iniresetang antibiotics. Kung walang antibiotic therapy, patuloy silang makahahawa sa loob ng isang linggo o dalawa pagkatapos ng simula ng mga sintomas at maaaring magkaroon pa ng mga komplikasyon.
Gayunpaman, mangyaring tandaan na ang iyong anak ay nakakahawa pa rin sa loob ng 24 na oras pagkatapos simulan ang antibiotic treatment. Samakatuwid, huwag silang payagan na pumunta sa palaruan o paaralan sa panahong iyon.
Panghuli, mangyaring tapusin ang antibiotic therapy ayon sa utos ng doktor. Karamihan sa mga bata ay bumubuti ang pakiramdam pagkatapos ng 4 o 5 araw ng paggamot, ngunit kung sinabi sa reseta na kailangan nila itong inumin sa loob ng 7 o 10 araw, mangyaring sundin ito.
Key Takeaway
Ano ang scarlet fever? Ito ay kadalasang nangyayari sa mga batang may strep throat. Kung mapapansin mo ang mga senyales (pulang pantal, pulang linya, strawberry tongue), mangyaring dalhin ang iyong anak sa doktor para sa tamang pagsusuri at paggamot.
Alamin ang iba pa tungkol sa Infectious Diseases ng Bata dito.